top of page
Search

ni Fely Ng - @Bulgarific | June 9, 2022


ree

Hello, Bulgarians! Nakapagtala ang Social Security System (SSS) ng kita na P28 bilyon noong 2021 mula sa mga operasyon nito dahil nahigitan ng pumasok na kontribusyon at kita sa investment nito ang lumabas na pera para sa benefit payments at operating expenses. Base sa 2021 unaudited financial statements nito, ang pumasok na pera sa SSS ay umabot sa P262 bilyon habang ang lumabas naman na pera ay umabot sa P234 bilyon.


Noong huling anim na taon naman, nakapagtala ang SSS ng cumulative earnings na P202 bilyon, kahit pa naglabas ito ng record-breaking P1.1 trillion para sa benefit payment at P254 bilyon para sa loan releases sa mga miyembro at pensioner nito. Ang pag-adopt ng SSS sa Philippine Financial Reporting Standards (PFRS) 4, kung saan kinilala ang Social Benefit Liabilities (SBLs) kabilang ang Margin for Adverse Deviation (MfAD), ang dahilan para sa pagtaas ng policy reserves nito ng P872 bilyon na nagresulta sa accounting net loss na halos P844 billion noong 2021.


“Nais naming ipaliwanag na ang increase sa aming policy reserves ay hindi aktuwal na pera na lumabas sa pondo ng SSS. Ito lamang ay estimates ng kinakailangang reserba para pondohan ang benefit claims sa hinaharap,” ani SSS President at CEO Michael G. Regino.


“Kinikilala namin ang future liabilities na ito ngayon pa lamang para mas maging transparent sa pamamahala ng pondo ng SSS at makabuo ng mas malinaw na larawan ng aming long-term financial standing. Sinisiguro naming hindi ito nakakaapekto sa aming kasalukuyang cash flows at nananatili kaming financially viable para makapagbigay ng benepisyo sa aming mga miyembro,” dagdag niya.


Ang SSS ay mayroong estimated fund life na hanggang 2054. Ang estimated fund life naman social security institutions ng ibang ASEAN countries gaya ng Vietnam at Thailand ay 2027 at 2054, habang ang United States Social Security Administration fund ay inaasahang magtatagal hanggang sa 2034 lamang.


Ayon kay Regino, ang SSS ay palaging bukas para makipag-usap sa mga mambabatas, na maaaring maging plataforma para matulungan ang mga stakeholder nito na maunawaan ang kasalukuyang accounting standard na sinusunod nito para sa pagre-report ng financial performance.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

@Buti na lang may SSS | June 5, 2022


Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay pensiyunado ng SSS. Kamakailan ay nabalitaan ko na mayroong pautang para sa aming mga pensiyunado. Paano ba mag-apply dito? Salamat. — Eileen

Sagot


Mabuting araw sa iyo, Eileen!


Totoong may pautang na ibinibigay ang SSS para sa mga retiradong pensiyunado nito at ito ang Pension Loan Program (PLP) na binuksan simula pa noong Setyembre 2018. Layunin ng programa ang makapagbigay ng tulong-pinansiyal sa pamamagitan ng pautang na may mas mababang interes. Batid naman natin sa panahong ito na nasa gitna tayo ng pandemya ay kailangan n’yo ng karagdagang financial assistance para sa inyong mga pangangailangang medikal, atbp.


Ang PLP ay nagsisilbing alternatibo sa mga private lending institutions, kung saan mas mababa ang interes at hindi nila kailangang gamiting kolateral ang kanilang ATM cards.


Upang makahiram sa ilalim ng PLP kinakailangang matugunan ninyo ang sumusunod na kondisyon:

  • hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;

  • walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon, tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;

  • walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at

  • tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang buwan.

Halimbawa, nag-apply kayo ngayong Hunyo, ang simula ng inyong pagbabayad ay sa Agosto pa.

Sa kasalukuyan, maaari kayong makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng inyong tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200,000 na siyang maximum loanable amount na ipinahihiram sa ilalim ng PLP. Dagdag pa rito, ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi dapat bababa sa 47.25%.


Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan; kung katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwang pensyon, maaari ninyo itong bayaran sa loob ng 12-buwan. Kung ang nahiram ninyong pension loan ay katumbas ng siyam o 12 beses ng buwanang pensyon, maaari ninyo itong bayaran ng hanggang 24-buwan o sa loob ng dalawang taon.


Online na rin ang pag-file ng application sa PLP maging kayo man ay first-time borrower o magre-renew ng pension loan. Kinakailangan lamang na kayo ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Hinihingi rin namin ang inyong contact number o aktibong mobile number, kabilang ang inyong SSS UMID-ATM o kaya’y ang Union Bank Quick Cash Card para rito.


Mag-log in kayo sa inyong My.SSS account at magtungo sa E-Services tab, kung saan makikita ninyo ang “Apply for Pension Loan.” I-click ninyo ito upang simulan ang iyong aplikasyon. Sunod, piliin ang halaga ng iyong uutangin at kung gaano mo ito katagal babayaran. Matapos nito, i-click ang “I agree sa mga terms and conditions of the program.”


Maaari naman n’yong i-download o kaya’y i-print ang kopya ng Disclosure Statement at makatatanggap na kayo ng kumpirmasyon sa pamamagitan ng e-mail o text tungkol sa iyong aplikasyon. Papasok naman ang halaga ng iyong inutang sa inyong UMID-ATM o UnionBank Quick Cash Card.


◘◘◘


Para sa mga delinquent housing loan borrowers, simula Mayo 25, 2022 ay binuksan ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nila nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa 12/F, SSS Building, East Avenue, Diliman, Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng mga piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila. Tatanggap ng aplikasyon para dito hanggang Hunyo 30, 2022.


Nais din nating ipaaalala sa mga pensiyunado ng SSS na kailangan nilang tumugon sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program hanggang Hunyo 30, 2022. Pinapaalalahan naman natin ang mga retirement pensioners na nasa abroad, total disability pensioners, survivor pensioners (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioners sa ilalim ng guardianship na mag-comply dito.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | June 3, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Nais kong malaman kung ano ang tinatawag na Workers’ Investment and Savings Program ng SSS? Bakit ito mahalaga para sa mga miyembro? – Ashley

Sagot


Ang Workers’ Investment and Savings Program (WISP) ay isa sa mga probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018, sinimulang ipatupad noong Enero 2021. Ito ay provident scheme na ipinatutupad ng SSS upang matulungan ang mga miyembro nito na mas malaki ang kanilang maipon para sa kanilang pagreretiro. Ito ay karagdagan sa regular na benepisyo ng SSS na kanila namang hinuhulugan kada buwan.


Nasasakop ng WISP ang mga miyembro na kumikita ng maximum monthly salary credit na mahigit sa P20, 000 at walang final claim sa ilalim ng regular SSS program. Awtomatiko naman ang pagiging bahagi nila sa nasabing programa.


Ang kanilang magiging buwanang hulog ay mula P65 hanggang P650. Nais naming bigyang-diin na ang mga miyembro na kuwalipikado sa WISP ay maghuhulog ng kontribusyon para sa regular na SSS program at sa WISP.


Halimbawa, kung kumikita ng P23,750 kada buwan, bawat buwan ay maghuhulog ng P2,600 para sa iyong regular SSS contribution at P520 naman ang para sa WISP.


Sa mga covered employee o may employer na pinapasukan, paghahatian nila ang hulog sa WISP ay tulad sa regular na hulog sa SSS. Halimbawa, ikaw, Chynna ay kumikita ng P23, 750 kada buwan at naghuhulog ng P520 bawat buwan para sa WISP, ang magiging share ng iyong employer ay P340 samantalang sasagutin mo naman ang P180.


Sa iyong pagreretiro, parehong makukuha ang iyong retirement benefit mula sa regular na programa ng SSS at ang iyong naipon sa WISP. Ang WISP ay magandang pagkakataon upang magkaroon ka ng mas komportableng pagreretiro, kung saan lahat ng iyong naipon ay siya mo namang pakikinabangan sa kinabukasan. Bukod dito, ang iyong maiipon sa WISP ay tax-free at ginagarantiyahan ng SSS.


◘◘◘


Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program (PLP) ng SSS para sa panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Mula Setyembre 15, 2020, maaaring magsumite ng aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang na mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran ng hanggang 24-months o dalawang taon.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page