top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | July 22, 2023




Naglabas ang Taguig City ng pahayag na malugod umano nilang tinatanggap ang pag-unawa ng Makati-LGU sa pinal na desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng paglilipat sa hurisdiksyon ng mga pinagdesisyunang lugar.


Ito umano ang magiging daan para sa isang maayos na paglipat, na maiiwasan ang pagkawala ng serbisyo-publiko.


Binigyang-diin ng Taguig na handa silang maging responsable sa pamamahala ng 10 barangay na may parehong dedikasyon at malasakit na ipinamalas nito sa kanyang 28 na barangay.


Inilunsad din nito ang paglikha ng isang joint transition team na magko-coordinate sa mga ahensya ng pamahalaan at lahat ng mga stakeholder para sa mabilis na paglipat ng administrasyon.


Binigyang-diin na ang layunin dapat ay ang kapakanan ng mga residente.


Matatandaang bago pa ang pinakahuling resolusyon na inilabas noong Hunyo 2023, tinanggihan na ng Korte Suprema noong Setyembre 2022 ang unang mosyon ng Makati na humihingi ng reconsideration sa desisyong ginawa noong 2021 na nagpapahayag na

bahagi ng teritoryo ng Taguig City ang Fort Bonifacio Military Reservation, na

kinabibilangan ng parcels 3 at 4, Psu-2031, kasama ang pinagtatalunang 10 barangay, sa

pamamagitan ng legal na karapatan at historikal na titulo.


 
 

ni Mylene Alfonso | June 17, 2023




Isang petition letter ang kumakalat ngayon sa Enlisted Men Barrio (Embo) Barangay sa Makati City kung saan hinihimok ang mga residente na lumagda sa isang petisyon na nanghihikayat na iakyat ang usapin ng Makati-Taguig territorial dispute sa Kongreso.


Nakapaloob sa isang pahinang petition letter na may kapangyarihan umano ang Kongreso na magtakda ng referendum o people’s initiative sa ilalim ng 1987 Constitution, layunin ng petisyon na mangalap ng sapat na pirma para pakinggan ang petisyon ng mga mambabatas. Walang nakalagay na pangalan kung sino ang namuno sa ipinakakalat na petisyon maliban lamang sa “Mamamayan ng Makati”.


Nakasaad pa rito na ang paghingi ng pagsaklolo sa Kongreso ng mga residente ay magiging “last recourse” matapos na magpalabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema na nagtatakda na ang 10 Embo barangays kabilang ang Bonifacio Global City ay nasa hurisdiksyon ng Taguig City.


Gayunman, ang lumabas na signature drive ay kabaligtaran umano sa tunay na sentimyento at sa natanggap ng mga ilang opisyales ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig na liham mula sa mga residente ng Makati na humihiling na bilisan ng lungsod ang gagawing transition.


 
 

ni Mylene Alfonso | June 11, 2023




Nagpahayag ng pagkaalarma ang lokal na pamahalaan ng Taguig kaugnay sa ipinalalabas na pagbubukas muli ng Taguig-Makati territorial dispute bagama't pinal na itong nadesisyunan ng Korte Suprema.


Sa isang pahayag na ipinalabas ng Taguig City, sinabi nito na tinuring lamang nila na “fake news” ang mga unang kumakalat na social media posts na nagsasabing nakausap ni Makati City Mayor Abby Binay sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza at Chief Justice Alexander Gesmundo para muling buksan ang kaso ng territorial dispute.


Gayunman nang sundan umano ito ng panayam kay Binay noong Hunyo 7, 2023 at sinabi nitong mayroong natanggap na dokumento mula sa Korte Suprema ang Makati City na nagtatakda ng oral argument ay ito na ang nakakaalarma dahil wala umano itong katotohanan, sa katunayan walang natatanggap na kautusan ang Taguig hinggil dito.


Pinunto pa ng Taguig na mismong si SC Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka ang naglinaw na walang itinatakdang oral arguments hinggil sa territorial dispute dahil nagkaroon na ng Entry of Judgement sa kaso.


“Mayor Binay’s statement during her interview is unfortunate. Not only is it factually inaccurate, but it likewise tends to tarnish the integrity and independence of the judiciary. We ask the Honorable Supreme Court to take notice of these claims from Makati and consider appropriate action,” giit pa ng Taguig.

Giit pa na mahaba ang tinakbo ng kaso at anumang naging desisyon sa kaso ay dapat na igalang.


Ang final and executory decision sa Makati-Taguig dispute ay ipinalabas ng SC noong Setyembre 28, 2022 matapos nitong ibasura ang Motion for Reconsideration ng Makati City, sa nasabing desisyon, sinabi ng SC na wala nang anumang pleadings, motions, letters o anumang komunikasyon ang tatanggapin na may kaugnayan sa usapin.


Maging ang apela ng Makati na iakyat sa SC en banc ang kaso ay ibinasura rin sa kawalan ng merito at ang tangka nitong paghahain ng ikalawang Motion for Reconsideration ay hindi pinapayagan sa rules of procedure.


Nilinaw ng Taguig na may kumpiyansa ito sa national leadership subalit ang ikinababahala nila ay ang negatibong epekto sa isip ng mga residente sa mga pahayag ng Makati City ukol sa isyu.


Bumuwelta rin ang Taguig sa pahayag ni Binay na hindi kayang ibigay ng lokal na pamahalaan ang mga naibibigay ng lungsod gaya ng Makati sa mga residente nito.


“We assure Mayor Binay and the residents of the concerned barangays that Taguig has its own programs and projects which deliver efficient and timely public services aimed at attaining our vision for a transformative, lively, and caring community."


 
 
RECOMMENDED
bottom of page