top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 18, 2024



Photo: Barbie, Richard at Sarah - Manila Restaurant - IG Sarah Lahbati


Marami ang nagtataka kung bakit tila ‘unbothered’ si Sarah Lahbati sa kanyang sitwasyon nang maghiwalay sila ni Richard Gutierrez.


Wala naman siyang post sa socmed (social media) na regular na nagbibigay ng sustento si Richard sa dalawa nilang anak. 


Ang masasayang bonding sa mga kaibigan at ang pamamasyal nilang mag-ina abroad ang laging post ni Sarah sa socmed. Patunay lamang ito na masaya si Sarah sa kanyang pagiging single ngayon. 


Nagkaroon siya ng panahon para sa kanyang sarili at nag-e-enjoy kasama ang mga kaibigang sina Kathryn Bernardo, Sofia Andres, atbp. niyang non-showbiz friends.


May mga negosyong naipundar si Sarah na kumikita na nang milyones ngayon, kaya hindi na niya problema ang gastusin ng dalawang anak. At balewala rin kay Sarah kung i-display man ni Richard ngayon ang relasyon nila ni Barbie Imperial, hindi siya insecure at alam niya ang kanyang mga karapatan. 


Hindi na rin siya naghahabol ng sustento kay Richard para sa dalawa nilang anak. Ang mahalaga kay Sarah ay nagkaroon siya ng kalayaan na kumilos at magdesisyon para sa kanyang sarili. 


Suportado si Sarah Lahbati ng kanyang mga magulang at kapatid. Kung anuman ang pinagdaraanan niya ngayon sa kanyang personal na buhay, may pamilya at mga kaibigan siyang handang dumamay.


BFF pa naman ng anak, nang-iwan pa rin… 

AI AI, NAGPAKASAL KAY GERALD DAHIL SA PAYO NI SANCHO



Sa isang lumang interbyu ni Ai Ai Delas Alas, naikuwento niyang ang anak niyang si Sancho ang nagpakilala sa kanya kay Gerald Sibayan. Parehong badminton players noon sa De La Salle sina Sancho at Gerald. Dito nagsimula ang panliligaw ni Gerald sa Comedy Queen. 


Nang maging magkarelasyon na sina Ai Ai at Gerald, si Sancho mismo ang nagpayo sa kanyang ina na magpakasal na kay Gerald upang magkaroon ng tahimik na pamilya. 


Pagkatapos ng kasal, naghabilin si Sancho kay Gerald na mahalin at huwag sasaktan ang kanyang ina. 


Ngayong hiwalay na sina0 Ai Ai at Gerald, hindi kaya sinisisi ni Sancho ang kanyang sarili kung bakit naipakilala pa niya si Gerald sa kanyang ina? At hindi na rin sana niya pinayuhan ang Comedy Queen na magpakasal kay Gerald upang hindi na gaanong nasaktan ang kanyang ina. 


Maraming naisakripisyo si Ai Ai sa larangan ng pag-ibig. Todo-bigay siya kung magmahal, pero madalas pa rin siyang nasasaktan at iniiwan ng mga lalaking minahal niya. 


Sa ngayon, ang tanging magagawa ng mga anak ni Ai Ai ay damayan siya at bigyan ng moral support. May career pa rin naman siya at marami pang blessings ang darating sa kanya, marami siyang natulungan, at ‘yun ang good karma niya. Makaka-move on pa rin siya at may magandang kapalit ang kanyang mga kabiguan sa pag-ibig.



Marami ang nagtatanong kung bakit hindi pa nagkakaroon ng boyfriend ang Kapuso actress na si Sanya Lopez.


Sexy naman siya at maganda, sweet din at mahusay makisama sa lahat ng kanyang nakakatrabahong artista. For sure, may mga secret admirers din na nakikiramdam at gustong manligaw kay Sanya. Pero nakikita nilang sobrang busy at goal-oriented ang aktres, kaya hindi naitutuloy ang panliligaw. 


Career ang priority ni Sanya at marami siyang plano sa buhay. Hindi rin siya nagmamadali na magka-boyfriend. Inuna muna ng Kapuso actress ang pagpupundar ng bahay at sasakyan. Gusto rin niyang maging financially stable, kaya sinasamantala niya ang mga oportunidad na dumarating.


Isa si Sanya Lopez sa mga lead stars ng historical seryeng Pulang Araw (PA), kasama sina Alden Richards, Dennis Trillo, Barbie Forteza, David Licauco, atbp..


