top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 9, 2023



ree

Mga laro sa Sabado – Araneta

9 a.m. UP vs. DLSU (W)

11 a.m. NU vs. UE (W)

2 p.m. UP vs. FEU (M)

4 p.m. NU vs. UST (M)

Pasok na ang University of the Philippines sa Final Four ng 86th UAAP Men’s Basketball Tournament matapos talunin ang host University of the East, 79-72, sa Araneta Coliseum Miyerkules. Doble ang selebrasyon at balik sa Women’ s Final Four ang UP sa kasabay na 70-55 panalo sa Far Eastern University sa Mall of Asia Arena.

Naging mahirap na kalaro ang UE at bumira ng tres si Jack Cruz-Dumont upang lumapit ng isang puntos lang, 72-73. Nakahinga ang Fighting Maroons sa buslo ni Francis Lopez, 75-72, at nabawi ang bola sa shot clock violation ng Warriors na may 19 segundong nalalabi.

Biglang gumuho ang Warriors at tinapos ng UP ang laro mula sa free throw para umangat sa 9-2 panalo-talo. Bumalik si MVP Malick Diouf mula sa pilay na pulso at nagbagsak ng 19 puntos at 15 rebound habang ginawa ni CJ Cansino ang 10 ng kanyang 17 sa second half.

Sinamahan ng Lady Maroons ang maagang nakapasok na defending champion National University. Nakahugot ng mahusay na numero kay Kaye Pesquera na may 17 at ang trio nina Christie Bariquit, Achrissa Maw at Rizza Lozada na may tig-11 puntos patungo sa kanilang ika-siyam tagumpay sa 11 laro.

Samantala, tinapos na ng defending champion Ateneo de Manila University ang kanilang bihirang tatlong sunod na talo at bigyan ng maagang bakasyon ang University of Santo Tomas, 67-59. Umangat ang Blue Eagles sa 5-6 habang muling hindi mapapabilang ang Tigers sa Final 4 sa pangatlong sunod taon at bumaba sa 1-10.

Sa iba pang resulta sa kababaihan, wagi ang Ateneo sa Adamson University, 69-61, at lumapit din sa Final Four. Nanatiling numero uno ang NU sa 73-64 panalo sa De La Salle University.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 9, 2023



ree

Tatlong minuto na lang bago maitala ng Kaya FC Iloilo ang tabla ay naagaw ng bisitang Yokohama F Marinos ang 2-1 panalo sa simula ng Round 2 ng 2023-2024 AFC Champions League Martes. Ipinasok ni reserba Yan Matheus Souza ang bola sa ika-87 minuto at biglang tumahimik ang Rizal Memorial Stadium.

Kinuha ng Marinos ang pagkakataon na kulang ng isang tao ang Kaya matapos palabasin si Robert Lopez Mendy sa ika-85 matapos niyang patirin galing likod ang kanyang binabantayan. Pinanood muli ng reperi ang video bago patawan ng red card ang Kaya forward.

Nagawang pantayin sa 1-1 ng Kaya ang laban sa goal ng tubong Kanagawa, Japan Daizo Horikoshi sa ika-39. Nahanap ni Ricardo Sendra ang tumatakbong si Horikoshi na harapang isinipa ang bola kay goalkeeper Hiroki Iikura.

Nakaunang goal si Yuhi Murakami sa ika-26. Wagi din ang Marinos sa una nilang tapatan, 3-0, noong Oktubre 25 sa Nissan Stadium. Sa gitna ng pagkabigo, ipinagmamalaki pa rin ni Kaya coach Colum Curtis ang ipinakita ng koponan. Nakakahinayang lang at hindi inasahan ang red card kay Mendy.

Sa isa pang laro sa Grupo G, tinalo ng Shandong Taishan ang bisita Incheon United, 3-1. Bunga ng resulta, tabla ang Marinos at Shandong sa liderato na may 9 na puntos galing tatlong panalo at isang talo, pangatlo ang Incheon na may anim at walang puntos pa rin ang Kaya.

Susunod para sa Kaya ang pagdalaw sa Shandong sa Nobyembre 28. Tatapusin nila ang kampanya sa pagbisita ng Incheon sa Disyembre 13.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 8, 2023



ree

Wala nang perpektong koponan sa NBA at tinalo ng Minnesota Timberwolves ang Boston Celtics sa overtime, 114-109, kahapon sa Target Center. Dahil dito, naagaw ng World Champion Denver Nuggets ang pinakamataas na kartada sa bisa ng 134-116 tagumpay sa New Orleans Pelicans.

Bumida sa overtime si Anthony Edwards sa anim na magkasunod na puntos para sa matatag na 112-105 lamang at 1:30 sa orasan. Nagtapos si Edwards na may 38 habang may 20 si Jaden McDaniels kasama ang tres na nagtakda ng dagdag 5 minuto, 101-101.

Third quarter pa lang ay triple double si Nikola Jokic at nagtapos na may 35 puntos, 14 rebound at 12 assist. Umakyat ang Nuggets sa 7-1, kalahating laro ang lamang sa 6-1 Dallas Mavericks at isa sa 5-1 Boston at Philadelphia 76ers.

Pinatunayang muli ni Joel Embiid ng 76ers kung bakit siya ang MVP at bumanat ng 48 puntos at 11 rebound sa 30 minuto lang sa 146-128 tambak sa Washington Wizards. Wagi ang Mavs sa Orlando Magic, 117-102 sa 29 ni Luka Doncic.

Naabot ni Coach Rick Carlisle ang ika-900 tagumpay sa kanyang karera sa 152-111 pagbaon ng Indiana Pacers sa San Antonio Spurs sa likod ng 23 puntos ni Tyrese Haliburton. Nagkataon na nagawa niya ito kontra sa may pinakamarami na si Coach Gregg Popovich na may 1,369.

Kahit hindi pumuntos sa huling 3:50 ay nailusot pa ng Miami Heat ang 108-107 tagumpay sa Los Angeles Lakers. May pagkakataon ang Lakers subalit nagmintis si Cam Reddish sabay ubos ng oras. Halimaw si Bam Adebayo na nagtala ng 22 puntos, 20 rebound at 10 assist. Malayo pa kay #14 Coach Carlisle, ito ang ika-707 ni kabayan Coach Erik Spoelstra at tabla na siya kay Coach John McLeod sa #19 sa listahan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page