top of page
Search

ni Thea Janica Teh | November 24, 2020




Pinayuhan ng ilang eksperto ang mga Pinoy na iwasan ang mass gathering at gawing virtual na lamang ang pagdiriwang ng Pasko upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Ayon kay Dr. Edsel Salvana, miyembro ng technical advisory group ng Department of Health (DOH), “We do urge people as much as possible not to mix households. Just do virtual Christmas if you can. Konti na lang. The vaccines are coming.”


Ang pagsasagawa umano ng mass gathering kasama ang pamilya, mga kaibigan at iba pang mahal sa buhay ay isa sa mga dahilan ng pagtaas ng bilang ng kaso ng mga nagkakaroon ng COVID-19.


Nitong Lunes, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na maglalabas ito ng department circular upang ipaalala sa mga Pinoy na ipagpatuloy ang minimum public health standards sa panahon ng Kapaskuhan.


Sa ilalim ng circular, ipinagbabawal ang mga holiday activities tulad ng caroling, pamimili sa mga shopping centers, indoor gathering, pagsakay sa public transportation at iba pang gawaing nagsasagawa ng physical contact.

Ang circular na ito ay ipamamahagi sa lahat ng lokal na pamahalaan at ahensiya ng gobyerno sa bansa upang ipatupad.


Samantala, ibinahagi ni Salvana na sa nakalipas na 14 araw, unti-unti nang bumababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa 2,000.


Sa loob ng 14 na araw, nangunguna pa rin ang Davao City, Cavite, Quezon City, Rizal at Laguna sa pinakamaraming bilang ng bagong kaso sa bansa.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 23, 2020




Magtataas na ng singil sa toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) simula Nobyembre 25 nang 12:01 AM.


Para sa mga class 1 o regular car at Sports Utility Vehicles (SUVs), P4 ang idagdag sa flat rate nito sa pagpasok sa mga ‘open system’ kabilang ang Quezon City, Caloocan City, Valenzuela City, Malabon City, Navotas City at Meycauayan at Marilao, Bulacan.


Samantala, P10 ang idaragdag sa mga bus at small trucks at P11 naman para sa mga malalaking sasakyan sa ‘closed system’ na nagsisimula sa Bocaue, Bulacan hanggang Sta. Ines interchage at connection sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX). Ito ay itinaas sa 6 centavos per kilometer.


Kaya naman, para sa end-to-end travel mula Metro Manila hanggang Mabalacat, Pampanga, aabot sa P9, P20 o P25 ang dagdag-singil sa toll fee depende sa vehicle type na gamit.


Ang pagtaas ng toll fee ay sanhi ng pagbubukas ng NLEX Harbor Link segment, ang elevated extension ng expressway sa pagitan ng Caloocan Interchange at C3 Road at Navotas Interchange sa tabi ng Mel Lopez Boulevard. Ito ay nagkakahalaga ng P7 bilyon na binuksan noong Hunyo 15 at kasalukuyan nang dinaraanan ng halos 30,100 vehicles kada araw.


Dahil dito, nasa 20 minuto na lamang ang biyahe mula Mindanao Avenue toll plaza hanggang Port Area sa Maynila.

 
 

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | November 22, 2020




Hello, Bulgarians! Hatid ng Pag-IBIG Fund sa kanilang mga miyembro ang loan restructuring program na papayagang hati-hatiin ang kanilang bayad hanggang March 2021 sa pinakamababang monthly payment.


Inanunsiyo nitong Miyerkules, sinabi ni Secretary Eduardo D. del Rosario na Chairman din ng 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees at head ng Department of Human Settlement and Urban Development na handa na ang ahensiya na magbigay ng pinakamababang monthly payment sa loob ng 6 na buwan sa lahat ng home loan borrowers.


Hatid din ng ahensiya na i-waive ang penalty para sa mga hindi pa nababayarang amortization sa ilalim ng Special Housing Loan Restructuring Program (SHLRP) upang matulungan ang mga miyembro na makapagbayad sa kabila ng nararanasang pandemya ngayong taon.


Aniya, “We understand the need of our members especially during these trying times, that is why we are offering this program to help ease their financial burden and provide them enough time to recover. We want to let them know that the special loan restructuring program is available to our housing loan borrowers who have unpaid monthly amortizations of up to 12 months as of August 2020. We are doing this in support of the government's efforts, led by President Duterte, in helping Filipinos who are going through financial difficulties caused by COVID-19.”


Dagdag pa ni del Rosario, simula noong Setyembre, nakatanggap na umano sila ng halos 45,000 aplikante sa programang ito.


Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy P. Moti, maaaring magpasa sa Virtual Pag-IBIG Fund online ang mga miyembro upang mas ligtas ang magiging transaksiyon.


“We will be accepting applications for our Special Housing Loan Restructuring Program via Virtual Pag-IBIG to make it easier and safer for our borrowers. They can apply for the program from the safety of their homes by clicking www.pagibigfundservices.com/virtualpagibig/HLR/Restructuring.aspx<http://www.pagibigfundservices.com/virtualpagibig/HLR/Restructuring.aspx>. They don't have to go to our branches anymore,” sabi ni Moti.


Pinaalalahanan din nito ang mga miyembro na hindi sila nanghihingi ng downpayment o processing fee. Ang SHLRP umano ang kanilang paraan upang matulungan ang mga miyembro sa kabila ng pandemya at kalamidad.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page