top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Jan. 13, 2025



Photo: Jak Roberto - Instagram


Hindi pa rin matahimik ang mga nagulat at nabulabog na JakBie fans sa ginawang announcement ni Barbie Forteza na break na sila ni Jak Roberto. Hindi pa nila ganap na matanggap na nagtapos na ang pitong taong relasyon ng kanilang mga idolo. Umaasa pa rin ang mga loyal JakBie fans na “cool-off” lang sina Barbie at Jak at muling magkakabalikan.  


Pero dismayado naman kay Jak ang mga fans ni Barbie dahil sa mga pinaggagawa ng aktor lately. At ang latest nga ay ang mga happenings ni Jak, kasama ang isang BINI member. Nabunyag din ang tungkol sa inuman session ni Jak kasama ang Vivamax sexy star na si Ava Mendez. Binigyan din ng kulay ang pakikipag-party ni Jak sa isang AFAM noong New Year.  


Kapag ganito ang kaganapan sa buhay ni Jak, paano pa aasahan na may chance na magkabalikan silang muli ni Barbie? Hindi ba naisip ni Jak na makakasira sa kanyang image at career ang kanyang pinaggagagawa? 


Kung tutuusin, may career pa naman si Jak kahit nag-break na sila ni Barbie. Marunong naman siyang umarte, at guwapo pa. Puwede siyang tumanggap ng iba’t ibang klaseng role. Huwag sanang sayangin ni Jak ang magagandang oportunidad sa kanyang career.


Matagal niyang pinaghirapan upang siya ay sumikat.



Balot pa rin ng matinding kalungkutan at pamimighati si Dina Bonnevie sa biglaang pagpanaw ng kanyang mister na si Dept. of Agriculture Undersecretary DV Savellano.


Mahigit 12 taon silang magkasama, at bale magse-celebrate sana sila ng kanilang ika-13 wedding anniversary sa darating na Marso, 2025. 


Nakapagbakasyon pa sina Dina at DV sa Japan noong holidays, at walang premonisyon na papanaw na ito noong Enero 7.


Masakit para kay Dina Bonnevie ang pagpanaw ng kanyang mister dahil sa masasayang alaala na kanilang pinagsamahan noong nabubuhay pa si DV. Nakita ni Dina ang pagiging mabuting tao ng kanyang mister na laging tumutulong sa maliliit na manggagawa sa Ilocos.  


Magiging mahirap para kay Bonnevie ang mga susunod na araw pagkatapos ng libing ng kanyang mister dahil hindi na niya ito makakasama sa bahay. 


Pinayuhan na raw si Dina ng kanyang mga anak na sina Danica at Oyo Boy Sotto na pumisan na muna sa kanilang magkapatid upang malibang siya sa kanyang mga apo. 


Payo naman ng mga kasamahang artista ni Ms. D na magpakaabala siya sa kanyang career upang hindi maramdaman ang labis na kalungkutan.  


Sa ngayon, walang kontrata si Dina Bonnevie sa anumang network, freelancer ang status niya.


Noong nakaraang taon, maganda ang exposure niya sa Abot Kamay Na Pangarap (AKNP) na pinagbidahan ni Jillian Ward, kasama sina Carmina Villarroel, Richard Yap, Wilma Doesnt, Ken Chan, atbp.. Gumanap siya bilang kapatid ni Richard Yap.  


Nami-miss daw ni Bonnevie ang mag-host ng talk show, at kung sakali man na may mag-offer, gusto niyang magkasama sila ni Danica, na tulad niya ay sanay rin mag-host ng talk show. Well, puwede naman kahit once a week ang talk show, at magiging interesting itong panoorin. Open naman si Dina kahit saang network ito ipalabas, sakaling may producer na magkaka-interes.  


May mga negosyong naiwan si DV Savellano na kailangang asikasuhin ni Dina. Gayunpaman, gusto pa rin niyang maging aktibo sa kanyang showbiz career. Walang-wala siyang interes na pumasok sa pulitika kahit dating pulitiko ang kanyang mister.  



Dahil isa rin siyang artista, naiintindihan ni Bossing Vic Sotto na trabaho lang ang dahilan kaya tinanggap ng mga artista ang maging bahagi ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma (TROPP)


Kaya hindi niya isinama ang mga artista sa kanyang demanda laban sa kontrobersiyal na si Darryl Yap. 


