top of page
Search

Photo: @AFCCup

Uuwi ang Kaya Iloilo ng Pilipinas dala ang tabla sa laban nila ng PSM Makassar, 1-1, noong Martes sa Gelora Bung Karno Madya Stadium sa pagbabalik ng aksyon sa 2020 AFC Cup. Hindi nagamit ng mga Pinoy ang lamang nila sa tao at dahil sa resulta, bumagsak sila mula sa pangunguna ng Grupo H.

Napantay ni Eric Giganto ang iskor sa ika-50 minuto gamit ang kanyang ulo matapos tumanggap ng perpektong lobong pasa galing kay Ariel Amita. Mula roon, panay ang atake ng Kaya subalit hindi nagbunga ito sa harap ng depensa ng PSM.

Maagang pinalabas sa laro si defender Dedy Gusmawan ng PSM matapos bigyan ng dalawang magkasunod na yellow card ng referee sa ika-walo at ika-10 minuto. Unang binigyan ng malakas na foul ni Gusmawan si Masanari Omura at matapos ang dalawang minuto ay inulit niya ito kay Takumi Uesato at napilitang maglaro ang PSM na 10 tao na lang sa sumunod na 80 minuto.

Kahit dehado sa tao, nagawa pang maka-unang goal ang PSM matapos kumalas sa depensa si Osas Saha sa ika-22 minuto. Ito na rin ang unang beses sa torneo na nalusutan ng bola si goalkeeper Louie Michael Casas matapos blankahin ang kalaban sa unang dalawang laro.

Hindi pinapasok ang publiko para sa laro ng Kaya at PSM sa utos ng pamahalaang Indones bilang pag-ingat sa pagkalat ng coronavirus. Magkikita muli ang dalawang koponan sa susunod nilang laban sa Abril 15 sa Rizal Memorial Stadium.

Samantala, naglalaro kagabi sa saradong Rizal Memorial ang Ceres Negros ng Pilipinas at Bali United ng Indonesia para sa liderato ng Grupo G habang isinusulat ito. Napagpasyahan na walang manonood ayon sa konsultasyon sa Philippine Sports Commission, Philippine Football Federation, Kagawaran ng Kalusugan at Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila. Laro sa Abril 15 – Rizal Memorial Stadium 7:00 p.m. Kaya Iloilo vs. PSM Makassar.

 
 

Dahil na rin sa kanilang ipinakitang husay at galing, kinilala ang Mighty Sports team bilang Athlete of the Month ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) para sa buwan ng Pebrero.

Bunga ng naging matagumpay na kampanya ng koponan sa pamumuno ni coach Charles Tiu ay nakopo nila ang seven-game sweep at naiuwi ang kampeonato at maging first non-Middle Eastern team na nagwagi sa prestihiyosong torneo.

Unang basketball team ang Mighty Sports na paparangalan ng monthly award ng newest media group na binubuo ng sports editors, sportswriters at photographers mula sa country’s leading national tabloids.

“Mighty Sports, led by coach Chris Tiu, made all of us proud again in international basketball with their success in Dubai,” sambit ni TOPS president Ed Andaya. “It is only fitting that we (TOPS) recognize and pay tribute to the team’s contributions to the country’s status as one of the leading basketball nations.”

Kabilang din sa pinagpilian ng TOPS para sa month of February honor, ang Philippine National Squash Team na nagdala ng 2 gold, one silver at four bronze medals sa 6th SEA Cup sa Bangkok, Thailand noong nakaraang buwan.

 
 

Hindi pinawalang saysay ni 2020 Tokyo Olympic-bound Eumir Felix Marcial ang pagkakataon na maipagpatuloy ang tagumpay sa men’s under-75kgs category nang tuluyang pasukin ang championship round ng Asia-Oceania Boxing Qualification Tournament sa Prince Hamzah Sports Hall sa Amman, Jordan. Pinanindigan ng 24-anyos na tubong Lunzuran, Zamboanga City ang pagiging top seed nito nang tapusin si Ashish Kumar ng India sa bisa ng 4-1 split decision na panalo at itakda ang championship match laban kay 2018 Jakarta-Palembang Asian Games silver medalist Abilkhan Amankul ng Kazakhstan. Bilang nalalabing Pinoy na pasok sa medal matches at nag-iisang Pinoy pug ngayon na nakakuha ng ticket sa Summer Games simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan, buong pusong lumalaban ang kampeon ng 30th SEAG para makuha ang gold medal sa 9-day boxing event para sa kuwalipikasyon ng Asia-Oceania Continental.

Lalaban para sa box-off sina SEAG medalist Carlo Paalam at Irish Magno sa men’s under-52kgs Flyweight division at women’s under-51kgs class. Naging kontrobersyal ang laban ng biennial meet light-flyweight gold medalist nang matalo ito sa pamamagitan ng 1-4 split decision kay 2019 Yekaterinburg World Championships silver medalist Amit Panghal ng India.

Mas naging epektibong manlalaro si Paalam laban sa Indian boxer nang makuha nito ang unang round via 3-2 dahil sa magagandang kombinasyon at patama laban kay Amit. Patuloy ang mga matutulis na suntok ni Paalam sa second round, habang nagpapatama rin si Amit ng left-right combination, ngunit napunta kay Amit ang sumunod na round sa 1-4. Marami ang hindi pumabor sa ipinakitang laro ng Indian boxer sa huling round dahil higit na pursigido si Paalam sa huling round, ngunit nakuha pa rin nito ang boto ng mga hurado sa 1-4 split decision. Hindi man maipagpapatuloy ni Paalam ang laban sa semifinals ay lalaban pa rin ito sa Box-Off laban kay Saken Bibossinov ng Kazakhstan na natalo kay Hu Junguan ng China via 0-5. Anim na boksingero ang mabibigyan ng tsansa para sa Asia-Oceania para sa Olympics.

Nahirapan din si SEAG silver medalist Magno sa mga kombinasyong ibinato ni Mary Kom ng India na nanaig sa pamamagitan ng 0-5 unanimous decision, ngunit magkakaroon pa ito ng pagkakataon na makapasok sa Olympiad sakaling manaig ito sa Box-Off laban kay Sumaiya Qosimova ng Tajikistan. Mayroong nakalaang anim na slot.

Parehong tig-anim na manlalaro para sa kontinente ng Asia-Oceania ang kukunin para makakuha ng ticket sa Tokyo Olympics. Sakaling hindi manaig sina Paalam at Magno sa Box-off, makakasama nito sina 2019 world champion Nesthy Petecio, Riza Pasuit, James Palicte at Ian Clark Bautista na lumaban para sa World Championship na gaganapin sa Mayo 13-20 sa Paris, France.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page