top of page
Search

@Buti na lang may SSS | August 17, 2022


Dear SSS,

Magandang araw. Ang mother-in-law ko ay SSS pensioner. Sa kasalukuyan, siya ay naninirahan sa Canada. Nais sana niyang malaman kung paano siya makakapag-comply sa ACOP. Kailangan pa bang umuwi siya sa Pilipinas? - Boyong


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Boyong!


Mula noong Oktubre 2021, muling ibinalik ang Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS. Layunin nitong masiguro na ang tamang benepisaryo pa rin ang tumatanggap ng pensyon sa SSS at para maprotektahan na rin ang pondo nito, kung saan mayroong pagkakataon na nagbago na ang estado ng surviving spouse na kinakailangang malaman ng SSS, halimbawa ng kanilang pag-aasawa at iba pang kadahilanan.


Ang mga sumusunod na uri ng pensyunado ang mga kinakailangang tumugon hanggang Oktubre 31, 2022 upang hindi maputol ang pagtanggap nila ng kanilang buwanang pensyon:


retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa;

total disability pensioners;

survivor pensioners (death); at

dependent (minor/incapacitated) pensioners sa ilalim ng guardianship.


Nais naman nating banggitin na ang mga retiradong pensyunado ng SSS na naninirahan sa Pilipinas ay exempted pa rin mula sa ACOP simula noong Oktubre 2017, kaya hindi na nila kailangang mag-report sa SSS para rito.


Samantala, Boyong, para sa mga pensyunado na naninirahan sa ibang bansa, tulad ng iyong mother-in-law, may tatlong pamamaraan upang isagawa ang ACOP.


Option 1: Sa pamamagitan ng video conference (Microsoft Teams). Mag-send siya ng appointment request sa ofw.relations@sss.gov.ph. Hintayin ang email confirmation mula sa SSS na naglalaman ng transaction reference number (TRN) at ng link sa Microsoft Teams. Sa scheduled video conferencing, dapat mayroon siyang maipakitang isang (1) primary ID card o dalawang (2) secondary ID cards gaya ng Senior Citizens Card, Voter’s at Postal ID, atbp.


Option 2: Maaaring ipadala ang mga required na dokumento sa e-mail address ng pinakamalapit na SSS foreign office. Sa Canada, matatagpuan ang mga opisinang ito sa Philippine Overseas Labor Office sa Vancouver, Philippine Consulate General sa Calgary at sa Philippine Consulate General naman sa Toronto.


Option 3: Maaari ring ipadala ang mga required na dokumento sa pamamagitan ng koreo sa SSS OFW-Contact Services Section, SSS Bldg., East Avenue, Diliman, Quezon City 1100.


Para sa Option 2 at 3, dapat ihanda ng mother-in-law mo, Shiela ang sumusunod na mga dokumento:


duly-accomplished ACOP Form;

isang primary o dalawang secondary ID cards;

half-body photo ng pensyunado na may hawak na kasalukuyang diyaryo o kaya’y nasa background niya ang TV news crawler o ticker kung saan makikita ng malinaw ang news headline at kasalukuyang petsa.


Samantala, ang mga pensyunado na makatutugon sa compliance ng ACOP bago ang nabanggit na deadline ay exempted na para sa taong 2022, kung saan ang compliance nila ay sa susunod na taon na o sa 2023.

Boyong, maaari mo ring i-download ang ACOP form sa link na ito https://bit.ly/3mC8TkE.

Nais naming ipaalala na kung hindi makakapag-comply sa ACOP ang iyong mother-in-law hanggang Oktubre 31, 2022 maaaring maputol ang pagtanggap niya ng buwanang pensyon.



Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | August 14, 2022


Dear SSS,

Magandang araw! Mahalaga bang i-update ang record ko sa SSS? Bagong kasal ako at nais kong ilagay na beneficiary ang aking asawa. - Abegail

Sagot


Mabuting araw sa iyo, Abegail!


Sadyang napakahalaga na updated at tama ang impormasyon ng iyong pangalan, petsa ng kapanganakan at iba pang detalye na nakatala sa iyong record sa SSS. Ang pagkakaroon ng hindi tugmang impormasyon sa iyong personal record ay maaaring magdulot ng problema sa miyembro, tulad mo Abegail, lalo na kung mag-a-apply ng loan at benefit claim sa SSS. Maaari kasing maantala ang pagpoproseso ng iyong mga transaksyon kung mayroong hindi tugma o discrepancies sa record mo. Kaya patuloy ang aming paghikayat na i-update ng mga miyembro ang kanilang record sa SSS, lalo na sa pagpapalit ng pangalan, petsa ng kapanganakan, higit lalo ang pagdagdag ng mga bagong benepisaryo. Katulad sa iyong kaso, dapat mong i-update ang iyong kasalukuyang civil status sa kadahilanang ikaw ay nag-asawa na at may legal na benepisaryo.


Simple lamang naman ang pag-update ng rekord sa SSS. Maaari mo itong gawin gamit ang iyong My.SSS account at hindi na kailangan pang magsadya sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Kinakailangan lamang na ikaw ay nakarehistro na at may sariling My.SSS account.


