top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 20, 2024


Mula nang maupo tayong chairman ng Senate Committee on Finance noong 2019, talagang naging masigasig na tayo sa pagsusulong ng iba’t ibang programa na alam naman nating magiging kapaki-pakinabang sa lahat ng Pilipino. At kabilang sa mga itinutulak natin ay repormang pangkalusugan.


Naging isa sa talagang pinuntirya natin ang pagkakaroon natin ng quality health care na makatutulong nang malaki sa ating mga kababayang salat sa buhay. Isa ito sa talagang dapat na pinagsisikapan ng gobyerno.


Taun-taon, tuwing tayo ay nahaharap sa pagdinig ng national budget, laging nariyan ang pagsusumamo ng ating mga kababayang mas mapalakas ang mga programang pangkalusugan --- nariyan ang mga kahilingang magkaroon ng mas modernong pasilidad sa mga pagamutan at ang pagkakaroon ng specialized care centers.


Mayroon tayong mga specialty hospital tulad ng Lung Center, Heart Center, at ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI). Ito ‘yung mga ospital na takbuhan natin para sa mga karamdamang naglalagay sa atin sa bingit ng kapahamakan dahil sa malulubha nating karamdaman.


Bilang isa sa mga nagsulong ng Universal Health Care Law, siniguro nating makapagkakaloob tayo ng abot-kaya kung ‘di man libreng medical care para sa lahat.


Kaya nga’t tuwing diringgin sa Senado ang pambansang budget, tinitiyak nating may kaukulang pondo para sa usaping pangkalusugan.


Sa ilalim ng 2024 national budget, mas pinaigting natin ang suporta sa Lung Center of the Philippines sa pamamagitan ng dagdag-pondo para naman matulungan natin sila sa layunin nilang maging kauna-unahang ospital sa bansa na makakapag-perform ng human lung transplant.


Mababatid natin na kilala ang Lung Center bilang natatanging ospital na nakagamot na sa napakaraming pasyente na may lung cancer. Magaling ang kanilang diagnosis, at marami nang napagtagumpayang operasyon, chemotherapy at radiotherapy, kabilang na rin ang endobronchial brachytherapy.


Sa ginawa nating pag-augment sa pondo ng Lung Center, nais lang nating iparating na tayo ay nakikiisa sa kanilang mga layuning maging mas episyente sa kanilang commitment sa publiko, tulad ng early disease detection. Ang maagap na deteksyon ng sakit ay isang paraan upang mailigtas ang buhay. Sa early detection kasi, maaaring sumailalim agad sa kinakailangang operasyon ang pasyente na susundan na ng radiotherapy o kaya naman ay chemotherapy.


Tungkol naman sa isa pang nakamamatay na karamdaman – ang chronic kidney disease, ang mga pasyenteng dumaranas ng karamdamang ito ay panghabambuhay nang sumasailalim sa hemodialysis treatments. Masuwerte na lamang kung makakakuha sila ng kidney transplant. At dahil alam nating napakarami ring pasyente na may suliranin sa kidney ang nagtutungo sa NKTI, siniguro rin natin na may dagdag na pondo ang institusyon sa ilalim ng 2024 budget.  


At para mas marami pang pasyente ang matulungan ng NKTI, tinaasan din natin ang alokasyon para sa mga medical assistance para sa mga pinakamahihirap nating kababayan. Pinondohan din natin ang pagsasaayos ng mga lumang silid at clinics sa NKTI. Pinondohan din natin, base na rin sa kanilang request na magkaroon sila ng peritoneal dialysis warehouse para sa kanilang simulation and skills laboratory training center. Magsisilbi itong training laboratory para sa pagsasagawa ng peritoneal dialysis.


Para naman sa Heart Center o PHC na kinikilala bilang pangunahing cardiovascular care center sa bansa, tinulungan natin sila sa kanilang pag-upgrade at magkaroon ng digital cardiac MRI na hindi lamang makapag-a-accommodate ng mas maraming pasyente kundi  mas magiging accurate pa ang kanilang diagnosis sa mga ito. At dahil sa mahusay na diagnosis, malalaman kung kinakailangan ng surgical procedure.


Nagkaloob din tayo ng pondo para pambili nila ng dalawang bagong kagamitan tulad ng heart lung machines at isang cardiac telemetry monitoring system.  


Hindi rito natatapos ang pangangailangan ng ating health facilities. Sa pagdaan ng panahon, kinakailangang makasabay din sila sa mga makabagong sistemang medikal kaya’t nararapat lamang na gawin din ng gobyerno ang lahat ng magagawa nitong tulong sa ating mga pasilidad pangkalusugan. Ito ay isang obligasyon ng gobyerno na dapat natututukan.


Ito ay para rin sa kapakanan ng mamamayan lalo na ang mga kababayan nating walang-wala na nangangailangan ng tulong sa iba’t ibang aspeto ng buhay tulad ng kalusugan. 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 14, 2024


Parang itinulog lang natin saglit, biruin n’yo nangalahati na agad ang buwan ng Enero. Napakabilis ‘di ba? 


