top of page
Search

ni Lolet Abania | March 30, 2022



Sinuspinde ang klase sa 19 na paaralan na apektado ng nagaganap sa Bulkang Taal sa Batangas, ayon sa Department of Education (DepEd).


Sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Miyerkules, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang mga naturang eskuwelahan ay matatagpuan sa loob ng danger zones sa paligid ng bulkan.


“Mga 19 schools nag-suspend na tayo ng classes dahil ang primary (concern) natin ay protection of children,” saad ni Briones. Base sa datos ng DepEd, 17 sa mga paaralan ay nasa Agoncillo at dalawa naman sa Laurel.


Ayon kay Briones, nagmo-monitor na ang DepEd kaugnay sa kaligtasan ng mga mag-aaral. Binanggit naman ng opisyal na dini-discourage ng ahensiya ang paggamit ng mga paaralan bilang evacuation centers.


Subalit, sakaling magkaroon ng matinding sakuna gaya ng eruption ng Bulkang Taal, pinapayagan ng DepEd na gamitin ang mga pasilidad na gawing temporary shelters. “May schools tayong ginagawang evacuation centers like Agoncillo,” ani Briones.


Sinabi pa ni Briones, na nakikipagtulungan na ang DepEd sa Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para makapagbigay ng assistance sa mga bata, kabilang na ang pamamahagi ng health kits.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | March 26, 2022



Itinaas sa Alert Level 3 ang status ng Bulkang Taal dahil sa magmatic unrest, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).


Batay sa 8 a.m. bulletin, sinabi ng PHIVOLCS na ang main crater ng Taal Volcano ay nag-generate ng “short-lived phreatomagmatic burst" bandang 7:22 a.m.


“This was followed by nearly continuous phreatomagmatic activity that generated plumes 1500 m accompanied by volcanic earthquake and infrasound signals," dagdag pa ng PHIVOLCS.


Sa ilalim ng Alert Level 3, "there is magmatic intrusion at the Main Crater that may further drive succeeding eruptions."


Inirekomenda na ng PHIVOLCS ang paglikas sa mga residente sa Taal Volcano Island at sa mga Barangay Bilibinwang at Banyaga sa Agoncillo, at Boso-bobo, Gulod at eastern Bugaan East sa Laurel "due to the possible hazards of pyroclastic density currents and volcanic tsunami should stronger eruptions subsequently occur."


Paulit-ulit ding ipinaaalala ng PHIVOLCS na ang Taal Volcano Island ay isang permanent danger zone. Ipinagbabawal din ng ahensiya ang pagpasok sa Taal Volcano Island, maging sa mga barangay ng Agoncillo at Laurel na itinuturing na high-risk.


"All activities on Taal Lake should not be allowed at this time," pahayag pa ng PHIVOLCS.


Nagpaalala rin ang PHIVOLCS sa mga komunidad malapit sa baybayin ng Taal Lake na "remain vigilant, take precautionary measures against possible airborne ash and vog and calmly prepare for possible evacuation should unrest intensify."


Patuloy din ang pag-monitor ng PHIVOLCS sa Taal Volcano at ire-report ang mga development ukol dito.

 
 

ni Lolet Abania | January 30, 2022



Nakapagtala ng tinatawag na “increased unrest” ang Taal Volcano sa Batangas matapos na mai-record ang siyam na mahihinang phreatomagmatic bursts o pagputok sa nakalipas na 24 oras, batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Linggo.


Sa isang advisory, ayon sa PHIVOLCS, ang pagsabog ay tumagal ng 10 segundo hanggang 2 minuto.


Nagkaroon din ng 31 volcanic earthquakes ang Taal Volcano, kabilang ang 14 na volcanic tremors na tumagal ng 1-3 minuto.


Naglabas naman ng isang “voluminous” 2000-meter tall plume sa bahaging timog-kanluran at hilagang-silangan ng bulkan.


Nagbuga rin ng 10,036 tonnes ng sulfur dioxide (SO2) ang bulkan na naitala nitong Sabado.


Gayunman, ang Taal Volcano ay nananatiling nasa Alert Level 2 na ayon sa PHIVOLCS, “probable intrusion of magma at its depth can lead to magmatic eruption.”


Sa isang interview ngayong Linggo ng umaga kay PHIVOLCS director Undersecretary Renato Solidum Jr., sinabi nitong ang pagputok ng bulkan ay “short lived” o panandalian lamang at hindi gaanong malakas.


“Pagdating sa pagsabog, hindi naman ito ganoon kalakas pero delikado ‘pag nasa isla. ‘Yung mga nasa paligid na mga lugar sa baybayin ng Taal Lake ay kailangan nang maging alerto,” sabi ni Solidum.


Paalala ni Solidum sa publiko na kahit na walang matinding pagsabog, ang dami ng gas na ibinuga ng bulkan ay posibleng magdulot ng panganib sa kanilang kalusugan.


“Ang nangyayari sa Taal Volcano ay normal na mga pangyayari sa kasalukuyang Alert Level number 2. Patuloy ang paglabas ng gas na minsan on the average ay 10,000 tonnes per day. Ito ay masyadong mataas kung kumpara natin nu'ng simula tayo mag-measure February last year na 3,000 mahigit lamang,” ani Solidum.


Subalit, giit ni Solidum na habang wala pang indikasyon para itaas sa Alert Level 3 ang buong Bulkang Taal, may posibilidad na ito ay gawin, sakaling lumakas ang pagsabog at magbuga ng mas maraming solid materials.


Sa ilalim ng Alert Level 2, ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island sa bahagi ng Permanent Danger Zone (PDZ).


Hindi rin pinapayagan ang pananatili at pamamangka sa Taal Lake, at pinapayuhang iwasang mapadpad ang mga eroplano malapit sa bulkan.


Paalala pa ng PHIVOLCS, ang panganib gaya ng volcanic earthquakes, stream, phreatic, o gas-driven explosions, minor ashfall, at lethal accumulations o expulsions ng volcanic gas ay posible pa ring mangyari sa buong Taal Volcano Island.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page