Hinahasa niya nang husto ang kanyang acting skills upang makaganap sa iba’t ibang roles. Choice niyang gawing prayoridad ang kanyang career, at kahit loveless, hindi naman malungkot ang kanyang buhay.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 17, 2024



Photo: Ariel at Gelli - socmed


Malaki ang iginanda at ibinata ng hitsura ngayon ni Gelli de Belen, hindi mo aakalain na may mga binata na siyang anak. 


Mismong ang King of Talk na si Boy Abunda ang humanga kay Gelli nang mag-guest sa birthday episode ni Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) kasama ang mister nitong si Ariel Rivera. 


At habang nagtatagal ang pagsasama nina Ariel at Gelli, lalong nagmumukhang bagets ang aktres. 


Kuwento nga ni Ariel, napagkamalan siyang tatay ni Gelli noong nagbakasyon sila sa Canada. At nu'ng minsan naman, napagkamalan din siyang bodyguard ng misis.


Happy ang married life ni Gelli, kaya mukha siyang bata at maganda pa rin, at ang sikreto raw ng kanilang matagal na pagsasama ni Ariel ay hindi sila nag-aaway. Kung may mga bagay na hindi nila mapagkasunduan, idinadaan nila sa diskusyon at hindi nauuwi sa away. Pareho rin silang hindi seloso-selosa at may tiwala sa isa’t isa.


'Di na lang sila pang-love team…

MAY-EDAD NANG AKTRES, BUMIBIGAY NA SA ACTOR-POLITICIAN NA SUPER GENEROUS MAGREGALO 


BLIND ITEM:

MARAMI ang nagsasabing hindi lang pang-promo sa kanilang serye ang panunukso ngayon sa may-edad nang aktres at sa actor-politician. 


Ayon sa ilang malapit sa actor, type niya ang magandang aktres kahit medyo may-edad na ito. Wala namang magiging problema dahil single ang status ng veteran actress. 

Noong kanyang kabataan at kasikatan, kinababaliwan at pinagpapantasyahan siya ng maraming aktor. 


Sa isang guwapong action star siya umibig at nagkaroon ng mga anak. Pero ngayon ay may sariling pamilya na rin ang mga anak ng magandang aktres, kaya naghahanap siya ng kalinga at pagmamahal. 


May mga umaaligid na gustong manligaw sa may-edad nang aktres, pero medyo choosy pa siya at nag-iisip kung muli siyang makikipagrelasyon. 

Kaya nagtanung-tanong muna siya sa ilang kaibigang artista tungkol sa background ng actor-politician na pumoporma ngayon sa kanya. Kilala rin kasing matinik sa chicks ang machong actor-politician. 


Dalawang beauty queens-actresses ang kanyang mga ex-GFs. At lately, mukhang bumibigay na ang may-edad na aktres matapos makausap ang beauty queen-actress na dating nakarelasyon ng actor-politician na napaka-generous daw kung magregalo. 

Hihintayin na lang ang pag-amin nila sa publiko.



LABIS na ipinagpapasalamat ni ER Ejercito ang pagdamay ng mga kasamahan niyang artista noong pumanaw ang kanyang kabiyak na si Maita Sanchez dahil sa kanser.


Dating mayor ng Pagsanjan si Maita, at ito ang balwarte ng mga Estrada, kaya rito siya ibinurol. 


Dumating at nakiramay kay ER Ejercito sina Sen. Bong Revilla, Jr., Sen. Jinggoy Estrada, Phillip Salvador, Azenith Briones, atbp..


Nagluluksa man sa pagpanaw ng kanyang asawa, kailangan ni ER na maging matatag para sa kanyang mga anak. At marami siyang dapat ayusin ngayong kumakandidato siyang mayor ng Pagsanjan, Laguna. 


Dati nang nanungkulan na gobernador ng Laguna si ER. Malaki ang malasakit niya sa Pagsanjan, kaya muli niyang itutuloy ang mga proyektong nasimulan niya. At alam niyang gagabayan siya ng yumao niyang asawa na si Maita Sanchez.



TWENTY-NINE years nang umeere sa GMA-7 ang Bubble Gang. Kaya, kakaibang episode ang handog ng show sa kanilang mga loyal viewers. 


Two-part special ito na may kakaibang concept dahil sinamahan ng musical numbers at mga original Tagalog songs na binali at binigyan ng bagong areglo upang maaliw at maka-relate ang mga viewers ng Bubble Gang.


