ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Mar. 1, 2025
Photo: Kathryn Bernardo at Daniel Padilla - Instagram
Nagdiriwang ngayon ang KathNiel fans dahil sa bali-balitang nagkikita at nagkabalikan na raw sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
May mga sightings na magkasama sila at nag-uusap na. Madalas daw tumatawag si Daniel kay Kath.
Isang malapit na kaibigan daw nina Kathryn at Daniel ang naging instrumento at gumawa ng paraan upang muling magkita-magkausap ang dating magkasintahan.
Gayunpaman, marami namang fans ni Kathryn ang hindi pabor sa pagbabalikan ng KathNiel. Hindi ‘yun magiging ganoon kadali at hindi makakatulong sa pagle-level-up ng career ni Kathryn. Mas okey kung itutuloy na lang ni Kathryn ang pagiging solo artist. Nakawala na siya sa tambalan nila ni Daniel Padilla, at hindi na niya kailangan ng ka-love team.
Samantala, ilang psychics ang nagsasabi na posibleng magkabalikan nga sina Kathryn at Daniel, at ‘yun ay sa kabila ng pagtutol ng ina ng aktres na si Mommy Min.
Kahit todo-tanggi raw si Mommy Min sa balikan ng dalawa at todo-sigaw na malaking fake news ‘yun, wala siyang magagawa kung totoong mahal ng anak si Daniel.
GRABE ang determinasyon ni Cassy Legaspi na magbawas ng timbang. Pursigido siya sa kanyang weight loss journey, kaya kinaya niyang pumayat at nawala ang 30 pounds sa dati niyang timbang.
Ibang-iba na ang aura ngayon ni Cassy. Kitang-kita ang kanyang self-confidence ngayong payat na siya.
Sey nga ni Cassy, hindi biro ang regimen na kanyang pinagdaanan upang magbawas ng timbang. Bukod sa diet at regular na pagdyi-gym, marami pa siyang ginagawang physical exercises, at sinusuportahan naman si Cassy ng kanyang pamilya sa kanyang weight loss journey.
Madalas ay sinasabihan siya ng kanyang parents na sina Carmina at Zoren Legaspi para bigyan ng moral support.
Makikita ng mga viewers ang bagong hitsura ni Cassy Legaspi sa programang Daig Kayo ng Lola Ko (DKNLK) at dito ay kasama niya si Kate Valdez.
For sure, darami ang manliligaw ni Cassy ngayong sexy na siya. Tiyak din na madaragdagan ang kanyang mga shows at endorsements dahil malaki ang iginanda niya nang pumayat.
SA mediacon ng pelikulang Postmortem, nabanggit ng aktor na si Alex Medina na siya ay may third eye at nakakakita ng mga ligaw na espiritu sa kanyang paligid.
Gayunpaman, hindi naman daw niya sineseryoso ito at hindi siya natatakot sa mga nagpaparamdam na kaluluwa.
Bata pa raw noon si Alex ay may experience na siya sa mga kaluluwang hindi matahimik. At noong nagsu-shooting nga sila sa Postmortem movie ay kampante siya, ganoon din ang ibang cast ng pelikula.
Bilang aktor, may sariling trademark si Alex Medina, na kakaiba sa kanyang kapatid na si Ping at sa kanyang amang si Pen. Magkakaiba ang kanilang technique sa pag-arte, kaya napupuri sila ng mga direktor dahil lahat sila ay natural ang acting.
Medyo may pressure lang sa magkapatid na Alex at Ping Medina dahil ikinukumpara sila sa pag-arte.
TAHIMIK at walang gaanong issue sa kanyang married life ang Comedy Genius na si Michael V.
Sa taong ito ay magse-celebrate sila ng kanyang wifey ng kanilang 25th wedding anniversary. Napaka-supportive ng maybahay ni Bitoy, na tumatayo rin niyang manager. Hindi ito demanding at naiintindihan niya ang trabaho ng kanyang mister. Partners sila sa maraming bagay.
Napaka-hardworking ni Michael V. na tumagal sa showbiz ng mahigit apat na dekada. Ibinuhos niya ang kanyang talento bilang comedian sa programang Bubble Gang (BQ) at sa sitcom na Pepito Manaloto (PM) ng GMA-7.
Sa taong ito (2025) ay tatlong dekada nang umeere ang BG at ang PM naman ay magdiriwang ng 15th anniversary, kaya mga special episodes ang ihahandog sa mga viewers ng dalawang programa.
Kaya, tiyak na more tawa at more saya ang ibibigay nila sa mga viewers.












