top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Dec. 1, 2024



Photo: Neri Naig Miranda - IG


Ang labis na inggit ng kanyang mga kalaban sa negosyo ang dahilan daw kaya nagkaproblema at kinasuhan ngayon ang misis ni Chito Miranda na si Neri Naig. 


Ang bilis-bilis kasi ng kanyang pagyaman dahil sa mga negosyong itinayo nila ni Chito.


Well, napakasipag at madiskarte si Neri pagdating sa negosyo, kaya kumita siya nang milyones at nakapagpatayo ng mga resto, malaking bahay, resort, at nakabili ng yate na iniregalo niya sa kanyang mister.


Ngayon, bigla na lang may mga kasong isinampa kay Neri. 


Naninindigan naman siya na wala siyang kinuhang pera mula sa mga sumosyo sa kanyang negosyo. 


Well, kailangan ngayon ni Neri ang tulong ng isang magaling na abogado na magtatanggol sa kanya.


Maraming kaibigan ang nagdarasal na sana, malagpasan nina Neri Naig at Chito Miranda ang pagsubok na dumating sa kanilang buhay.



ANG bongga naman ng bagong proyekto ni Ian Veneracion sa ABS-CBN, ang action-drama serye na Incognito na may powerhouse cast. 


Bida rito sina Daniel Padilla at Richard Gutierrez, at kasama rin sina Baron Geisler, Maris Racal, Anthony Jennings at Kaila Estrada. 


Mistulang isang malaking serye ang Incognito, na ginastusan nang husto at kinunan sa iba’t ibang lugar tulad ng Palawan, Italy, at iba pa. Ito ay idinirek ni Lester Pimentel.


Well, hindi tumatanda ang hitsura ni Ian Veneracion, hindi siya nalalayo sa porma nina Daniel at Richard. Pang-leading man pa rin ang kanyang aura, dahil matikas pa rin siya at hindi lumaki ang kanyang tiyan. 


Gustung-gusto ni Ian ang kanyang role sa Incognito dahil napasabak siya sa matitinding action scenes kasama sina Daniel, Richard, Baron, at Anthony. Maging sina Maris at

Kaila ay napalaban din at may mga action scenes na ginawa.



MARAMI pa rin ang kinikilig sa love team nina Cassy Legaspi at Darren Espanto, sobrang bagay daw sila sa isa’t isa. 


Kaya naman nang magkita silang muli sa birthday party ni Rhea Tan, ang CEO ng Beautéderm, Inc., marami ang nag-abang sa mga magiging kaganapan kina Cassy at Darren. 


Masaya ang kanilang mga fans nang makita na nagbatian at nag-usap sila. Naging komportable silang magkasama at hindi nag-isnaban. 


Kaya nagbabakasakali ang mga fans na baka puwede pa raw manumbalik ang dati nilang relasyon, tutal ay pareho naman silang single. 


Wala pang ipinakikilala si Cassy na boyfriend, ganoon din si Darren na wala pang girlfriend.


Pero sa ngayon, hindi priority nina Cassy at Darren ang kanilang love life. Pareho silang focused sa kanilang career. Darating din sa tamang panahon ang hinahanap nilang “the one”.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 30, 2024



Photo: Richard Gutierrez - IG


Malaki pa rin pala ang talent fee (TF) ni Richard Gutierrez per taping day ng kanyang seryeng tinatanggap. 


Kung si Daniel Padilla ay P400 thousand ang TF per taping day, si Richard ay binabayaran naman ng P350 thousand per taping day. 


Kaya kahit wala siyang ginagawang pelikula ngayon, patuloy siyang kumikita nang malaki. At may mga negosyo rin siyang naipundar kaya can afford siyang mag-travel abroad at pumili lang ng gusto niyang project na gagawin. 


Well, may ilang mga netizens naman ang nagtatanong kung nagsusustento ba si Richard sa dalawa nilang anak ni Sarah Lahbati. Obligasyon niya bilang isang ama na itaguyod ang mga pangangailangan ng kanyang mga anak. 