Upang makapagrehistro rito, magtungo sa SSS website at i-click mo ang “MEMBER.” Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click mo ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang iyong registration. Punan ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan, ang gagamitin mong e-mail address ay dapat aktibo at palaging binubuksan dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit ang iyong account.


Kung ikaw ay mayroon ng My.SSS account, i-click mo ang “Member.” Mag-login ka gamit ang iyong user ID at password. Sunod, i-click ang “I’m not a robot” at i-click ang “Submit.” I-click mo ang “E-SERVICES” tab at hanapin mo ang “Request for Member Data Change (Simple Correction).” Piliin ang “CIVIL STATUS” upang maiupdate ang iyong civil status mula Single ito ay magiging Married.


Gamit ito ay maaaring i-update ang iyong apelyido, Abegail, mula sa apelyido mo sa iyong pagkadalaga na maaaring palitan sa apelyido ng iyong napangasawa. Sunod, dapat i-upload ang supporting document tulad ng Marriage Certificate bilang patunay ng pagbabago ng iyong civil status.


Pagkatapos nito, i-click mo ang “This is to certify that all information and documents are true” at isumite ito sa pamamagitan ng pag-click sa “SUBMIT.” Kapag successful ang iyong transaction, lilitaw ang transaction number. Mahalaga na tandaan mo ito. I-check mo ang iyong email na nakarehistro sa SSS sapagkat dito ipapadala ang Notice of Approval o Rejection sa iyong request.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyunado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | July 31, 2022



Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay pensyunado ng SSS. Kamakailan ay nabalitaan ko na mayroong pautang para sa aming mga pensyunado. Paano ba mag-apply dito? - Tomas

Sagot

Mabuting araw sa iyo, Lolo Tomas!


Totoong may pautang na ibinibigay ang SSS para sa mga retiradong pensyunado nito at ito ang Pension Loan Program (PLP) na binuksan mula pa noong Setyembre 2018.


Layunin ng programa ang makapagbigay ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng pautang na may mas mababang interes. Batid naman natin na kailangan n’yo ng karagdagang financial assistance para sa inyong mga pangangailangang medikal, atbp.


Ang PLP ay nagsisilbing alternatibo sa mga private lending institutions kung saan mas mababa ang interes at hindi kailangang gamiting kolateral ang ATM cards ng pensyonado.


Upang makahiram sa ilalim ng PLP kinakailangan na matugunan ninyo ang sumusunod na kondisyon:

  • hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;

  • walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon, gaya ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;

  • walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at

  • tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang (1) buwan.

Halimbawa, nag-apply kayo ngayong Hulyo 2022, ang simula naman ng inyong pagbabayad ay sa Setyembre 2022 pa.


Sa kasalukuyan, maaari kayong makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng inyong tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200,000 na siyang maximum loanable amount na ipinahihiram sa ilalim ng PLP. Dagdag pa rito, ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi dapat bababa sa 47.25%.


Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan; kung katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwanang pensyon, maaari ninyo itong bayaran sa loob ng 12 buwan, Lolo Tomas.


Kung ang nahiram ninyong pension loan ay katumbas ng siyam o 12 beses ng buwanang pensyon, maaari naman ninyo itong bayaran ng hanggang 24 buwan o sa loob ng dalawang taon.


Online na rin ang pag-file ng application sa PLP maging kayo man ay first-time borrower o magre-renew ng pension loan. Kinakailangan lamang na kayo ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Kinakailangan ding ninyong ibigay ang inyong contact number o aktibong mobile number, kabilang ang inyong SSS UMID-ATM o kaya’y ang Union Bank Quick Cash Card para dito.


Narito ang paraan ng pagpa-file ng loan application sa PLP:


  1. Mag-log in sa inyong My.SSS account.

  2. Magtungo sa E-Services tab kung saan makikita ninyo ang “Apply for Pension Loan.”

  3. I-click ninyo ang “Apply for Pension Loan” upang simulan ang iyong aplikasyon.

  4. Piliin ang halaga ng iyong uutangin at kung gaano mo ito katagal babayaran.

  5. Matapos nito, i-click ang “I agree sa mga terms and conditions of the program.”


Maaari naman ninyong i-download o kaya’y i-print ang kopya ng Disclosure Statement.


Makatatanggap kayo ng kumpirmasyon sa pamamagitan ng e-mail o text tungkol sa iyong aplikasyon. Papasok naman ang halaga ng iyong inutang sa inyong UMID-ATM o UnionBank Quick Cash Card.


Ang kagandahan ng programang ito ay ang pagkakaroon ng credit life insurance ng borrowers.


Kung sakali mang pumanaw ang nangutang na pensyunado at dahil dito hindi na nito maituloy ang pagbabayad ng kanyang loan. Sa ilalim ng credit life insurance, babayaran ng isang insurance company ang natitirang utang ng pensyunado sa SSS.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyunado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensyunado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyunado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death) at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.



Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page