top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Oct. 31, 2024



Photo: Carlos Edriel Yulo at Chloe Anjeleigh San Jose / Instagram


Nasentruhan na naman si Carlos Yulo ng mga bashers dahil hindi man lang daw ito nagparamdam o nag-donate kahit anumang halaga para sa ayuda sa mga binaha sa Bicol. Puro ang pamamasyal at pagsa-shopping nila ni Chloe San Jose ang ipino-post niya sa social media. 


Alam ng lahat na umabot sa P100 milyon ang kanyang nalikom mula sa kanyang premyo sa pagiging two-time gold medalist sa Paris Olympics, at marami ring malalaking kumpanya ang nagbigay sa kanya ng cash incentives. 


Kaya naman hinihintay ng lahat kung magdo-donate man lang si Carlos Yulo sa mga binaha sa Bicol at sa iba pang lalawigang sinalanta ng Bagyong Kristine. Pero, waley, as in, hindi man lang nagbigay ng kahit anong ayuda si Carlos. 


Sa halip, ang kanilang pagdalo sa isang sosyal at bonggang event ang ipinost ng nobya niyang si Chloe San Jose. 


Sey naman ng ilang mga netizens, kung ang sarili ngang magulang ni Carlos Yulo ay hindi niya naambunan ng kanyang nakuhang premyo nang magkamit siya ng dalawang gold medals sa Paris Olympics, aasahan pa ba na mamimigay siya sa charity? 

Pero pagdating sa luho ni Chloe San Jose, galante siya!



BUHAY pa noon ang music icon at idolo ng masa na si April Boy Regino nang mabuo ang konsepto para sa pelikulang IDOL: The April Boy Regino Story na produced ng Waterplus Productions. 


Ilang beses silang nagkita at nagkausap ni Efren Reyes, Jr. na siyang direktor at sumulat ng script. 


Nangako ng full support ang producer ng movie. Binuo nila ang casting at inihanda na ang lahat para sa pagsisimula ng shooting. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, nagkaroon ng COVID pandemic at natigil ang kanilang shooting. 


Ayon sa producer ng IDOL: The April Boy Regino Story, naipangako nila sa yumaong music icon na kahit ano'ng mangyari ay itutuloy at tatapusin nila ang pelikula. 


Maraming production people ang nagtulung-tulong upang mabuo ang pelikula tulad nina Efren Reyes, Jr., Lyn Madrigal, Boy Christopher, Vehnee Saturno, atbp.. 



Maraming bahagi ng buhay ni April Boy ang malalaman ng lahat kapag pinanood nila

ang pelikula, tulad ng maraming hirap na kanyang pinagdaanan bago nagkaroon ng break sa music industry. Nagtrabaho rin siya sa Japan noong hindi pa siya sikat na singer-recording artist. 


Ang kanyang maybahay na si Madel ang tumayong manager sa kanyang singing career. 


Ang mga baguhang artista na sina John Arcenas at Kate Yalung ang bida sa pelikula, kasama rin sina Tanya Gomez, Dindo Arroyo, Rey "PJ" Abellana, Irene Celebre, Hero Bautista, atbp.. 


May special participation sa movie si JC Regino, anak ni April Boy. 

Showing na sa Nobyembre 27 ang IDOL: The April Boy Regino Story.



SA unang tingin ay mala-Kim Chiu ang actress-model na si Bianca Tan. Telegenic at maganda ang rehistro ng kanyang mukha sa big screen, kaya mabilis siyang tumatak sa kanyang first movie, Believe It Or Not (BION), kung saan gumanap siya bilang isang kontrabida. 


Okey lang kay Bianca na salbahe ang kanyang role. Ang hindi lang niya matatanggap ay ang sexy role at ang magpakita ng kanyang katawan dahil gusto pa rin niyang magkaroon ng wholesome image.


Well, isa sa mga pangarap ni Bianca Tan ay ang makatrabaho sina Dingdong Dantes at Alden Richards, at crush niya si Paulo Avelino. Idolo naman ni Bianca Tan si Heart Evangelista pagdating sa fashion at pagrampa. 


