ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 17, 2024
Bago pa sumikat sa showbiz si Ai Ai delas Alas ay pangarap na niyang magkaroon ng sariling resto at franchise ng sikat na fastfood chain. Kaya naman, nang kumikita na siya ay unti-unti na niyang sinimulan ang kanyang dream na magkaroon ng sariling resto business.
Nagsimula si Ai Ai sa ilang maliliit na food business. Ito ang payo ng ilang kaibigan na hindi magiging successful ang kanyang negosyo kung kalat-kalat at small time lang.
Kaya’t naglabas siya ng puhunan sa bawat negosyo na pinasok niya na umabot na nga ng P25 million.
Nu’ng nag-pandemic ay nagklik ang kanyang ube pandesal business. Halos lahat ng kaibigang celebrities ay naging suki n’ya.
Pero, pansamantalang natigil ang kanyang ube pandesal business dahil kailangan niyang asikasuhin ang kanyang papeles sa USA (United States of America). Nauna nang nanirahan sa Amerika ang kanyang mga anak at sumunod na rin ang kanyang mister na si Gerald Sibayan na nag-a-apply na ng US citizenship.
Habang nasa San Francisco sila ay naisipan ni Ai Ai na mag-aral ng baking upang maging ganap na pastry chef at nakapasa naman siya, kaya muli niyang binuhay ang dati niyang negosyo, ang Martina's Breads.
Marami ang naghahanap ng ube pandesal ni Ai Ai sa San Francisco, USA. ‘Yun na sana ang chance niya na magkaroon ng sariling marka at negosyo. Pero, nag-iisa lang siya at kailangan niya ng mga helpers sa kanyang bakeshop.
Gayunpaman, hindi nawawalan ng pag-asa si Ai Ai delas Alas, patuloy siyang nangangarap na magkakaroon ng sariling resto balang-araw. Baka nga higitan pa niya ang tagumpay ng Pares Overload ni Diwata.