top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 23, 2022



Kontaminado ng Escherichia Coli (E. coli) ang ilang pinagkukunan ng tubig sa Southern Leyte matapos ang pananalanta ng bagyong Odette, ayon sa Department of Health (DOH) Region 8.


Ang E. coli ay isang bacteria na matatagpuan sa dumi ng tao o hayop na maaaring magdulot ng pagtatae, pagsusuka, at pananakit ng tiyan.


Ang mga lugar na apektado ay ang bayan ng Sogod, Bontoc, Tomas Oppus, Malitbog, Padre Burgos, Macrohon, Liloan, San Ricardo, Libagon, St. Bernard, Hinundayan, at Anahawan.


Ayon sa report, 22 sa 69 samples na nakolekta para sa random sampling ang kontaminado ng naturang bacteria.


Karamihan sa mga pasyente ay 1-4 taong gulang na mga bata, 11-20 taong gulang, at ang ilan ay mga senior citizen.


Inabisuhan na ang mga kinauukulang local government unit officials at nagbigay na rin ang tanggapan ng logistics tulad ng mga jerry cans o lalagyan ng tubig.


Ayon sa mga health officials, posibleng sanhi ng pinsalang dulot ng bagyong Odette ang kontaminasyon. Nakita umano ng mga health officials ang posibilidad na pagpasok ng lupa sa mga water sources, pagtagas sa mga tubo, at iba pa.


Pinayuhan na ang mga residente tungkol sa proper hygiene sa pag-inom o sa paghahanda ng kanilang pagkain upang maiwasan ang posibleng pagkakasakit.

 
 

ni Lolet Abania | May 26, 2021



Isinailalim sa lockdown ang mga opisina ng munisipyo sa bayan ng Silago, Southern Leyte matapos na isang kawani nito ang nagpositibo sa COVID-19.


Sa inilabas na Executive Order No. 41 ni Mayor Pacita Almine, simula Mayo 25-28 ay isasara ang mga opisina ng munisipyo para sa disinfection habang nagsasagawa na ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng nasabing kawani.


Bukod sa Mayor’s Office, naka-lockdown din ang mga opisina ng Sangguniang Bayan, Treasurer, Civil Registrar, Assessor, Budget, Engineering, Accounting, Planning and Development, Social Welfare and Development, Agriculture, Environment and Natural Resources, Tourism Investment and Promotion, Human Resource and Management, Public Employment Service, Local Government Operations/DILG, Local COMELEC.


Pinayuhan din ang mga empleyado na manatili na lamang sa kanilang bahay at iwasan ang lumabas upang hindi mahawahan ng nakamamatay na sakit.


Gayunman, ayon kay Almine, mananatiling bukas ang mga opisina ng Rural Health Unit (RHU), Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at Municipal Task Force (MTF).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page