College graduate si Bianca kaya may fallback siya sakaling ayaw na niyang mag-artista, at may experience rin siya bilang ramp model. Looking forward naman si Bianca Tan na mabigyan ng mga challenging roles.


 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Oct. 30, 2024



Photo: Mikee Quintos - IG


Matagal na natengga sa pag-arte ang Kapuso actress na si Mikee Quintos nang mawalan siya ng project sa GMA-7. Ang huling serye na kanyang ginawa ay The Write One (TWO), kaya sobrang na-miss niya ang pag-arte. 


Dumating sa puntong na-depress siya nang husto dahil wala siyang pinagkakaabalahan. Mabuti na lang at laging nasa tabi niya ang nobyong si Paul Salas na laging nagbibigay sa kanya ng moral support. Alam kasi ni Paul ang pinagdaraanan ni Mikee.


Apat na taon nang magkarelasyon sina Mikee at Paul, kaya kabisado na nila ang isa’t isa. Hindi sila nag-iiwanan kapag may problema. 


Isa si Paul sa mga unang natuwa sa balitang may show na ulit si Mikee sa GMA-7. This time, isang cooking show na araw-araw mapapanood ang ipinagkatiwala kay Mikee.


Kasama niya rito ang tatlong magagaling na chefs. Sa kanila nag-training si Mikee para sa iba’t ibang recipes na kanyang lulutuin sa programang Lutong Bahay.

Ikinalungkot lang ni Mikee na hindi na niya mailuluto ang paboritong recipe ng kanyang lola, dahil yumao na ito. 


Para naman kay Paul Salas, tinolang manok ang ihahanda ni Mikee dahil ito ang paborito ng BF.



Hindi lang host, singer din… ATASHA, NEW FEMALE RECORDING ARTIST OF THE  YEAR




MABILIS ang pagsikat ni Atasha Muhlach na anak nina Charlene Gonzales at Aga Muhlach.


Hindi niya ginamit ang impluwensiya ng kanyang celebrity parents para lang makapasok sa showbiz at makilala ng lahat.


Maganda ang pagkapasok niya sa programang Eat…Bulaga! (EB) at dito siya na-train nang husto sa pagho-host. Madali siyang naka-adjust sa mga original hosts ng EB!, lalo na kina Tito, Vic, at Joey dahil super-kalog siya at down-to-earth. Feel na feel na ni Atasha ang pagho-host ng EB!.  


Sa katatapos na PMPC Star Awards for Music, isa si Atasha sa mga pinarangalan. Siya ang itinanghal na New Female Recording Artist of the Year. Isa rin siya sa mga nag-host ng nasabing awards night. 


Sa ngayon, sa hosting at singing muna gustong mag-concentrate ni Atasha. Hindi pa siya tumatanggap ng movie projects. May mga product endorsements na rin siya ngayon. 


Sey ng mga netizens, pang-beauty queen ang porma ni Atasha Muhlach at puwede siyang maging beauty queen tulad ng kanyang inang si Charlene Gonzales.



MARAMING magulang ang nagpapasalamat sa half-brother ni Jay Manalo na si Julius Manalo. Dahil daw sa kanyang istorya na itinampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) at sa Toni Talks (TT), maraming anak na may gap sa kanilang mga magulang ang biglang na-realize ang importansiya ng mga magulang. 


Ang ginawang paghahanap ni Julius Manalo sa kanyang Korean mom na hindi niya nakasama ng 31 years ay nagpapakita kung gaano kahalaga sa kanya ang isang ina.  


Maraming anak ang naka-relate sa kuwento ng buhay ni Julius, kaya naman may mga anak na may tampo at nakaalitan ang kanilang mga magulang ang naliwanagan at nakipagbati na sa mga ito.


Ganoon kalakas ang impact ng kuwento ni Julius Manalo sa publiko, marami ang naantig sa kanyang buhay na mala-Korean drama.


