top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Feb. 9, 2025



Photo: Vina Morales - Instagram


Ipinahiram lang pala ng ABS-CBN (Star Magic) si Vina Morales sa GMA Network, kaya magbibida ito sa bagong seryeng Cruz vs. Cruz (CVC) kasama si Gladys Reyes. 

Hindi pumirma ng kontrata si Vina sa Kapuso Network at per project lang ang appearance niya rito.  


Ganunpaman, masaya pa rin si Vina dahil makakatrabaho niya ang ilang Kapuso stars na dati niyang kaibigan, tulad na lang ni Gladys Reyes na kagrupo niya dati sa That’s Entertainment (TE).


Single pa rin ngayon si Vina at kabe-break lang nila ng boyfriend niyang AFAM na si Andrew Kovalcin. Dalawang taon silang naging magkarelasyon. 


Marami rin namang naging suitors si Vina Morales. Nagkaroon siya ng anak sa businessman na si Cedric Lee, si Ceana, na ngayon ay 16 years old na.  


Sa estado ng buhay ni Vina ngayon, pangarap pa rin daw niya ang makasal sa lalaking gusto niyang makasama habambuhay. Hindi pa naman siya hopeless case sa kanyang love life, darating din ang kanyang Mr. Right sa tamang panahon, pero hangga’t maaari, ayaw na niyang umibig at makipagrelasyon sa isang AFAM. Ang gusto pa rin niyang mapangasawa ay isang Pinoy.



IPINAGMAMALAKI ni Sen. Bong Revilla, Jr. ang action seryeng Tolome! Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis (TWMNPSMNM) Season 3, na magtatapos na ngayon. 


Hindi nila tinipid ito, at action-packed ang bawat episode. Maihahalintulad daw ito sa isang malaking action movie dahil sa laki ng production cost.


Ginastusan nang husto ang lahat ng aspeto, at ibinigay din ng buong cast ang kanilang effort upang lumabas na maganda ang mga eksena. 


At sa sobrang excitement ni Sen. Bong sa kanyang ginawang action scenes, nakalimutan niya ang kanyang injured legs. Nagawa pa rin niya ang buwis-buhay na pagsagip sa kanyang asawang si Gloria (Beauty Gonzalez), na kinunan sa ilalim ng dagat.  


Masaya at magaan ding katrabaho ang cast ng TWMNPSMNM tulad nina Niño Muhlach, Dennis Padilla, Leo Martinez, Carmi Martin, Jestoni Alarcon, Mae Bautista, atbp.. May special guest appearance rin ang GMA Primetime Princess na si Jillian Ward.  


Para kay Sen. Bong Revilla, Jr., itinaas nila ang antas at level ng paggawa ng isang action-serye sa telebisyon tulad ng TWMNPSMNM upang ma-appreciate ng mga viewers. Para na rin silang nanood ng isang malaking action movie.



DAHIL sa nangyaring insidente sa event ng isang award-giving body, muling napansin at nabuhay ang career ng veteran actress na si Eva Darren. Nagkasunud-sunod ang kanyang TV guestings, at nasama siya sa cast ng isang bagong serye. Muli siyang nakilala at naalala ng lahat. 


Maraming senior stars ang nakisimpatya sa kanya, at bumuhos sa social media ang suporta ng mga netizens. Kaya naman, marami ang natuwa para kay Eva nang kunin siya sa commercial ng isang malaking fastfood chain.


Bongga ang concept ng nasabing commercial, at tiyak na makaka-relate rito ang mga senior citizens. 


Maraming sikat na senior stars ang tinalbugan ni Eva sa pagkakapili sa kanya na lumabas sa commercial ng sikat na fastfood chain.


Napahiya man siya noong isnabin ng isang award-giving body, dobleng blessings naman ang dumating sa kanyang buhay! 


Napapa-‘SANA ALL!’ na lang ang ibang senior stars sa suwerteng dumating kay Eva Darren.



BIYUDA na rin ang dating aktres na si Jackie Aquino (pinsang buo ni Kris) at naging GF ni Roderick Paulate. Pumanaw na ang kanyang mister na si Mark Vincent Gavino, na isang design consultant. May dalawa silang anak na babae.  


Hindi na aktibo sa paggawa ng pelikula si Jackie, pero may show siya sa Net25. 


Matatandaang naging karelasyon siya noon ni Roderick Paulate (Dick), pero nagkahiwalay din. Ganunpaman, they remained good friends at nagkukumustahan pa rin.


Nagkita raw sila ni Dick recently, at alam nito na biyuda na siya. 


Articulate at matalino si Jackie Aquino, tama lang na magkaroon siya ng TV show.


Sayang nga lang at tumigil siya sa pag-aartista nang siya ay mag-asawa na.


Sa pagkakaalam namin, nag-aral din siya ng Law, pero hindi niya nagawang tapusin.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Feb. 8, 2025



Photo: Max Collins at Sofia Andres - Instagram


Pinag-uusapan ngayon sa social media ang ginawa ni Sofia Andres sa larawan ni Max Collins na lumabas online. 