At dapat din na maglaan siya ng oras na makasama at maka-bonding ang kanyang mga anak upang hindi lumayo ang loob ng mga bata sa kanya. 


Okey lang naman na nagkaroon siya ng bagong pag-ibig kung hindi na sila puwedeng magkabalikan ni Sarah Lahbati. 


Iniwan ng mister…

AI AI, NAWALAN NG PABIGAT SA BUHAY



May ilang mga netizens ang nagsasabing blessing in disguise para kay Ai Ai delas Alas ang paghihiwalay nila ni Gerald Sibayan. Mas nagkaroon ngayon ng panahon ang Comedy Queen na mag-focus sa kanyang sarili at sa kanyang career. 


Nawalan na siya ng malaki at mabigat na pasanin sa kanyang balikat. Hindi na niya kailangang isakripisyo ang pansariling kapakanan para kay Gerald. 


Ganito rin ang naging reaksiyon ng ilang kaibigan at tagahanga ng Comedy Queen, kahit na masakit para kay Ai Ai na natapos ang sampung taon nilang relasyon na hindi pa rin pala kuntento si Gerald sa kanyang piling. 


Well, makaka-move on din naman si Ai Ai sa tulong ng kanyang mga anak, kaibigan, at iba pang nagmamalasakit at nagmamahal sa kanya. 


Samantala, marami ang natuwa nang mag-post ng larawan ang Comedy Queen na nasa gym, patunay ito na inaalagaan na ni Ai Ai ang kanyang sariling kalusugan. 


May career pa si Ai Ai sa showbiz, at dito na muna niya ibuhos ang kanyang panahon.

Samantala, si Ai Ai ang tampok sa two-part special Christmas episode ng

Magpakailanman. Siya ang gaganap sa Theresa Mayuga Story, ang ‘Nanay Rider’. Tiyak na makaka-relate siya sa kanyang role rito.


May kahati sa GF… GERALD, ‘DI PA PUWEDENG YAYAIN NG KASAL SI JULIA



MUKHANG hindi pa mauuwi sa kasalan ang relasyon nina Julia Barretto at Gerald Anderson. Bumobongga pa lang nang husto ang career ni Julia at hindi niya basta-basta maigi-give up ito kapalit ng pagiging Mrs. Anderson. 


Kailangan pang maghintay ng ilang taon ni Gerald bago niya mapapayag si Julia na magpakasal sa kanya. Kailangan ni Julia na maging praktikal sa buhay, marami pa siyang endorsements at movie projects, at kikita pa siya nang milyones. Makakaipon pa siya nang malaki.


Kadalasan kasi, kapag nag-asawa na ang isang sikat na aktres, nababawasan na ang kanyang popularidad. Alam ito ni Gerald Anderson, kaya hindi niya dapat apurahin ang pagpapakasal kay Julia.


Wala naman dapat na ipag-alala ang aktor na maagaw pa ng iba si Julia Barretto dahil alam naman ng lahat na malalim na ang kanilang relasyon. Konting panahon na lang ang kanilang ipaghihintay.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 29, 2024



Photo: Alden at Kath sa Hello Love Again, Marian Rivera - Instagram


Nagpaabot ng kanyang pagbati ang Primetime Queen na si Marian Rivera kina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa tagumpay ng pelikulang Hello, Love, Again (HLA) na umabot na sa P1 billion plus ang kinita sa takilya.


Kahit na sabihin pa ng ilang mga bashers na nahigitan ng HLA ang kinita ng Rewind movie nila ni Dingdong Dantes, muntik na ring naka-P1 billion ang kinita sa takilya ng DongYan movie. 


Sincere si Marian sa kanyang ginawa at walang inggit at hindi siya na-insecure sa tagumpay ng HLA. Mas dapat pa nga raw na maging masaya ang lahat ng artista sa tagumpay ng KathDen movie dahil patunay ito na bumabalik na ang sigla ng movie industry. 


Well, sana sa darating na Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024 ay kumita rin ang lahat ng pelikulang kasali sa filmfest.



