top of page
Search

@Buti na lang may SSS | May 22, 2022


Dear SSS,

Magandang araw po. Ako ay isang delivery rider ng isang food delivery app. Batid ko sa araw-araw na pag-deliver ng mga orders ng aming mga customer ay lubhang napakadelikado ito at malapit sa aksidente. Kaya nais kong malaman kung maaari din ba akong makapaghulog sa SSS? Salamat. —Melvin

SAGOT:

Mabuting araw sa 'yo, Melvin!


Malugod naming ipinaaalam sa iyo na maaari kang maging miyembro ng SSS bilang self-employed. Simula noong 1980 ay itinakda sa ilalim ng Republic Act 1161 o Social Security Act of 1957 ang pagsakop sa mga self-employed na indibidwal na may buwanang kita na P1,000 o higit pa mula sa kanyang sariling negosyo o propesyon at walang employer, kung hindi pa siya umaabot sa 60 taong gulang.


Kabilang dito ang mga propesyonal tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, mga nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, mga artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, mga propesyonal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, gayundin ang mga magsasaka at mangingisda na sinaklaw simula noong 1995, mga nagtitinda sa palengke, tricycle o jeepney drivers, at mga contractual at job order na empleyado na nagtatrabaho sa mga ahensya ng pamahalaan.


Samantala, Melvin, simula naman noong October 2021 ay ipinaigting natin ang pagsakop ng mga katulad mong delivery riders ng mga digital platform companies tulad ng Angkas, Dingdong, Foodpanda, Grab, Joyride, Lalamove, atbp.


Sa kasalukuyan, ang SSS contribution rate ay 13% ng monthly salary credit na hindi hihigit sa P25,000. Maaari mo namang ibatay ang halaga ng iyong magiging buwanang kontribusyon sa monthly salary credit o ang salary level kung saan nakabase ang iyong buwanang kita na idineklara mo sa registration form o SS Form E-1 (Personal Record). Ang Schedule of Contributions ay makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph o kaya’y sa Facebook page nito sa Philippine Social Security System. Samantala, ang buwanang kontribusyon ng self-employed ay maaaring tumaas o bumaba batay sa iyong aktwal na kinikita.


Halimbawa, ang idineklara mong buwanang kita sa registration form ay P8,300. Batay sa Schedule of Contributions, ito ay katumbas sa 8,500 monthly salary credit at may kaukulang kontribusyon na P1,105 kada buwan kasama na ang P10 na nakalaan naman para sa iyong Employee’s Compensation (EC) contributions na may kabuuang halaga na P1,115 kada buwan.


Para sa iyong kaalaman, Melvin, ang EC Program ay para sa mga work-related contingencies bunsod ng pagkakasakit, pagkabalda, o kaya’y pagkamatay na maaaring mangyari sa self-employed na gaya mo habang nagtatrabaho. Dagdag proteksyon naman din ito bukod sa regular SSS benefits na matatanggap mo sa hinaharap.


Maaari ka na ring kumuha ng SS number online. Magtungo lamang sa SSS website at i-click ang link sa No SS Number Yet? Apply Online! Kung ikaw ay may SS number, maaari na ring i-update ang membership mo dito sa online. Kinakailangan lamang na nakapagrehistro ka sa My.SSS na matatagpuan din sa SSS website. Dagdag rito, kailangan mo rin ang mga dokumentong tulad ng certified true copy ng iyong birth certificate upang mabigyan ka ng SS number. Kung wala kang birth certificate, maaaring isumite ang alinman sa mga sumusunod: baptismal certificate; driver’s license, passport; Professional Regulation Commission (PRC) card; o Seaman’s Book. Kung wala ang mga nasabing cards o dokumento, maaaring magpasa ng dalawang valid IDs gaya ng postal, voter’s ID, atbp.


Matapos nito, maaari ka nang magbayad ng iyong kontribusyon kada buwan o kaya ay quarterly. Para makapagbayad ka naman ng iyong kontribusyon, kailangan mo munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaari kang makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangan mong mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.


Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen. Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang mga hinihinging impormasyon gaya ng buwan, halaga ng babayarang kontribusyon at type ng membership. Kapag naibigay mo na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap mo ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari mo itong i-download bilang PDF o ‘di kaya’y magtuloy na sa pagbabayad.


Gamit ang My.SSS at SSS Mobile App, maaari ka na ring magbayad ng iyong kontribusyon sa SSS maging sa alinmang sangay nito, bangko at Bayad Centers. Tumatanggap na rin ng contribution payments ang ShopeePay mula sa mga individual-paying members.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.



Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

ni Fely Ng - @Bulgarific | May 9, 2022


ree

Hello, Bulgarians! Ayon kay Social Security System (SSS) President at CEO Michael G. Regino, ang pension fund ay nagdagdag ng mga hakbang sa seguridad sa My.SSS Portal nito upang maprotektahan ang mga account ng mga miyembro, employer, at mga pensioner.


