top of page
Search

ni MC @Sports | August 14, 2024



Sports News
Photo: 2024 Olympic Medalist - Pangulong Bongbong Marcos

Isang hapunan ang inihanda ng first family sa Malacanang sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand 'Bong Bong' Marcos bilang pagsalubong at pagpupugay sa mga Filipino Olympians na dumating kagabi ng alas-7:10 sa Villamor Airbase sa pangunguna ni double gold medalist Carlos Yulo na nilatagan ng red carpet.   


Pagkababa ng eroplano sakay ng PAL flight 658 mula sa layover sa Dubai mula sa Paris, dumiretso sila sa First Family ng Malacañang at doon ay sinalubong sila, binati at pinaghandaan ng isang  awarding ceremony at dinner reception. Tulad ng  sinabi ng Presidential Communications Office ginawaran ang medalist Olympians ng kani-kanilang cash incentives maging ang iba pang atletang lumahok sa Olympics. 


Sorpresa ring inanunsiyo ni PBBM ang halaga ng cash incentive sa welcome honors sa  Olympians.  


Bawat Olympian ay pinagkalooban ng Presidential Citation, habang si Yulo ay tumanggap ng Presidential Medal of Merit bilang mandato ng Office of the President at gantimpala sa medalists.


Ngayong araw naman ng Miyerkules, Agosto 14 ang heroes’ parade ng Filipino athletes na lumahok sa 2024 Paris Olympics ayon sa Office of the Presidential Protocol.


Ayon kay  Reichel Quiñones, Chief of Presidential Protocol and Presidential Assistant on Foreign Affairs, iyan ang iskedyul matapos ang pagdating kagabi nina two-time Olympic champion Carlos Yulo at iba pang Filipino Olympians sa bansa.  


Ang motorcade ayon kay Quiñones ay magsisimula sa Pasay. ''The following day [Wednesday], the athletes will be picked up from their [places of accommodation] and be brought to Aliw Theater where a motorcade will be held, from Aliw Theater to the Rizal Memorial Sports Complex,'' saad pa ni Quiñones. 


Ang 7.7-kilometer motorcade ay magsisimula sa Aliw Theater akaliwa sa Roxas Boulevard, kakanan sa P. Burgos at didiretso sa Finance Road. Pagdating sa Taft Avenue, kakanan sa Quirino Avenue patungo sa Adriatico Street at magtatapos sa Rizal Memorial Sports Complex. 

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | August 14, 2024



Sports News
Photo: Rianne Mikhaella Malixi / United States Golf Association - USGA

Muling umukit ng kasaysayan ang pambato ng Pilipinas na si Rianne Mikhaella Malixi sa pamamagitan ng paghablot sa korona ng prestihiyosong U.S. Women's Amateur Tournament sa Tulsa, Oklahoma.


Ito pa lang ang pangalawang beses sa nakalipas na walong taon na isang tao lang ang nangibabaw kapwa sa U.S. Women's Amateur at sa U.S. Girls Championships (California) sa magkaparehong taon.


Tinalo ni Malixi si Asterisk Talley ng USA sa isang dikitang duwelo sa loob ng dalawang araw at inilatag na 36 holes. Isang matinding sipa sa homestretch kung saan umangat siya sa hole nos. 31, 32 at 33 bago tumabla sa pang-34 na butas ang tuluyang nagbigay sa kanya ng 3 & 2 na tagumpay kahit na may natitira pang 2 butas.


Ang tagumpay ng 17-taong-gulang na Pinay sa fairways at greens ng Country Hills Country Club ay pangatlo na niya ngayong 2024 dahil bukod sa kambal na korona sa Estados Unidos ay hinirang din siyang reyna sa Women's Australian Masters of the Amateurs noong Enero. Sumegunda rin siya sa dalawang iba pang mga paligsahan.


Sa Oklahoma pa rin, sinagasaan ni Malixi, kasalukuyang no. 10 sa Women's World Amateur Golf Rankings, patungo sa pangkampeonatong duwelo sina Annabelle Pancake (2 & 1, USA, Round-of-64,), Anna Huang (2 & 1, Canada, Round-of-32), Scarlett Schremmer (3 & 2, USA, Round-of-16), Catherine Rao (2 & 1, USA, Quarterfinals) at USA bet Kendall Todd (1 up) noong semifinals ng kaganapang isinaayos ng U.S. Golf Association.

 
 

ni VA @Sports | August 12, 2024



Sports News
Photo: POC

Naging makasaysayan at makahulugan ang ika-isandaang taong pagkampanya ng Pilipinas sa nakaraang 2024 Paris Olympics dahil dito naitala ng delegasyon ng ating bansa ang itinuturing na pinakamatagumpay na pagtatapos ng partisipasyon ng mga Filipinong atleta sa Summer Games.


Sa closing ceremony, magarbo ang naging palabas partikular na ang pagpapasa ng hosting rights ng France sa USA na magsisilbing host ng 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California.


Naroon sa programa si Tom Cruise kung saan isang Hollywood-inspired program ang masisilayan ng buong mundo. Mala-mission impossible na stunt ang ipinakita ni Hollywood superstar Tom Cruise sa 2024 Paris Olympics closing ceremony kung saan siya lumundag mula sa mataas na bahagi ng France National stadium, kinuha ang Olympic flag, isinakay sa motorsiklo patungo sa eroplano pahatid sa Los Angeles, U.S.A. (bilang next host ng Olimpiyada sa 2028) at nag-parachute pababa ng Hollywood para ihatid ng nagbibisikleta sa L.A. Coliseum at tinanggap ni legendary runner Michael Johnson ang bandila.


Sa pangunguna ng gymnast na si Carlos Edriel Yulo at boxer na si Aira Villegas ay nagsilbi silang flag bearer sa 22-kataong Centennial Team kahapon ng madaling araw kasama si Nesthy Petecio. Ang 24-anyos na si Yulo ang unang Olympic double gold medalist at unang multiple medal winner sa isang edisyon ng Olympic Games. Dahil dito ay naitala rin ng bansa ang pinakamataas na pagtatapos sa Olympics bukod pa sa pagiging best performing Southeast Asian nation sa dalawang sunod na edisyon.


Bagamat bigong umabot ng podium, nagtala rin ng kahanga-hangang performances ang iba pang miyembro ng Team Philippines gaya nina pole vaulter EJ Obiena at golfer Bianca Pagdanganan na muntik ng nagwagi ng medalya makaraang tumapos na pang-apat sa kani-kanilang events. Naging unang babaeng kinatawan naman ng Pilipinas sa fencing si Samantha Catantan gayundin si Joanie Delgaco sa rowing.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page