MASAYA at excited ang mga Vilmanians sa balitang may isang 3-series book na gagawin para sa Star for All Seasons na si Vilma Santos. 


Ang libro ay tatalakay sa personal na buhay ni Ate Vi, sa kanyang pagiging aktres at sa kanyang pagiging public servant.


Isang magaling na professor na may doctorate degree ang susulat ng libro tungkol kay Vilma, at ang publisher ay isang unibersidad na sikat sa buong Asia, ang UST. 


Napapanahon na ang pagbuo ng libro tungkol sa buhay ng magaling na aktres na binansagang Star for All Seasons.


Malaki ang naiambag ni Vilma Santos sa movie industry, at nakagawa na siya ng magaganda at mga de-kalidad na pelikula. Hindi na rin mabilang ang acting awards na kanyang nakamit. 


Mahigit anim na dekada na siya sa showbiz at nagsimula ang kanyang showbiz career bilang child star. 


Hindi rin matatawaran ang kanyang track record bilang public servant. Nanungkulan siya bilang mayor ng Lipa City, hanggang sa naging gobernador, at ngayon ay magbabalik upang muling pamunuan ang Batangas. 


Well, may maganda ring pamasko si Ate Vi sa mga Vilmanians dahil may movie siya sa darating na MMFF 2024, ang Uninvited na produced ng Mentorque Productions at idinirek ni Dan Villegas. Kakaibang pagganap ni Vilma ang mapapanood ng lahat.



PURING-PURI ng mga netizens ang aktor na si Jake Ejercito dahil kailanman ay hindi niya ikinahiyang aminin sa publiko na isa siyang binatang-ama. 


Kahit marami ang nagsasabing makakaapekto sa kanyang career kapag nalaman ng mga fans na may anak na siya, nagpakatotoo pa rin si Jake, wala siyang balak itago ang tungkol sa kanyang anak na si Ellie. 


In fact, simula pa noong bata si Ellie ay laging nagpo-post si Jake sa social media ng mga larawan nila, pati na rin sa pagbabakasyon nilang mag-ama abroad.


Ngayon ay 13 years old na si Ellie, at binigyan ng memorable birthday celebration ng kanyang Daddy Jake at grandma na si Laarni Enriquez. Dumating din si Andi Eigenmann, kaya nakasama ni Ellie ang kanyang mom at Daddy Jake. Kumpleto sila sa family picture.


Maganda ang co-parenting setup nina Andi at Jake, may open communication sila at nananatiling magkaibigan. 


Hindi pinipigilan ni Jake si Ellie kung gustong sumama sa Siargao para makasama ang dalawang kapatid. Pinapayagan naman ni Andi si Ellie na magbakasyon sa USA kasama ang Ejercito family. 


Nagpasalamat din si Jake kay Philmar Alipayo dahil itinuring ding anak si Ellie.



BAKIT daw tahimik pa ang ibang pelikulang pasok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024? Bakit hindi pa sila nag-iingay para i-promote ang kanilang filmfest entry? 


Ang movie nina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual na The Kingdom (TK) ay ngayon ang mediacon. Mukha namang interesting ang movie, base sa trailer na ipinasilip na.


Pero si Vice Ganda, bakit ayaw pang mag-ingay para sa movie niyang And The Breadwinner Is … (ATBWI)? Consistent top grosser sa MMFF ang mga pelikula ni Vice Ganda, malakas pa rin ang hatak niya sa moviegoers.


Si Vic Sotto, ever since ay tahimik lang at hindi nakikilahok sa ibang MMFF entries.


Katwiran ni Bossing Vic, hindi siya nakikipagkumpitensiya sa kahit sinong artista o pelikula. Ang gusto lang nila ay magpasaya ng mga batang manonood ng kanyang pelikula. Naging panata na nila ang gumawa ng MMFF movie taun-taon.  


At si Piolo Pascual na kasama nga sa TK, marami pa ring mga loyal fans at tiyak na panonoorin ang movie nila ni Bossing Vic Sotto.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page