top of page
Search

ni Mai Ancheta | June 23, 2023




Naalarma ang mga residente ng Bgy. Boot at Bgy. Wawa sa Tanauan City, Batangas nitong Miyerkules ng umaga matapos tumambad sa kanila ang mga naglutangang mga bato sa Taal Lake at nag-amoy asupre ang paligid.


Pasado alas-10 ng umaga nitong Miyerkules nang makita ng mga residente ang mga bato sa lawa.


Agad namang pinawi ni Dr. Amor Calayan, head ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang pangamba ng mga residente.


Ayon kay Engineer Ronald Pigtain, Officer-in-Charge ng Phivolcs Taal Observatory na batay sa pagsusuri, ang mga lumutang na bato ay mga scoria o volcanic rocks na naipon sa volcano island mula sa dating mga pagputok ng Bulkang Taal.


Posible umanong natangay ng malakas na mga pag-ulan ang volcanic materials at umagos sa lawa hanggang sa bahagi ng Tanauan City.


Nilinaw ng Phivolcs na walang kinalaman ang lumutang na volcanic rocks sa aktibidad ng bulkan na nakataas ngayon sa Alert Level 1.


 
 

ni Mai Ancheta | June 4, 2023




Nakabantay ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) dahil sa mga naitalang mahinang aktibidad ng Taal volcano.


Ayon sa Phivolcs, simula alas-6:35 ng umaga noong Biyernes ay nakapagtala sila ng mahihinang pagyanig ng bulkan mula sa lahat ng 15 seismic stations ng Taal Volcano Network.


Kasabay ng mahihinang pagyanig ang pag-akyat ng volcanic fluid mula sa crater lake ng bulkan na naitala sa remote cameras ng Phivolcs.


Mayroon ding naitalang bahagyang pagtaas sa pagbuga umano ng asupre sa bulkan sa nakalipas na dalawang linggo.


Sinabi ng Phivolcs na posibleng itaas sa level 2 ang alerto sa Bulkang Taal kapag nagpatuloy ang mga naitalang mahinang pagyanig sa mga susunod na araw.


Nagbabala ang ahensiya sa publiko na iwasang pumasok sa isla kung saan naroon ang Bulkang Taal dahil deklarado na itong permanent danger zone.


 
 

ni Zel Fernandez | April 30, 2022



Muli na namang nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng aktibidad mula sa Bulkang Taal sa nakalipas na magdamag.


Batay sa datos ng PHIVOLCS, mayroong 6 volcanic quakes at 5 volcanic tremors na naitala ang bulkan na umabot nang 5 hanggang 7 minuto.


Tinatayang aabot naman sa 12,943 toneladang asupre o sulfur dioxide flux ang ibinuga umano ng bulkan mula kahapon, Abril 29.


Gayundin, namataan din sa Bulkang Taal ang may katamtamang pagsingaw o plume na may 900 metro ang taas at napadpad sa Kanluran-Hilagang Kanluran, maging sa Kanluran-Timog Kanluran.


Samantala, bagaman nananatili pa ring nasa Alert Level 2 ang Bulkang Taal, patuloy ang paalala ng mga awtoridad na bawal pa rin ang pagpasok sa Volcano Island at pinaghahanda pa rin ang mga nakapaligid dito anumang oras na maging aktibo muli ang bulkan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page