top of page
Search

by Info @Buti na lang may SSS | June 29, 2025



Buti na lang may SSS

Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay isang delivery rider ng isang food delivery app. Marami akong nais itanong sa SSS ukol sa mga benepisyo nito ngunit hindi ko alam kung saan ako maaaring makahingi ng kasagutan. Salamat.  — Lito



Mabuting araw sa iyo, Lito!


Napapanahon ang iyong katanungan dahil sa nasa yugto tayo nang panahon na lubhang laganap ang fake news at misinformation. Karaniwang dilemma na ng tao ngayon kung accurate ba ang mga impormasyong nakikita nila na pumapasok sa feed nila sa Facebook at iba pang social media platform.


Gaya ng ibang organisasyon, ang Social Security System (SSS) ay nagiging subject din ng hindi accurate na impormasyon o fake news sa social media. Kaya mahalaga na malaman mo at ng mga miyembro ng SSS kung saan ba makakakuha ng tamang impormasyon.


Kung tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, iminumungkahi naming na i-follow mo ang mga opisyal na social media pages ng SSS. Nasa sa Facebook, X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber ang SSS at ang tangi mong gagawin ay hanapin lang ang MYSSSPH. Tinitiyak namin na ang makukuha mong impormasyon dito ay tama dahil ang mga content sa mga nasabing social media pages ay opisyal na mula sa SSS. 


Kung ikaw naman ay may katanungan o query, maaari kang magpadala ng inyong mensahe sa usssaptayo@sss.gov.ph. May mga nakatalagang SSS employees na handaang sumagot sa mga katanungan ng miyembro na nagpapadala ng kanilang inquiries sa nasabing email.


Mayroon din hotline ang SSS na maaari mong tawagan para sa iyong katanungan. I-dial lang ang 1455 at may sasagot sa iyo na SSS member representative upang mabigay linaw sa iyong queries.


Bukod dito, maaari mo ring kontakin ang SSS branch office na malapit sa iyo sa pamamagitan nang pagpapadala ng mensahe sa corporate e-mail address ng nasabing sangay ng SSS o di kaya’y tawagan ang telepono bilang nito.


Madali lang hanapin ang contact details ng aming mga branch offices. Bisitahin lang ang aming website, www.sss.gov.ph, at i-click ang “Find an SSS Branch” upang makita ang branch office na malapit sa’yo. Makikita mo rito ang address ng aming branch office, telephone number at e-mail address nito.


Maraming kaparaanan upang makahingi ng kasagutan sa inyong inquiry sa SSS.

***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Batay sa SSS Circular 2022-022, maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | June 18, 2025



SSS

Hello Bulgarians! Nilagdaan ng Social Security System (SSS) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Department of Health (DOH) Caraga Region upang matiyak ang social security protection ng 200 Job Order (JO) at Contract of Service (COS) na manggagawa ng huli. 


Sa ilalim ng SSS KaSSSangga Collect Program, ang mga JO at COS na manggagawa ng DOH Caraga ay nakarehistro bilang mga self-employed na miyembro ng SSS. 


Samantala, ang DOH Caraga Region ang mamamahala sa pagkolekta at pag-remit ng kanilang Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) kontribusyon sa SSS Butuan Branch sa pamamagitan ng automatic salary deduction scheme upang masiguro ang kanilang benepisyo at loan eligibility.


Sinabi ni SSS Acting Vice President for Mindanao North Division Benigno J. Dagani Jr., partikular na target ng KCP ang Job JO at COS na mga manggagawa mula sa local government units (LGUs), National Government Agencies (NGAs), State Colleges and Universities at iba pang organisadong grupo mula sa professional sector. 


Ipinaliwanag din ng opisyal na ang programa ay nagsisilbi rin sa mga regular na empleyado na dating nagtatrabaho sa pribadong sektor. 


Maaari nilang piliing i-activate muli ang kanilang membership sa SSS sa pamamagitan ng pagpapalit ng kanilang membership type mula sa employed to voluntary at magpatuloy sa pagbabayad ng kontribusyon sa pamamagitan ng salary deduction. 


Simula Marso 2025, ang SSS Butuan Branch ay may 36 participating partner sa ilalim ng KCP at pipirma ng kasunduan sa tatlong iba pang NGAs sa pagtatapos ng unang semestre ng 2025.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

by Info @Buti na lang may SSS | June 15, 2025



Buti na lang may SSS

Dear SSS,


Magandang araw! Ang Corporate Social Responsibility Unit ng aming kumpanya ay nagnanais makatulong sa mga miyembro ng SSS na hindi nakapagpatuloy ng paghuhulog nila ng buwanang kontribusyon sa SSS. Kaya nais sana naming malaman kung ano ang bagong ninyong programa na tinatawag na Contribution Subsidy Provider Program? Salamat po.  — Lito ng isang multinational corporation

Mabuting araw sa iyo, Lito!


Inilunsad ng SSS noong 2022 ang Contribution Subsidy Provider Program o CSPP upang matulungan ang mga miyembro na hindi nakapagpatuloy ng paghuhulog nila ng buwanang kontribusyon dahil na rin sa kakulangang pinansyal.


Sa ilalim ng CSPP, hinihikayat ng SSS ang mga indibidwal at grupo nai-subsidize nila ang buwanang kontribusyon ng mga SSS member lalo na ang mga miyembro na nahihirapang ipagpatuloy ang kanilang paghuhulog. Tatawaging silang contribution subsidy provider.


Sa pamamagitan ng programang ito, nagtutulungan ang SSS at contribution subsidy provider upang maipagpatuloy ng mga self-employed, land-based overseas Filipino workers (OFWs), o voluntary member ang paghuhulog ng SSS contributions at mabigyan sila ng nararapat na social security coverage. 


Ang contribution subsidy provider ay maaaring galing sa pribadong o pampublikong sektor. 


Sa ilalim ng program, babayaran ng contribution subsidy provider ang hindi bababa sa anim na buwang kontribusyon ng napili niyang SSS member. Kaya, kung ang inyong kumpanya ay nagnanais maging isang contribution subsidy provider, bibigyan kayo ng SSS ng Certification with Undertaking o Memorandum of Agreement (MOA) at ituturing na kayong isa sa mga coverage at collection partner ng ahensya.


Online ang registration para rito. Maaari ninyong bisitahin ang aming website, www.sss.gov.ph. Hanapin ang “Be a Contribution Subsidy Provider” at i-click ang “Apply”. Punan mo ang mga kinakailangang impormasyon upang maging ganap kayong contribution subsidy provider.  


Maaari ninyong bayaran ang kontribusyon ng inyong napiling miyembro o mga miyembro sa tellering facilities na nasa mga sangay ng SSS o sa mga SSS-accredited collection partner.


Hinahangad ng SSS na sa tulong ng mga indibidwal o grupo na may mabuting kalooban ay maiabot natin ang SSS coverage sa mga manggagawa sa informal sector at mga land-based OFWs. Ang mga manggagawang ito ang may pinakamababang social security coverage sa ating workforce sa kabila na sila ay kabilang sa pinaka-vulnerable na sektor ng lipunan.


Ang pagsubsidiya sa kontribusyon ng isang SSS member ay itinuturing ng SSS na pinakamagandang regalo na maaaring maibigay ng isang Pilipino sa kapwa niya Pilipino.

***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.



Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page