top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | December 23, 2023


Pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang P5.768 trilyong national budget para sa taong 2024 – pondo na mas mataas ng higit 9 na porsyento nang nakaraang taon.


Ano nga ba ang ikinakatawan ng national budget?


Sa mga unang taon ng ating Republika, kung kailan ang taunang budget ng Pilipinas ay humigit-kumulang P10 milyon lamang, ang pera ay inilalagay lang sa duffel bags at ibinibiyahe sa mga tren para dalhin sa mga dapat tumanggap ng pondo. Malayung-malayo sa kung paano ito naipadadala sa mga ahensya ng gobyerno sa kasalukuyan. 


Ngayon, ang alokasyon ng bawat government agency ay naida-download sa kani-kanilang tanggapan electronically. Hindi na kailangang bumiyahe pa, dahil sa totoo lang, sa mga panahong ‘to, kahit iilang libong piso lang ang bitbit natin sa bulsa, nakaka-praning nang mag-commute dahil alam n’yo na ang panahon.


At kahit nagbago na ang sistema ng alokasyon, ang masinsinang pagsusuri sa pondo ay nananatili. Mula noon, hanggang ngayon, talagang dumaraan sa butas ng karayom ang pag-apruba sa national budget.


Ano nga ba ang ipinagkaiba ng national budget noon at ng national budget ngayon.


Liban sa halaga, halos wala naman --- dahil kung noon ay para sa progreso ng bansa at ng mamamayan ang layunin ng pambansang pondo, ganu’n pa rin naman hanggang ngayon. Napakalaking tulong naman talaga ng pagpopondo hindi lang para sa iisang bagay, kundi para sa ekonomiya ng Pilipinas. 


Anu-ano ba ang mahahalagang aspeto na dapat pondohan? Nangunguna na r’yan ang edukasyon, kalusugan, imprastraktura, seguridad sa pagkain at marami pang iba.


Sa 2024 national budget, naglaan ang dalawang sangay ng Kongreso ng mahigit P900 bilyon para sa edukasyon. Napakaraming hamon ang kinakaharap ng sektor ng edukasyon at upang matulungan ito sa patuloy na pagbangon, kailangan ang nauukol na pondo.


Sa imprastraktura, naglaan tayo ng napakalaking pondo para naman masiguro ang kaligtasan ng ating mga kalsada, tulay, mga riles. Hindi lang naman kasi ito para sa mga motorista o pedestrian, malaking bagay rin ang mga imprastrakturang ito sa transportasyon ng mahahalagang produkto or basic goods and services.


May alokasyon din na P221.659 bilyon para sa agrikultura. Ibig sabihin, mas tumaas ito ng 27.7 percent sa 2023 budget na inilaan sa Department of Agriculture at sa attached agencies nito. Mahalagang mapondohan ang sektor na ito dahil alam naman natin na ilang beses nang inabot ng krisis ang naturang sektor. 


Ang budget ay para matugunan ang problema natin sa mga pagkaing abot-kaya, at para matulungan ang mismong mga taong nagtatrabaho para mapakain ang sambayanang Pilipino – ang mga magsasaka, mga mangingisda at iba pang mga kababayan nating nagtataguyod sa seguridad ng ating pagkain.


At kahit kailan, laging kasama sa mga nangungunang ahensya ng gobyerno na tumatanggap ng malaking pondo ang sektor pangkalusugan sa pangunguna sa Department of Health. Higit P300 bilyong pondo ang inilaan sa departamento na nakatuon hindi lang para sa mga paggamot sa mga may karamdaman kundi para matiyak na wala sa ating mga kababayan ang daranas ng matinding pagkakasakit – para maiwasang gumastos nang malaki sa pagpapaospital ang mga pamilya na talaga namang isang bagay na nagiging dahilan ng ating paghihirap.


Halos 20 porsyento naman sa kabuuang pondo ang inilagak sa mga rehiyon, lalawigan, lungsod at munisipalidad para matulungan sila sa kanilang pagpapaunlad sa kani-kanilang komunidad.