Isa sa mga bina-bash nang husto ngayon sa social media ay ang aktres-direktor na si Gina Alajar, na may malaking role sa TROPP. Kasama rin sa movie sina Rosanna Roces, Mon Confiado at Rein Escaño.  


Marami naman ang nagsasabing hindi si Vic ang target na sirain ang imahe sa publiko. Damay din sa demolition job ang anak niyang si Pasig Mayor Vico Sotto, na muling kakandidatong mayor ng Pasig. 


Pero hinding-hindi papayag ang libu-libong mga fans at supporters ng TVJ na sirain ang pagkatao ni Bossing Vic Sotto para sa promo ng kontrobersiyal na pelikula.  


At ano ang motibo ng muling pagbuhay sa nakaraan ng sexy star na si Pepsi Paloma, gayong matagal na siyang pumanaw? 


Saksi ang mga kaibigang sexy stars na sina Coca Nicolas at Sarsi Emmanuel na dumanas ng matinding depresyon noon si Pepsi Paloma, kaya naisipan niyang magpakamatay.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Jan. 12, 2025



Photo: Rufa Mae Quinto - Instagram


Hindi madali ang pinagdaraanan ngayon ng sexy comedienne na si Rufa Mae Quinto (RMQ). Naghiwalay sila ng kanyang mister na si Trevor Magallanes, na nagsabing wala na siyang balak na balikan pa si RMQ. Nag-file na raw ito ng diborsiyo. 


Sumabay pa sa marital problem ni Rufa Mae ang pagsasampa ng kaso ng ilang grupo na nag-aakusa na na-scam sila ni RMQ. 


Ganunpaman, pinaninindigan ni Rufa Mae na hindi siya scammer at isa lang siyang endorser. Wala siyang ibinebentang franchise ng anumang beauty products o wellness center. Wala rin siyang balak na takbuhan ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Kaya nga umuwi siya agad ng Pilipinas at boluntaryong sumuko sa NBI. Nag-bail siya ng P1.7 million para sa pansamantala niyang paglaya.


Naniniwala si RMQ na mananaig din ang katotohanan at mapapatunayan niyang siya ay inosente. 


Sabi nga ni Rufa Mae, “Ako ay nakilalang komedyante. Wala akong anumang negosyo. Product endorser lang ako at hindi negosyante at hindi ako scammer!” 

Kaya nga umuwi agad siya ng ‘Pinas at boluntaryong sumuko.  



Bago pa man nabunyag sa publiko ang breakup nina Barbie Forteza at Jak Roberto, inamin ni Barbie sa isang interview na nagkulang siya ng oras para sa nobyo dahil sa kaabalahan niya sa kanyang career.


Lalo na noong panahon na nag-click at sumikat ang tandem nila ni David Licauco, ang BarDa, sunud-sunod ang kanilang mga projects at laging magkasama sa mga regional shows. 


Ang BarDa rin ang kinukuha sa ilang product endorsements, kaya halos hindi na nagkikita noon sina Barbie at Jak. 


Sinikap naman ng aktor na unawain ang sitwasyon nila ni Barbie, lalo na’t may agreement sila na pagdating sa kanilang career ay walang pakialaman. Pursigido si Barbie na i-level-up pa nang husto ang kanyang career. Kaya naman, in a way ay may naging pagkukulang si Barbie kung bakit nauwi sa paghihiwalay ang kanilang relasyon na pitong taon nilang inalagaan.


Lalaki lang si Jak Roberto na nangangailangan ng atensiyon at pagmamahal. Dumarating din ang oras ng kanyang kahinaan. 


Well, maraming kaibigan ang labis na nanghihinayang sa nagwakas na magandang love story nina Barbie Forteza at Jak Roberto.



Ngayong 2025, pansamantalang magpapahinga si Jodi Sta. Maria sa kanyang showbiz career. Hindi raw muna siya tatanggap ng serye o pelikula. Nagdesisyon siyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral at kukuha ng master's degree sa Family and Marriage Therapy.


At this point of her life, na-realize ni Jodi na marami pa siyang puwedeng gawin upang lumawak ang kanyang kaalaman sa buhay. Ang pagpapatuloy sa pag-aaral ang bibigyan niya ngayon ng prayoridad upang maging kapaki-pakinabang para sa kanyang future. 


Ganunpaman, hindi naman daw ganap na iiwan ni Jodi ang showbiz. Gusto pa rin niyang makaganap sa mga challenging roles.