Magkakasama sina Heart Evangelista, Sarah Lahbati, Max Collins at Sofia Andres sa naturang larawan. Ini-repost ito ni Sofia sa kanyang IG Story, pero tinakpan niya ng blue heart ang mukha ni Max Collins.


Agad itong napansin ng mga netizens, kaya nag-react ang mga fans ni Max. Inakala nilang insecure raw si Sofia sa ganda ng huli, pero ang totoong dahilan pala ay may old issue na sina Sofia at Max na nag-ugat sa dating stylist ni Sofia na si Steph Aparici. 


Ang nasabing stylist daw ay lumipat na kay Max Collins, kaya minasama ito ni Sofia Andres. Feeling ni Sofia ay sinulot ni Max ang kanyang dating stylist, kaya bitter-bitter-an siya ngayon.


Gaya rin ito ng naging isyu noon sa pagitan nina Heart Evangelista at Pia Wurtzbach. Ang dating stylist-glam team ni Heart na ilang taon niyang nakasama sa mga fashion events abroad ay lumipat din kay Pia. 


Dinamdam ito nang husto ni Heart dahil itinuring na niyang pamilya ang kanyang glam team. Kaya patuloy pa rin ang patutsada niya sa social media sa mga taong ‘nanunulot’ at sa mga walang utang na loob.


Well, tiyak na hindi rin matutuwa si Sofia Andres sa balitang nasa New York ngayon si Max Collins at rumarampa sa Fashion Week. At hindi siya apektado sa ginawa ni Sofia Andres sa kanyang larawan na tinakpan ng puso. Hindi siya insecure kahit kanino.



ANIM na buwan na lang at matutupad na ang pangarap ng Kapuso actress na si Shaira Diaz na maikasal sa kanyang long-time boyfriend na si Edgar Allan Guzman (EA). Labindalawang taon na silang magkarelasyon at sinuportahan nila ang career ng isa’t isa. 


Hindi minadali ni EA si Shaira na magpakasal, lalo na’t alam niyang marami pa itong pangarap sa buhay. Nagtapos muna ng kanyang college degree si Shaira at nagkaroon ng break bilang isa sa mga hosts ng morning show ng GMA-7 na Unang Hirit (UH).


Naging leading lady din si Shaira ni Ruru Madrid sa action seryeng Lolong.  

Naging abala sa taping ng sequel ng Lolong si Shaira Diaz, pero nagagawa pa rin niyang asikasuhin ang wedding preparations para sa nalalapit nilang kasal ni EA sa August. 


Sa Cavite gagawin ang kasal at doon din ang reception. Korean drama-inspired ang kanilang kasal dahil K-drama fanatic si Shaira. Sa Korea rin binili ang kanyang wedding gown. 


Inaayos na nina EA at Shaira ang kanilang wedding entourage at ang mga tatayong ninong/ninang sa kasal, pati na rin ang mga kaibigang iimbitahin. 


Ilan sa mga magiging ninong ay sina Boy Abunda at Arnold Clavio. Tiyak na imbitado rin ang mga hosts ng UH at mga co-stars nila ni Ruru Madrid sa Lolong.  



DALAWANG taon nang nagli-live-in sina Jake Vargas at Inah de Belen, na pareho nang 30 pataas ang edad. Kaya nang may lumabas na larawan nila sa social media na parehong nakasuot ng puti, may mga nag-akala na nagpakasal na sina Jake at Inah.


Sunud-sunod ang nagpaabot ng pagbati sa kanila. Pero, hindi pala iyon wedding picture, kundi kuha lang nang dumalo sina Jake at Inah sa GMA Gala Night. 


Mukhang hindi pa sa edad nilang ito ang pagpapakasal. Hindi pa sila handa sa mas malaking responsibilidad. Maaaring may iba pa silang planong gawin para sa kanilang future. 


Sa pagkakaalam namin, nag-venture sina Jake Vargas at Inah de Belen sa pagtatayo ng sarili nilang movie production at pagpo-produce ng pelikula. Sa larangang ito nila nais luminya. 


Samantala, si Jake ay regular na napapanood sa sitcom na Pepito Manaloto: Tuloy ang Kwento


May mga nagtatanong naman kung bakit hindi naisasama si Jake Vargas sa mga bagong serye ng GMA-7 gayung magaling naman siyang umarte? 


Sayang naman ang talento ni Jake kung sa sitcom lang siya napapanood. Puwedeng-puwede siyang bigyan ng role sa seryeng Mga Batang Riles at swak siyang kakampi ni Miguel Tanfelix.


 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Feb. 7, 2025



Photo: Mark Herras - IG


Naging talk of the town si Mark Herras nang kumalat sa social media ang ginawa niyang pagsasayaw sa isang gay bar. Marami ang humusga at nanlait kay Mark. Bakit daw sobra niyang ibinaba ang kanyang pagkatao at tumanggap ng ganoong trabaho?  