At para masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa bawat lugar, at sa mismong pamamahay ng ating mga kababayan, at para sa kaligtasan ng mamamayan, may dagdag alokasyon din ang mga departamentong nakapokus sa usaping peace and order – nar’yan ang PNP, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at iba pang uniformed personnel.


At base na rin sa iniatas ni Senate President Migz Zubiri, may pondo rin para sa Department of National Defense at sa attached agencies nito kabilang na ang Armed Forces of the Philippines, na umaabot sa mahigit P238 bilyon. Pangunahing layunin nito na mas mapaigting ang pagbabantay sa ating mga teritoryo at mapangalagaan ang soberanya ng Pilipinas.


Malaking bahagi rin ng pondo ang inilaan sa pagtugon sa mga problemang dala ng iba’t ibang kalamidad tulad ng pagbaha, disasters at iba pang mga kalunus-lunos na trahedya. Kaukulang P21 bilyon ang inilaan para sa NDRRM fund o calamity fund.  


Ang national budget, para sa kaalaman ng lahat ay hindi lang piraso ng papel na pinipirmahan ng ating mga opisyal, partikular ng ating Pangulo. Ito ay isang manifesto na nagbibigay halaga sa kapakanan ng mamamayan at nang buong bansa. Sa ilalim ng administrasyong Marcos, napakaraming dapat na tuparing pangako at sa pamamagitan ng annual budget, sisikaping maisakatuparan ito para masigurong matupad ang pangarap nating umunlad at umalagwa. 

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | December 9, 2023


Pasado na rin sa Mababang Kapulungan ang kanilang bersyon ng Tatak Pinoy bill, na una nang ipinasa ng Senado kamakailan. 

 

Ang panukalang batas na ito na ating isinusulong, na inihain natin noon pang 2019, ay isa sa mga talagang pinaghirapan ng inyong lingkod dahil sa kagustuhan nating matulungan ang sarili nating mga industriya, gayundin ang mga negosyanteng Pinoy.


Gusto nating mapalakas sila, maging competitive hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat. Pangunahin nating bisyon sa paghahain natin ng panukalang ito ay makalikha ng magandang trabaho at dito na lamang makakuha ng disenteng ikabubuhay ang mga kababayan natin at huwag nang mangibang-bansa.

 

Naging basehan natin sa paghahain ng Tatak Pinoy (Proudly Filipino) bill ang Atlas of Economic Complexity nina Drs. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Cesar Hidalgo na dating propesor sa Massachusetts Institute of Technology, at ngayo’y nasa University of Toulouse sa France.

 

Sa kanilang pag-aanalisa sa estado ng ekonomiya, napagtanto nila na napakalaking bagay para sa pag-unlad ng isang bansa ang kakayahan nitong makalikha ng mas diversified at mas sopistikadong mga produkto.

 

Sa unang tingin, iisipin nating ang Tatak Pinoy ay isang estratehiyang nakatutok lang sa eksportasyon. Ito ay dahil binibigyang halaga nito ang paglilinang sa mga produktong Pinoy upang maging globally competitive – o magkaroon ng kakayahan ang mga produkto nating makipagsabayan sa mga foreign products. 

 

Subalit, kung iintindihin nating mabuti, ang ating panukala ay nakasentro sa kung paano natin mas mapalalakas ang Pinoy products na sa kalaunan ay buong Pilipinas ang magtatamasa ng tagumpay.

 

 Inihain natin ito para mapag-aralan kung paano nga bang napalalakas ng iba’t ibang bansa ang kanilang mga produkto at kung paano nilang “nailalako” ang mga ito sa pandaigdigang merkado.

 

Ito ang isa sa mga pangunahing layunin ng ating panukalang batas – maging isa sa mga malalakas na produkto sa global market ang Pinoy products.