Parang kani-kanina lang na nagdedekorasyon ang ating maybahay para sa Pasko, heto at pati Three Kings, tapos na rin pala. Napakabilis talaga.


At napag-uusapan na rin lang natin ang 2023 – hayaan n’yo na pagnilayan natin dito sa kolum ang mga kaganapan sa Senado at Kamara nu’ng nakaraang taon.


Sa ating punto de vista, masasabi nating naging produktibo ang dalawang sangay ng Kongreso pagdating sa paglikha at pagpasa ng mga mahahalagang batas. Lahat nang ‘yan, isinulong at pinaghirapan ng inyong mga kongresista at senador para sa kapakanan ng bansa at ng mamamayan. Ang pagkakaisang ito ng Kamara at Senado ay pagbibigay suporta sa ehekutibo sa mga layunin nitong makapagbigay ng maayos na serbisyo sa publiko.  


Narito ang ilan sa mahahalagang batas na naipasa ng Kongreso at pinagtibay ng Pangulo nitong nakaraang taon:


Nangunguna ang 2024 General Appropriations Act, o ang P5.768 trilyong national budget para ngayong taon. Isa sa layunin ng batas na ito ang maabot ang target ng administrasyong Marcos sa pagsasakatuparan ng Philippine Development Plan 2023-2028 – ang sisiguro sa kalusugan ng ekonomiya. Bilang chairman ng Senate Committee on Finance, nakasentro tayo sa government spending sa mahahalagang sektor ng lipunan tulad ng kalusugan, edukasyon at imprastraktura.


Malaki ang pagpapahalaga natin sa kalusugan – patunay ang pagsasabatas ng Regional Specialty Centers Act o ang RA 11959 na napagtibay noong Agosto 2023. Binibigyang-diin ng batas na ito ang kapakanan ng mga kababayan natin sa malalayong lugar o probinsya na kailangan pang bumiyahe papuntang siyudad upang makapagpasuri sa mga doktor o health experts. Dagdag-pahirap na nga sa kanilang nararanasang karamdaman, dagdag-pahirap din sa bulsa dahil kailangan pa nilang mamasahe at sagutin din ang pamasahe o pagkain ng kanilang kasama na aagapay sa kanila sa ospital.


At para mas makaakit tayo ng investments at makapasok ang mas marami pang negosyo sa bansa, inaprubahan din ng dalawang sangay ng Kongreso ang Public-Private Partnership (PPP) Code of the Philippines o ang kilala ngayon bilang RA 11966.


Sagot ng batas na ito ang mga pangangailangan ng mga potential investors na papasok ng ‘Pinas tulad ng malinaw na legal framework na kanilang masasandigan sa pag-i-invest sa bansa. Makatutulong din nang malaki sa ganitong usapin ang developed at maaasahang imprastraktura dahil pangunahing pinakamahalaga sa kalakalan ang maayos na imprastraktura ng isang bansa.


At para sa ating caregivers, awtor din tayo ng RA 11965 o ang Caregivers’ Welfare Act na gumagarantiya sa mga benepisyo at karapatan ng ating magigiting na caregivers.


Layunin ng batas na ito na mapangalagaan sila laban sa anumang uri ng pang-aabuso mula sa kanilang employer, ang RA 11962 o ang Trabaho Para sa Bayan Act na masasandalan ng ating mga kababayan sa paghahanap ng trabaho – matutulungan sila ng batas sa kanilang upskilling at reskilling upang mas maging malawak ang kanilang job opportunities.


Nar’yan din ang RA 11958 o ang Rationalization of the Disability Pension of Veterans, na naglalayong taasan ang disability pension ng ating military veterans at ng kani-kanilang dependents. Tayo ay naging co-author at co-sponsor ng batas na ito na talaga namang napakatagal na dapat napagtibay bilang pagkilala naman sa ating mga beteranong inilagay o inialay ang buhay sa panahon ng digmaan.


Para naman sa ating mga magsasaka na benepisyaryo ng agrarian reform program, naging co-author ang inyong lingkod ng RA 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act. Pangunahing kakayahan ng batas ang matulungang makaalpas sa utang ang mga magsasaka mula sa mga lupang iginawad sa kanila. Sa batas na ito, burado lahat maging ang mga interest, penalties at surcharges ng kanilang utang.


At siyempre, pinakamahalaga para sa inyong lingkod ang pagkakapasa ng ating pet bill – ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) bill na pareho nang lusot sa Kamara at sa Senado.


Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay pagtitibayin ito ng ating Pangulo.


Layunin natin sa pagsusulong ng panukalang ito na makilala ang mga produktong Pinoy hindi lang sa ating bansa kundi maging sa ibayong dagat at sa iba’t ibang panig ng globa. Kung magagawa natin ito, tiyak na makalilikha tayo ng  maraming trabaho, mas lalakas ang ating ekonomiya at tiyak na may pagkakakitaan ang bawat Pinoy. May malaki ring posibilidad na sa pamamagitan ng batas na ito, dahil magkakaroon tayo ng available jobs, hindi na kailangan pang mag-abroad ng mga Pinoy.