Kaya hindi boring panoorin ang BG dahil lagi silang may mga bagong idea at sumusunod kung ano ang uso sa henerasyon ng mga GenZ. 


Malaking hamon sa buong cast ng Bubble Gang ang makapagpasaya sa halos tatlong dekada nilang pamamalagi sa ere.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 16, 2024



Photo: Ken Chan - Instagram


Tama ang desisyon ng Kapuso actor na si Ken Chan na lumantad na at ibigay ang kanyang panig sa pagdedemanda sa kanya ng ilan sa mga dati niyang kasosyo sa negosyo.


Sabi nga, “The truth will set you free.” 


At sa awa ng Diyos, at sa tulong ng mga taong nagmamalasakit sa kanya, tiyak na

malilinis din ang pangalan ni Ken Chan. 


Mahigit 10 taon niyang binuo ang kanyang showbiz career. Huwag niyang payagan na ibagsak at wasakin siya ng mga taong traydor na naiinggit sa kanya. Hard lesson learned ito para kay Ken, ‘di niya inakala na ang sobrang pagtitiwala sa tao ay

magdadala sa kanya ng kapahamakan. 


At huli na nang kanyang matuklasan ang lahat na pinlano talaga ang pagbagsak ng kanyang negosyo. 


May ilang netizens naman ang nagpayo na sana ay nagdeklara agad si Ken Chan ng bankruptcy noong nalugi ang tatlo niyang Cafe Claus Resto na itinayo niya upang hindi pagdudahan na itinakbo niya ang pera ng kanyang mga kasosyo. 


Well, hindi pa naman huli ang lahat upang maayos ni Ken Chan ang kanyang problema na hinaharap. Maging matatag lang siya at samahan ng dasal. Tiyak na marami ang tutulong sa kanya.



Ang totoong buhay ni Ai Ai delas Alas ay hindi isang komedya. Kahit binansagan siyang Comedy Queen, punumpuno ng drama ang kanyang pinagdaanan. 


Ang ilang beses niyang pakikipagrelasyon ay nauwi lahat sa paghihiwalay.


Ayon na rin sa manager niyang si Boy Abunda, ang pinakamasakit na interbyu na ginawa niya sa bawat pakikipaghiwalay ni Ai Ai ay ‘yung pag-amin nito na hiwalay na rin sila ni Gerald Sibayan.


Nakita kasi ni Abunda na ibinuhos nang husto ng Comedy Queen ang kanyang pagmamahal kay Gerald, at sampung taon din silang tumagal. 


Masakit ang naging karanasan ni Ai Ai sa bawat pakikipaghiwalay niya sa mga lalaking kanyang minahal.


Napanood namin ‘yung interbyu ni Abunda kay Ai Ai noong naghiwalay sila ni Jed Salang. Binugbog at kinaladkad daw siya ni Jed dahil sa pagtanggi niyang mag-celebrate sila ng anniversary sa isang hotel casino for 3 days. At kabibigay lang daw niya ng regalo niyang brand new car kay Jed noong siya ay binugbog nito. Agad siyang nakipaghiwalay pagkatapos ng nasabing insidente.


Maging sa piling ng singer na si Miguel Vera, dumanas din si Ai Ai ng pananakit na pisikal. At sa bawat pakikipaghiwalay nito ay sa show ni Boy Abunda siya naglalahad ng mga detalye. 


At ngayon, kay Gerald, bukod sa may third party involved ay may sakitan din daw na naganap bago nila tinapos ang kanilang relasyon. 

Kaya marami ang naaawa sa kanyang pagiging martir na battered wife. Bakit laging sa maling lalaki siya umiibig?





MATAGAL bago nakawala sa anino ng kanyang amang actor/director si Efren Reyes, Jr..

Sikat na sikat na action star noon si Efren Reyes, Sr. at isa rin itong mahusay na direktor. Para kay Efren Reyes, Jr., mahirap pantayan ang mga naging achievements ng kanyang ama. 


Kaya naman nang pumanaw si Efren Reyes, Sr. ay nangako siya na susundan ang iniwang legacy ng kanyang ama. 


Nakapagbida naman si Efren, Jr. sa ilang pelikula noon na kanyang ginawa. Nakapareha niya noon sina Elizabeth Oropesa, Chanda Romero, Gina Alajar, Anna Marin, Myrna Castillo, atbp.. Sila ni Jess Lapid, Jr. ang pinagtatapat sa kasikatan. 


Inalok din siya noon na gumanap na kontrabida role at dito ay marami siyang nagawang pelikula. 