 

Sa kasagsagan ng ating pagdinig sa Senado tungkol sa Tatak Pinoy bill, isiniwalat ni Department of Migrant Workers Director Francisco “Jun” Santiago ang mga naging karanasan niya bilang OFW sa loob ng 13 taon. Inilabas niya ang lahat ng kanyang lungkot sa kanyang mga karanasan.

 

Sabi niya, bakit daw nagagawang maging pamoso o sabihin na nating nakakagawa ng ‘marka’ ang mga Pinoy sa mga pinapasukan nilang industriya sa ibayong dagat, pero hindi sila kinikilala sa mismong bansa nila rito sa Pilipinas? Bakit hindi raw nila madala rito sa bansa natin kung ano ang narating nila sa bansang pinagtrabahuhan nila? Kung doon nga raw ay nakagawa sila ng pangalan, bakit dito, kapag papasok sila ng trabaho ay napakaraming hinihingi tulad ng sertipikasyon at license. 

 

Sa Middle East aniya, kung saan siya nagtrabaho ng maraming taon, napakaraming Pinoy ang namamasukan sa construction sites. At doon, mataas ang tingin sa mga kababayan dahil sa kanilang galing. At marami roon ang kumukuha sa serbisyong Pinoy. Pero ‘pag dito raw hahanap ng mapapasukan ang mga Pilipinong ito na “puring-puri” sa abroad, hirap na hirap makakuha ng trabaho.

 

Ang gustong ipunto rito ni Director Santiago, kung mataas ang tingin ng ibang bansa sa expertise ng mga Pinoy, dapat nga, sila ang gawing “asset” ng Pilipinas pagdating sa larangan ng kani-kanilang industriya. Bakit nga kailangang pahirapan ang bigyan sila ng trabaho kapag narito na sila sa mismong bansa nila? At dahil malaki ang ambag ng mga Pinoy sa pag-unlad ng industriya sa mga bansang pinasukan nila, bakit hindi natin sila bigyan ng pagkakataon na industriya naman natin ang paunlarin nila? 

 

Hindi naman pupuwedeng sila lang ang pauunlarin ng mga kababayan natin. Dapat, mas mauna tayo. At ‘yan din naman ang gusto nila. Ang mga lokal na industriya lang ang parang nagiging problema sa sistemang ito dahil hindi nila binibigyang pagkakataon ang Filipino professionals na nagpaunlad sa industriya ng ibang bansa.

 

Kaugnay nito, kamakailan lang ay nagpahayag ang Department of Trade and Industry ng kanilang partnership with the Hasso Plattner Institute School of Design Thinking. Ito ay may kinalaman sa planong pagtatatag ng Design Thinking Academy + Policy Lab para sa isang innovation-driven governance. Dahil napakabilis ng takbo ng innovation sa mundo, dapat nakakahabol tayo, at isa ito sa mga epektibong paraan. Ang HPI School of Design Thinking ay isang European hub for design thinking education kung saan nagsisilbing propesor si Professor Ulrich Weinberg na narito ngayon sa bansa.


Dumating si Prof Weinberg para sa ceremonial signing ng declaration of support sa Design Center of the Philippines.

 

At alinsunod sa mga hakbanging makakuha ng iba’t ibang kaalaman sa labas ng bansa, naghain tayo ng panukalang batas sa Senado, ang Senate Bill 1614 o ang Pensionado Act. Layunin natin dito na matulungan ang mga employed or self-employed, exceptionally-abled at lahat ng Pinoy na kumuha ng advanced studies na may kinalaman sa science, technology o iba pang larangan ng karunungan. Gusto nating maging bahagi sila ng ‘brain gain’ na makatutulong nang malaki sa pangarap nating pag-unlad.

 

Ganito rin ang gusto nating matupad sa pagsusulong natin sa Tatak Pinoy – ang mapalawak at mas maging produktibo ang ekonomiya ng Pilipinas.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | November 18, 2023


Ang koneksyon ng isang ina at ng kanyang anak ay nagsisimula sa pagbubuntis pa lamang hanggang sa buong buhay ng kanyang supling.