Ngayong taon, umaasa tayo na mas marami pang batas ang ating malilikha bilang suporta sa development agenda ng pamahalaan na nakasentro sa benepisyo ng bansa at ng mamamayang Pilipino.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | December 30, 2023


Taun-taon, tuwing binubusisi ng dalawang sangay ng Kongreso (Senado at Kamara) ang pambansang budget, hindi nawawala sa listahan ng pagkakalooban ng malaking pondo ang sektor ng edukasyon. 


Hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat ang napakalaking pangangailangan ng sektor na ito, lalo na’t nagbubunga naman kadalasan ang pagsisikap nating mapaunlad ang sistema ng Philippine education kapag nagtatagumpay sa iba’t ibang larangan ang ating mga mag-aaral. 


Katunayan, sa ilalim ng 2024 national budget, naglaan tayo ng halos P980 bilyon sa education sector, mula sa P895 pondo nito ngayong 2023.


Bagaman higit P924 bilyon lamang ang proposisyon ng Pangulo para sa pondo ng naturang sektor, nagkaisa naman tayo sa Senado, sa pangunguna ng ating komite, ang Senate Committee on Finance na mas mapataas ang alokasyon. Basehan natin sa desisyong ito ang nakalulungkot na resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment o PISA, kung saan sadsad ang katayuan ng Pilipinas.


Nabatid na sa pinakahuling PISA result, lima hanggang anim na taong huli sa learning competencies ang mga estudyanteng Pinoy. Ibig sabihin, ang ating edukasyon, kumpara sa kontemporaryo ng mga mag-aaral na sumailalim sa pag-aaral, ay talagang hindi nakahahabol sa modernisado at advance learning.


Sa naturang resulta, umiskor lamang ng 120 points, o mas mababa pa sa average scores ang nakuha ng mga batang Pinoy na inilahok, partikular sa mga asignaturang Math, Reading at Science. Kung ano ang estado natin sa kauna-unahan nating paglahok sa PISA noong 2018, ganu’n pa rin ang estado natin hanggang sa kasalukuyan. Walang pinagbago – walang pag-unlad.


Marami sa ating mga kasamahan sa Senado ang masugid na nagsusulong sa repormang pang-edukasyon. Nar’yan sina Senator Sherwin Gatchalian na chairman ng Senate Committee on Basic Education; Senator Chiz Escudero, chairman ng Committee on Higher, Technical and Vocational Education; Senator Pia Cayetano vice chairperson ng ating Finance Committee; ang ating Majority Leader na si Senator Joel Villanueva na kilala bilang “Tesdaman” dahil sa ilang taon ding epektibong pamumuno sa TESDA; at siyempre, ang inyong lingkod na tulad ng ating yumaong ama ay talaga namang masugid ding nagsusulong sa educational reform. 


Kami ng ating mga nabanggit na kasamahan sa Senado ay pawang miyembro ng bagong EDCOM o itong Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 na naglalayong busisiin, pag-aralan ang mga problema ng ating sektor pang-edukasyon at resolbahin ang mga suliraning ito na nagiging dahilan ng krisis sa Philippine education.


Sabi nga natin kani-kanina, ang pagmamahal natin sa edukasyon, ay minana natin sa ating yumaong ama na si dating Senate President Ed Angara na siyang dating pinuno ng orihinal na EDCOM noong 1991. Kabilang sa mahahalagang report mula sa unang EDCOM ang “trifocalization” ng ating education system, kung saan ang Department of Education ang siyang nakatutok sa basic education, habang ang Commission on Higher Education o CHED naman ang nakatutok sa higher education, at ang TESDA para sa technical and vocational education and training o TVET.


Sa EDCOM 2, muli nating nire-reevaluate ang Philippine education system, lalo na ang performance ng mga mag-aaral sa PISA. Sa mga lumalabas na resulta, mas nagkaroon tayo ng determinasyon na makapag-invest sa edukasyon at sa iba’t ibang  programang nagpapalakas dito para sa mga susunod na taon, makita natin ang progreso sa sektor na ito.


Dinagdagan din natin ang pondo para sa Human Resource Development Program ng Department of Education upang matulungan ang ating mga school and learning center personnel; teacher school leader training para sa bagong MATATAG curriculum; ang teaching overload pay; special hardship allowances para sa mga guro; P5,000 cash allowance para sa teachers o mas kilala bilang “chalk allowance”; child protection program; learner support program, lalo na para sa kanilang mental health at sa school-based feeding programs.


Ilan lamang ang mga programang ito sa ilalim ng 2024 GAA na inilaan sa pagpapalakas sa sistemang pang-edukasyon ng bansa. Umaasa tayo na sa pamamagitan ng EDCOM 2 at ng mas pinataas na pondo para sa sektor, ay umani ito ng tagumpay sa mga darating na araw.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page