Namana ni Efren Reyes, Jr. ang talento ng kanyang ama sa pagdidirek ng pelikula, at nagamit niya ito sa pelikulang IDOL: The April Boy Regino Story. Ito ay produced ng Premiere Water Plus Productions ni Marynette Gamboa. 

Ang baguhang si John Arcilla ang gumanap bilang si April Boy Regino, kasama si Kate Yalung na gumanap bilang si Madel, asawa ni April Boy. 

Showing na ito sa November 27.


Ang hindi niya mabigyan ng anak ang mister ang sinasabing isa sa mga dahilan kung bakit nakipaghiwalay si Gerald Sibayan kay Ai Ai. At ‘yun nga, senior citizen na ang Comedy Queen. 


Gayunpaman, may ilang mga netizens na gustong magbigay ng payo at paalala kay Ai Ai. Dapat daw ay tanggap na nito na sa kanyang edad ngayon, huwag na siyang umasa pa na may “forever” at sana ay seseryosohin siya ng sinumang lalaki, lalo na kung mas bata sa kanya. 


Sabi nga ng isang vlogger, dapat hindi ibinuhos nang todo-todo ni Ai Ai ang kanyang pagmamahal kay Gerald Sibayan. Maliwanag na ginamit lang siya nito para sa pansariling interes, kaya ang payo nila sa Comedy Queen ay huwag nang pumasok uli sa seryosong relasyon kapag muling umibig. Pa-“fling-fling” na lang upang hindi siya masyadong madurog kapag naghiwalay.


Alam ng lahat na may pagka-“La Vida Loca” si Ai Ai kapag nai-in love, todo-bigay at buo ang tiwala.



Dahil big hit ang Kathryn Bernardo at Alden Richards movie, wish ng mga KathDen fans na ‘wag silang matulad sa ALDUB (Maine at Alden).


Sobra-sobra ang pagbubunyi ng mga KathDen fans sa big, big success ng pelikulang Hello, Love, Again (HLA). Kumita ito ng P85 million sa opening day at ipinalabas sa 700 theaters nationwide. 


Muling pinatunayan ng tambalang KathDen na box office stars sila at malakas ang hatak sa takilya. Sobra ang hatid na kilig sa moviegoers ng tambalan nila at muling nabuhay ang interes ng publiko sa mga love teams


Tulad din sa kasikatan ng Bea Alonzo at John Lloyd Cruz tandem, marami ang naka-relate sa love story ng KathDen.


Ang tanging hiling lang ng mga fans nina Kathryn at Alden ay sana, hindi sila matulad sa naging kapalaran ng AlDub. Sana raw ay magpakatotoo sila sa kanilang real feelings sa isa’t isa, at huwag lang maging sweet on cam para sa kanilang career. 


Okey na magsimula silang magkaibigan muna, huwag paniwalain ang kanilang mga fans na may relasyon sila in real life.


Ganoon ang nangyari noon kina Maine Mendoza at Alden Richards, kaya hirap na makalimot ang mga AlDub fanatics nang malantad na si Arjo Atayde ang tunay na karelasyon ni Yaya Dub at nauwi pa sa pagpapakasal. 


Ayun, tuluyang nabuwag ang AlDub love team.

ay pagka-“La Vida Loca” si Ai Ai kapag nai-in love, todo-bigay at buo ang tiwala.



Hindi matigil-tigil ang tsismis at panunukso ngayon sa tambalan nina Lorna Tolentino at Sen. Lito Lapid sa set ng Batang Quiapo (BQ). May chemistry daw kasi ang pinuno (Lito Lapid) at ang magandang dilag na si Lorna Tolentino. Maraming viewers ang

kinikilig sa kanila. 


Bagama’t alam ng publiko na may pamilya na si Sen. Lito at tahimik ang kanyang private life, naghahanap pa rin ang viewers ng bagong tambalan sa BQ. At wala naman daw masama kung magiging malapit sa isa’t isa sina Lorna T. at Sen. Lito, dahil matagal nang biyuda si Lorna at ang aktor naman ay bukas sa publiko ang mga nakarelasyong artista tulad nina Azenith Briones at Melanie Marquez. And for sure, alam lahat ito ni Lorna. 


Ang tanong, pumayag naman kaya sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla, Jr. na magkaroon na ng kapalit sa puso ni Lorna ang yumao nilang BFF na si Rudy Fernandez?

Boto ba sila kay Sen. Lito Lapid para kay Lorna Tolentino?


‘Yan ang aabangan ng lahat!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page