Kaya’t nararapat lang na ang koneksyong ito ay magkaroon ng magandang simula at kabuuan.


Limang taon na ang nakalilipas mula nang maisabatas ang Republic Act 11148 o ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-nanay Act. Unang isinulong bilang First 1,000 Days Act, layunin ng batas na ito na tutukan ang iba’t ibang usapin na may kinalaman sa kalusugan ng bagong silang na sanggol at ng kanyang ina, lalo na ang mga nagmula sa mahihirap na pamilya. Sila, sa katotohanan ang mga nagdurusa sa malnutrisyon dahil nga sa kahirapan. At dahil kulang sa nutrisyon ang kanilang pagbubuntis, kadalasan, naaapektuhan din ang kalusugan ng sanggol sa sinapupunan, na dadalhin ng bata hanggang sa kanyang paglabas at paglaki dahil hindi nga naresolba ang nutritional problems nito.


Matagal nang idineklara ng mga ekspertong pangkalusugan na ang pinakamahalagang yugto sa buhay ng isang sanggol ay ang kanyang unang 1,000 araw – mula pagbubuntis hanggang sa ikalawang taon ng kanyang buhay.


Sa pamamagitan ng RA 11148, nabigyang pansin ang pagbibigay importansya sa problemang ito at pinalawak ang nutrition intervention programs para sa first 1,000 days ng isang bata. Naglaan ang gobyerno ng pondo para labanan ang malnutrisyon, hindi lang sa mga bagong silang na sanggol, kundi sa mga batang nagdadalaga, mga buntis, at ng mga inang nagpapasuso para masiguro ang kanyang kalusugan at ng kanyang sanggol habang ito ay nasa sinapupunan pa.


Liban sa RA 11148, nar’yan din ang RA 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino na nagpapatupad sa national feeding program para sa mga batang undernourished at may gulang na tatlo hanggang 12. Ang mga batang ito ay mula sa mga public daycare centers at elementary schools, kung saan talamak ang malnutrisyon dahil sa kahirapan.


Malaking balakid sa development ng isang bata ang kakulangan sa tamang nutrisyon, sapagkat apektado rito ang progreso ng kanyang isip, at ng kanyang pangangatawan.


Madalas ding magkasakit ang mga batang ito at kadalasan ay dinadapuan ng mas malulubhang karamdaman dahil sa napakahinang immune system. Sa kanilang pagtanda, ayon sa UNICEF, ang mga stunted children o mga batang undernourished ay kadalasang napupunta sa mga trabahong mababa lang ang suweldo, kumpara sa mga kasing edad nila na kumikita nang maayos.


Mababatid na sa ilalim ng kasalukuyang national budget, kabuuang P99.31 milyon ang inilaan ng gobyerno sa National Nutrition Council (NNC) ng DOH para sa pagpapatupad ng RA 11148.


Ngayong darating na taong 2024, pinagsisikapan ng pinamumunuan nating komite, ang Senate Committee on Finance na mas mapataas ang proposed budget ng nasabing ahensya upang masiguro na mas matututukan nito ang mga programang sisiguro sa proper nourishment ng isang ina at ng kanyang anak.


Matatandaan na kamakailan lamang ay inilunsad ng NNC ang kanilang Philippine Plan Action for Nutrition o PPAN 2023-2028, isang strategic, multi-sectoral, multi-level and directional plan na lulutas sa lahat ng uri ng malnutrisyon sa bansa.


Sa taong 2028, nilalayon ng PPAN na mapababa nang tuluyan ang bilang ng mga low birth weight sa mga bagong silang na sanggol, gayundin ang bilang ng mga stunted children under 5 years old, wasted children under 5, overweight children under 5 at ang Vitamin A deficiency sa mga batang may gulang na anim na buwan hanggang limang taon.


Bilang chairman ng Senate on Committee on Finance, sisikapin nating suportahan ang lahat ng aksyon na kung hindi man tatapos ay magpapababa sa antas ng malnutrisyon sa bansa.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page