 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Oct. 29, 2024



Photo: Carlos Yulo - Chloe San Jose's Instagram


Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, gusto na raw ni Carlos Yulo na makipag-ayos sa kanyang mga magulang na sina Mark at Angelica Yulo. May mga tao rin daw na kumikilos at nagsisilbing tulay upang ayusin ang kanilang mga problema. 


Hindi mismo si Carlos Yulo ang direktang nakikipag-usap sa kampo ng kanyang mga magulang, bagkus ay medyo nakikiramdam pa raw siya kung panahon na upang sila ay mag-usap at magkapatawaran na. 


Para naman sa nanay ni Carlos na si Angelica, hindi na raw kailangan pa ng padrino o tulay para maayos ang tampuhan sa kanilang pamilya. Ang kailangan lang daw ay si Carlos mismo ang pumunta sa kanilang bahay at huwag nang ipaalam pa sa media. 


Bukas naman daw ang kanilang tahanan anytime na gustong makipag-usap ni Carlos.


Hindi naman lumipat ng tirahan ang kanyang mga magulang. Kailangan lang daw ay maging totoo at sincere si Carlos Yulo kung gusto niyang magkabati na sila.


Ang tanong, alam kaya ng GF ni Carlos na si Chloe San Jose ang plano ng athlete? Suportado ba niya si Caloy o pipigilan sa pakikipagbati sa mga magulang?


At tanggapin din kaya ng mga magulang ni Caloy si Chloe sakaling makipag-ayos na sa kanila ang anak? 



TODO-HATAW pa rin si Gary Valenciano nang mag-perform sa katatapos lang na 13th Star Awards for Music. 


Sa mga kantang kanyang pinasikat na tinangkilik ng marami tulad ng Hataw Na, mistulang concert ang kanyang inihandog na performance. Buhay na buhay at punumpuno ng energy, kaya naman pati ang mga nanood sa awards night ay sumayaw din at sumabay sa paghataw ni Gary V. 


Tatlumpung taon na si Gary V. sa music industry, at hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa pagdudulot ng saya ang kanyang mga awitin. 


Sa taong ito (2024), si Gary Valenciano ang napili ng Philippine Movie Press Club (PMPC) at ginawaran ng karangalang Pilita Corrales Lifetime Achievement Award. 


Ito ay napaka-memorable para kay Gary V. dahil noong nagsisimula pa lamang siya bilang miyembro ng Kundirana, pinayuhan siya ni Pilita Corrales, ang tinaguriang Asia’s Queen of Songs, na karirin ang pagiging singer. 


Matapos ang mahigit tatlong dekada, hindi niya akalain na tatanggap siya ng Pilita Corrales Lifetime Achievement Award, na isa sa mga pinakamahalagang parangal na kanyang nakamit sa kanyang singing career.



MASAYANG ibinalita sa amin ni William Martinez na nakapag-taping na siya sa Batang Quiapo (BQ) ni Coco Martin at markado ang kanyang role. 


Gaganap si William bilang pinuno ng mga carnappers at siya rin ang tatay ni Barbie Imperial na isa ring carnapper. 


Excited si William Martinez kapag may mga TV guestings dahil muli siyang nakakaarte. Hindi naman siya choosy sa role, at kahit kontrabida ay tinatanggap niya. 


Hindi niya iniisip na dati siyang matinee idol noong early '80s at isa sa mga bida sa pelikulang Bagets kasama sina Aga Muhlach, Raymond Lauchengco, Herbert Bautista, atbp.. 


Sa mga Regal Babies noon, sila ni Gabby Concepcion ang pinakasikat at iniidolo ng marami. Nakagawa si William ng maraming pelikula at ilang taon ding namayagpag ang kanyang career. 


Subalit maraming pagsubok ang dumaan sa kanyang buhay na naging sanhi ng paglamlam ng kanyang karera. 


Gayunpaman, hindi siya nagpatalo sa mga problemang kanyang pinagdaanan. Patuloy siyang lumalaban at bumabangon dahil nais pa rin niyang umarte at maging bahagi ng movie industry. 


Kaya naman, wish ng mga loyal fans ni William Martinez ay mabigyan pa siya ng mga pelikula at TV guestings dahil mahusay siyang aktor.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page