Kabilang sa mga bagong hakbang sa seguridad na ipinapatupad ay ang mas mahigpit na mga alituntunin kapag nag-enroll ng disbursement account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na nangangailangang mag-upload ang mga miyembro ng proof of disbursement account, katulad ng valid government-issued identification card at chest-level selfie/larawan na hawak ang ID card/dokumento bilang patunay ng disbursement account.


“We are continuously monitoring our systems to make necessary improvements to protect the accounts of our stakeholders and ensure that benefit and loan proceeds are disbursed to the rightful recipients. Within this month, the Online Member Data Change Request – Updating of Contact Information will also be resumed through the My.SSS Portal with enhanced security features,” pahayag ni Regino.


“We encourage our stakeholders to refrain from sharing their login credentials and regularly change their passwords so that their accounts will not be compromised. Like we said before, these are like your ATM PIN, anyone with this information could use your account without your authorization,” dagdag pa niya.


Kung ang mga miyembro, employer, at pensioner ay makakita ng anumang hindi awtorisadong transaksyon sa kanilang My.SSS account, o online fraud activity, pinapayuhan silang mag-ulat sa pinakamalapit na sangay ng SSS o magpadala ng e-mail sa Special Investigation Department ng SSS sa fid@sss. gov.ph o tumawag sa (02) 8924-7370. Nakahanda ang SSS na magsampa ng mga kinakailangang kaso laban sa mga indibidwal na nanloloko sa mga miyembro nito.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

@Buti na lang may SSS | May 8, 2022


Dear SSS,

Magandang araw po! Nais ko sanang i-verify ang aking hulog sa SSS subalit wala akong oras upang magpunta sa SSS branch. Mayroon bang paraan na i-verify ko ang aking mga hulog sa SSS nang hindi na kailangan pang pumunta sa inyong opisina? Salamat.


— Sally


SAGOT:

Mabuting araw sa iyo, Sally!


Simula noong pandemya noong Marso 2020 ay pinaigting ng SSS ang iba’t ibang transaksyon nito gamit ang online platform tulad ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website. Kaya aming hinihikayat ang mga miyembro, employer, gayundin ang mga pensyonado na gumawa at magrehistro ng kanilang My.SSS account para sa mas mabilis at mas ligtas na paraan ang kanilang pakikipagtransaksyon sa SSS na hindi na kinakailangan pang magpunta sa mga tanggapan nito.


Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa aming website (www.sss.gov.ph) o di kaya’y i-click mo ang link na ito, https://bit.ly/3LTuLCI, upang masimulan ang iyong pagrerehistro rito. Punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang dapat mong ilagay na e-mail address ay aktibo at nagagamit mo pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para naman i-activate at magamit mo ang iyong account.


Sally, isa sa mga transaksyon na maaari mong gawin gamit ang My.SSS ay ang pag-verify ng iyong mga hulog sa SSS. Gamit ang nasabing platform ay maaari mong makita kung updated ba o posted na ang iyong hulog sa SSS.

Kung ikaw ay mayroon ng My.SSS account, i-click mo ang “Member.” Mag-login ka gamit ang iyong user ID at password. Sunod, i-click mo ang “I’m not a robot” at i-click mo ang “Submit.” Makikita mo ang mga tab ng “HOME,” “MEMBER INFO,” “INQUIRY,” E-SERVICES,” at “PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN).” Para i-verify ang iyong contribution record, i-click mo ang “INQUIRY” tab. May dalawa kang pagpipilian dito: “Benefits” at “Contributions.” i-click mo ang “Contributions”.


Dadalhin ka nito sa “MONTHLY CONTRIBUTIONS” kung saan makikita ang lahat ng iyong hulog mula sa taon ng unang paghuhulog mo sa SSS. Naka-breakdown ang hulog mo kada buwan at bawat taon ng iyong pagiging miyembro. Makikita mo rin dito ang mga buwan na mayroon at wala kang naihulog na contributions. Dahil dito regular mo na ring makikita kung nagre-remit o hindi ang iyong employer ng iyong SSS contributions.

Kung mayroong mga buwan naman na hindi nag-remit ang iyong employer ngunit kinaltasan ka ng SSS contributions, maaari mo itong i-report sa SSS para sa kaukulang reklamo.


Sa ibabang bahagi ng “MONTHLY CONTRIBUTIONS” ay makikita mo ang Total Number of Contributions Posted o ang kabuuang bilang ng buwan na nakapaghulog ka sa SSS. Mahalaga ang bilang ng buwan na iyong naipaghulog sa SSS sapagkat ito ang unang tinitignan kung naabot mo na ang tamang bilang ng buwanang kontribusyon para mag-qualify sa loans at mga benepisyo sa SSS. Makikita mo rin dito ang Total Amount of Contributions o ang kabuuang halaga ng naihulog mo na sa SSS.


Pinapayuhan naming muli ang lahat ng aming mga miyembro na palaging i-check ang kanilang contribution records upang mabilis nilang i-report ang anumang iregularidad na nakikita nila sa kanilang record.


***


PAALALA: Hanggang Mayo 14, 2022 na lamang tatanggap ng aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS gaya ng Salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.


Samantala, hanggang Mayo 21, 2022 naman tatanggap ng aplikasyon para sa Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page