top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 4, 2023



ree

Mga laro ngayong Sabado – MOA

9 a.m. UE vs. AdU (W)

11:00 a.m. FEU vs. DLSU (W)

2:00 p.m. AdU vs. UST (M)

4:00 p.m. NU vs. ADMU (M)


Pipilitin ng Adamson University at defending champion Ateneo de Manila University na umalis sa laylayan at pumasok sa 86th UAAP Final 4 sa pagbabalik ng liga ngayong araw sa MOA Arena. Haharapin ng Soaring Falcons (4-5) ang kulelat na University of Santo Tomas (1-8) sa 2 p.m. at susundan agad ng salpukan ng Blue Eagles (4-5) at pumapangalawang National University (7-2).

Galing ang Adamson sa 63-54 panalo sa Far Eastern University noong nakaraang Linggo bago nagpahinga ang UAAP para sa Undas. Kailangan paghandaan nila ang mga nalalabing laro na wala si Jerom Lastimosa na nagtamo ng malaking pilay sa tuhod kaya panahon para angatin ang laro ng lahat lalo na at walang Falcon ang gumagawa ng mahigit 10 puntos bawat laro.

Matapos putulin ang kanilang 19 na magkasunod na talo buhat pa noong 85th UAAP, lumasap ng dalawang talo ang UST sa De La Salle University (69-100) at host University of the East (73-86). Kahit lumalabo ang pag-asa sa Final 4, tuloy pa rin ang laban ng Tigers sa pangunguna ni Nic Cabanero na numero uno sa puntusan ng UAAP na 19.4 bawat laro.

Para sa Ateneo, tumikim sila ng magkasunod na talo sa FEU (59-62) at University of the Philippines (60-65). Samantala, bubuksan ang araw ng labanan ng mga nasa ilalim ng Women’s Division na Adamson (2-7) at UE (0-9) sa 9:00 ng umaga. Kakalas sa kanilang tabla sa 3-6 ang isa sa FEU at DLSU at makahabol sa Final Four sa 11:00.


 
 

ni GA @Sports | November 3, 2023



ree

Mga laro sa Sabado

(Philsports Arena)

2:00 n.h. – Farm Fresh vs Cignal

4:00 n.h. – Gerflor vs PLDT

6:00 n.g. – Petro Gazz vs Chery Tiggo


Hindi ininda ng PLDT High Speed Hitters ang pagkatalo sa unang set upang sunod-sunod na rumatsada patungo sa 4th set panalo kontra NXLed Chameleons, 22-25, 25-17, 25-11, 25-20, kahapon sa unang sultada ng triple-header matches ng 6th Premier Volleyball League (PVL) 2nd All-Filipino Conference sa Santa Rosa Sports Complex sa Laguna.

Mahusay na pagmamando sa opensa ang ipinakita ni ace playmaker Rhea Dimaculangan upang dalhin sa ikatlong panalo ang Speed Hitters na nagpamahagi ng 20 excellent sets para pangunahan ang pagbibigay ng 67 atake na nakasosyo sa 3-1 kartada sa Chery Tiggo Crossovers sa third spot.

Mabilis lang kami nakapag-adjust kase first set slow start kami, [then] yung second set naka-revover kami at nakuha namin yung rhythm,” wika ng 32-anyos na Batanguena. “Nahirapan kami kase ang galing nilang dumepensa, kaya dumiskarte na lang kami and remain 'yung composure para makuha namin kung anong gagawin sa depensa at opensa. Importante kase bawat game kaya focus kaming maabot yung goal namin,” dagdag ng multiple titlist setter.

Bumida sa scoring si Filipino-Canadian Savannah Dawn Davison sa 21pts habang sumegunda si Erika Mae Santos sa 17pts. Rumehistro ng double-double sa opensa at depensa sina Honey Royse Tubino sa 13pts at floor defender Kath Arado sa 18 excellent digs na sunod na makakatapat ang Quezon City Gerflor Defenders sa Sabado.

Matapos magkulang sa first set ay kumarga ng husto sa opensa ang PLDT sa second at third set ng lumista ng 16 at 17 sa atake para makatakas sa pagbabanta ng NXLed higit na sa huling yugto ng 4th set na sinubukang humabol. Nagsilbing nag-iisang liwanag para sa NXLed si Lycha Ebon na bumira ng double digit sa 11pts.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 3, 2023



ree

Winakasan ng Philippine Women’s Football National Team ang kanilang kampanya patungong Paris 2024 Olympics sa 1-0 panalo kontra Iran Miyerkules sa Perth Rectangular Stadium ng Kanlurang Australia. Bitin ang tagumpay at hindi nakisama ang tadhana sa Filipinas matapos dumating ang resulta ng mga nalalabing laban.

Itinapik palayo ni Iran goalkeeper Zahra Khajavi ang bola patungo sa naghihintay na kapitana Tahnai Annis na hindi nag-aksaya ng panahon na malakas sipain ito pabalik para sa nag-iisang goal sa ika-19 minuto. Hindi nagawan ng solusyon ng Pilipinas ang mahigpit na depensa sa kanilang layunin na tambakan ang mga Iranian upang mabura ang epekto ng 0-8 talo sa host Australia noong Linggo.

Nakamit ng Australia ang isang tiket sa Round 3 matapos manaig sa Chinese-Taipei, 3-0, at maging numero uno sa Grupo A na may 9 na puntos at pangalawa ang mga Pinay na may anim. Lumaki ang pag-asa ng Filipinas nang magtabla ng 1-1 ang Timog Korea at Tsina at nagtapos na may 5 puntos lang ang mga Koreana sa Grupo B.

Dahil dito, nakasalalay ang tiket ng Filipinas sa huling laro ng torneo sa pagitan ng Uzbekistan at India sa Grupo C. Subalit madaling iniligpit ng mga Uzbek ang kalaban, 3-0, upang tumbasan ang anim na puntos ng mga Pinay at maagaw ang tiket dahil mas mataas ang kanilang kabuuang inilamang sa tatlong laro na +2 kumpara sa -4.

Ang Round 3 ay kabibilangan ng Australia, Japan, Hilagang Korea at Uzbekistan sa Pebrero, 2024. Magkakaroon ng dalawang hiwalay na serye na paramihan ng goal sa dalawang laro at ang dalawang magwawagi ay tutuloy sa Olympics.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page