Samantala, marami sa mga kaibigan ni Jodi ang humanga sa kanyang desisyon. Naiintindihan nila na mas pinili niya ang ipagpatuloy ang pag-aaral para sa kanyang master’s degree. Ibang fulfillment ang nakukuha ni Jodi Sta. Maria sa pag-aaral.


 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Jan. 11, 2025



Photo: Alex Gonzaga - IG


Gustung-gusto na ni Alex Gonzaga na magka-baby na sila ni Mikee Morada. Pero nagkaroon siya ng miscarriage noong una siyang magbuntis, kaya labis niya itong dinamdam. 


Inggit na inggit siya sa kanyang Ate Toni, na ngayon ay may dalawa nang anak. 

Naging konsuwelo na lang ni Alex na hiramin at laruin ang mga pamangkin na sina Seve at Polly. Tuwang-tuwa si Alex kapag tinatawag siyang “Tata” ni Baby Polly, at natutuwa siya kapag kinukulit ang mga pamangkin.


Hindi nawawalan ng pag-asa si Alex sa pangarap niyang magkaroon ng sariling anak na aalagaan. Isang kaibigang psychic ang nagsabing malaki ang posibilidad na mabubuntis na ngayong 2025 si Alex. Pero dapat daw na dobleng ingat siya sa kanyang sarili kapag nagbuntis upang mabuo ang kanyang baby. 


Ang una niyang pagbubuntis noon ay hindi natuloy dahil ayon sa nasabing psychic, may isang matandang lalaki daw ang nagbabantay kay Alex, kaya nagkaroon siya ng miscarriage. 


Kaya ngayon ay nagpapalapit si Alex Gonzaga sa kaibigang psychic upang proteksiyunan siya sa kanyang muling pagbubuntis.  



Extended hanggang January 14 ang pagpapalabas ng mga pelikulang kasama sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024.


Malaking bentahe ito para sa pelikulang Green Bones (GB) dahil marami ang gustong mapanood ang nasabing pelikula. 


Patuloy na pinag-uusapan ang galing sa pag-arte nina Dennis Trillo at Ruru Madrid. Deserve raw ng dalawang Kapuso actors ang kanilang panalo bilang MMFF 2024 Best Actor at Best Supporting Actor via Green Bones na nanalong Best Picture.


Samantala, nagtataka naman ang ilang mga netizens kung bakit bina-bash at ginagawang isyu ang pagdo-donate ni Dennis ng cash prize niyang P100,000 para sa grupong tumutulong sa mga PDL (Persons Deprived of Liberty). Sincere at bukal naman sa loob ni Dennis ang kanyang ginawa, at maraming PDL ang matutulungan. 


Matutupad ang mga munting kahilingan ng mga PDL para sa kani-kanilang sarili at sa mga mahal nila sa buhay. Ilan sa mga hinihingi ng mga PDL ay toiletries, damit, towel, o anumang regalo para sa kanilang mga anak at asawa. 


Ang mga kahilingang ito ay kanilang isinusulat/isinasabit sa Tree of Hope. May mga taong namamahala sa pagbibigay ng kahilingan ng mga PDL.  


Dapat ay matuwa tayo na may isang Dennis Trillo na may malasakit sa kanyang kapwa.



MARAMING viewers ang nagtatanong kung bakit pinatay agad ang characters nina Tina Paner at Cris Villanueva sa seryeng Mga Batang Riles (MBR). Halos kauumpisa pa lang ng MBR ay tsugi na agad sila? Sana man lang ay pinaabot kahit isang linggo ang exposure nina Tina at Cris sa MBR.  


Dating magka-love team noon sa That’s Entertainment (TE) sina Tina at Cris at muli ngang nagkasama rito sa MBR.  


May kani-kanyang kuwento ng buhay ang mga gumanap sa MBR, at sila ay pinagtagpo upang maging karamay ng bawat isa sa mga problemang kanilang haharapin. 


Sa seryeng ito, nabigyan ng pagkakataon ang ilang Sparkle boys na ilabas ang kanilang talento sa pag-arte.


Bukod kina Miguel Tanfelix at Kokoy De Santos, kasama rin sa cast sina Bruce Roeland, Antonio Vinzon, at Raheel Bhyric. Sumailalim sila sa martial arts training kay Ronnie Ricketts.


Ang MBR ay mula sa direksiyon ni Richard Arellano. Ang mga dramatic scenes naman ay mula sa direksiyon ni Laurice Guillen.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page