Pero, sa lahat ng natanggap niyang bashing, hindi nagpaapekto ang tinaguriang ‘Original Bad Boy ng Dance Floor’. Ginawa niya ‘yun upang itaguyod o buhayin ang kanyang pamilya at suportado si Mark ng kanyang wifey na si Nicole Donesa, na buntis ngayon sa pangalawa nilang anak.


Sa guesting ni Mark Herras sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) at sa one-on-one interview niya sa Toni Talks (TT) ni Toni Gonzaga, naipaliwanag nang mabuti ni Mark Herras ang kanyang sitwasyon. At hindi niya ikinahihiya o pinagsisisihan ang kanyang

pagsasayaw sa gay bar!  


Katwiran ni Mark, “Trabaho lang ‘yun.” 


Pero may ilang netizens ang nagsabing baka raw gayahin din si Mark ng ilang aktor na wala ngayong shows na pinagkakakitaan?


Tumumal ang mga projects sa TV at pelikula simula noong nagkaroon ng COVID pandemic, at maraming artista ang naapektuhan. 


So, kung tinanggap ng publiko ang pagsasayaw ni Mark Herras sa gay bar, tiyak na may mga aktor na maeengganyo na tularan siya.



MARAMING nagulat nang mapanood ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas sa seryeng Mga Batang Riles (MBR). Mukhang sineseryoso nang husto ni Ai Ai ang kanyang career. Gusto niyang maging abala, kaya tanggap nang tanggap ng mga shows. 


Ngayong hiwalay na sila ni Gerald Sibayan, mas makakapag-concentrate na siya nang husto sa kanyang career. Hindi na niya kailangang magmadali upang bumalik sa USA. Mahaharap na niya ang kanyang career at makababawi na sa mga oportunidad na kanyang pinakawalan.


Bagama’t masakit pa rin kay Ai Ai ang paghihiwalay nila ni Gerald, na nakarelasyon niya ng 10 years, unti-unti ay natatanggap na niya ang kanyang kapalaran. 


At sa tulong ng kanyang mga anak, kaibigan at mga kasamahan sa showbiz, naka-move on na ang Comedy Queen.


Bukod sa mga regional shows ay mabenta rin si Ai Ai sa mga campaign rallies. 

Malaking tulong din kay Ai Ai ang kanyang pagsu-Zumba at pag-aaral ng dance lessons.


Nalilibang na siya, lumalakas pa ang kanyang resistensiya.


Ang inaabangan ngayon ng lahat ay ang posibleng paghaharap at showdown ni Ai Ai at ng kanyang ex-husband kapag sila ay nagkita.



MARAMI ang natuwa nang ma-feature sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang isang “Pinay Barbie” from Batangas. Talagang mistula siyang buhay na “Barbie Doll” dahil lahat ng damit at gamit niya ay Barbie-inspired.


Bata pa raw ang Batangueñang Barbie ay nangongolekta na siya ng mga Barbie items. At nang tanungin siya ng staff ng KMJS kung sino ang aktor na crush niya at gustong makapareha, ang tsinitong si David Licauco ang kanyang pinili.


At bilang sorpresa, dumating si David upang siya ay ma-meet nang personal.  

So, dalawa na ang ‘Barbie’ sa buhay ni David ngayon. BarDa rin ang magiging pangalan ng kanilang tambalan sakaling mag-artista rin ang Barbie ng Batangas.


Pumayag naman kaya ang mga fans nina Barbie Forteza at David Licauco na may isa pang ‘Barbie’ na makikigulo sa kanilang love team?


May mga nag-suggest naman na mag-guest sina Barbie Forteza at David Licauco sa isang show at isama ang “Barbie” ng Batangas.

BarDa vs. BarDa ang laban!



BONGGA ang finale episode ng seryeng Lilet Matias: Attorney at Law (LMAAL) ngayong Biyernes dahil ang Primetime King na si Dingdong Dantes ang special guest na gaganap sa isang mahalagang role.


Masaya pero malungkot ang buong cast ng LMAAL sa kanilang paghihiwa-hiwalay. Halos mahigit isang taon din silang nagkasama-sama sa set.  


Ang major cast na sina Jo Berry, Maricel Laxa, Glenda Garcia, Rita Avila, Lloyd Samartino, Bobby Andrews, Troy Montero, Sheryl Cruz at Jason Abalos ay mami-miss ang kanilang masayang bonding sa set ng serye. Madalas ay nagse-share sila ng pagkain at nagti-TikTok.


Samantala, sobrang thankful si Jo Berry dahil tinanggap siya ng buong cast at tinulungan sa mahihirap na eksena.


Nagpapaabot din siya ng pasasalamat sa mga big bosses ng GMA Network sa patuloy na pagtitiwala sa kanyang kakayahan.





 
 
RECOMMENDED
bottom of page