top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | September 9, 2023


Nitong nakaraang linggo lang, tinapos na ng ating pinamumunuang komite, ang Senate Committee on Finance ang deliberasyon sa isinusulong nating Senate Bill 2426 o mas kilala bilang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act.


Sa nakalipas na pitong pagdinig at limang technical working group meetings kaugnay sa panukala nating ito, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng structural transformation dito sa ating bansa.


Importante ito kung talagang seryoso tayo na maisakatuparan ang mga mithiin ng gobyerno at ang 8-point agenda ng administrasyong Marcos.


Malaki ang paniwala natin na napapanahon ang pagsasabatas ng Tatak Pinoy bill lalo pa’t aktibo ang gobyernong ito sa pangunguna ni Pangulong Marcos sa pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor, na may mahalagang papel sa implementasyon nito, sakaling tuluyan itong maisabatas.


Sa kabuuan kasi ng mga ginawa nating pagdinig at pagpupulong, pinakamalaking bilang ng mga naging resource persons natin ang nagmula sa pribadong sektor, sa iba’t ibang industriya, sa creative sector, manufacturing, tourism, MSMEs, culture, heritage and gastronomy at mula sa sektor ng agrikultura. Dumalo sila upang magbigay ng kanilang mga rekomendasyon at posisyon sa Tatak Pinoy bill at para mapalawak na rin ang kanilang kaalaman ukol sa kahalagahan ng nasabing panukalang batas.


Layunin natin sa pagsusulong ng Tatak Pinoy na mas makapaghikayat, sumuporta at mai-promote ang produksyon ng mga dekalidad at sopistikadong produktong Pinoy na maaaring isabak sa pandaigdigang kompetisyon ng mga naglalakihang produkto o serbisyo.


Matagal na nating adbokasiya na mapalakas ang mga produktong Pinoy, at katunayan nga, maging sa Bayanihan to Recover as One Act, naipasok na natin ang layunin nating ito. Partikular sa isang probisyon nito, nakalahad ang pagbibigay importansya sa mga lokal na produksyon ng PPEs, credit assistance, loan programs para sa MSMEs at marami pang iba.


Umaasa tayo na magsisilbing unifying measure sa pagitan ng government at private stakeholders ang Tatak Pinoy bill para naman maging posible ang pangarap nating makapag-produce nang mas dekalidad and more complex products and services. Sa pamamagitan ng mga ganitong produkto, tiyak na mas malaking kita ng mga Pinoy.


Saan nga ba natin nakuha ang inspirasyon ng ating Tatak Pinoy bill? Ito ay dahil sa naging research o pananaliksik ng mga ekonomistang sina Ricardo Hausmann at Cesar Hidalgo – ang Economic Complexity.


Ayon sa kanila, mas mapalalakas ang ekonomiya ng isang bansa kung aktibo ito sa produksyon ng mga sophisticated at complex products. At sa paggamit nila ng malalaking data analysis at creative visualizations para makalkula ang economic complexity ng isang bansa, napunto nila kung alin-aling bansa ang nangunguna sa economic complexity index o ECI. Una sa listahan ang Japan kasunod ang Switzerland na sinundan naman ng Chinese Taipei, South Korea at Germany. At base pa rin sa index na ito, nasa ika-33 puwesto lamang ang Pilipinas. Pero hindi ibig sabihin na “balagoong” tayo pagdating sa ganitong usapan. Sabihin nang mababa, pero makikitang lumalaban at posibleng umabot din sa mas mataas kesa sa kasalukuyang ranggo.


Kaya ang pinaka-sentro ng panukala natin ay atasan ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng isang Tatak Pinoy Council na makipag-ugnayan sa pribadong sektor, para matukoy nila ang mga paraan kung paanong mas mapalalakas ang mga Filipino enterprises na makapag-produce ng mas dekalidad na produkto na maaaring isabak sa global competition. Makakatulong na ito sa ating job creation, mas kikita pa ang ating bansa.


Muli, nagpapasalamat tayo kay Pangulong Marcos dahil isinama niya ang ating Tatak Pinoy bill sa priority measures ng kanyang administrasyon. Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon, tuluyan na itong magiging ganap na batas.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | September 2, 2023


Magandang balita para sa mga kababayan nating may malulubhang karamdaman at nakatira sa malalayong bayan o probinsya. Pinirmahan na kasi ni Pangulong Bongbong Marcos ang isang panukalang batas na naglalayong magtatag ng specialty health centers sa mga kanayunan – ang Republic Act 11959 o ang Regional Specialty Centers Act. At ang inyong lingkod, isa sa mga author ng batas na ito.


Nagpapasalamat tayo sa Pangulo sa kanyang pagpirma sa batas na ito, dahil napakalaking tulong nito sa mga mamamayang hirap na hirap makakuha ng mahahalagang healthcare dahil sa napakalayo ng kanilang kinaroroonan sa mga specialty hospitals.


Ano ba ang mga specialty hospitals na ito? Kasama r’yan ang Heart Center, Lung Center, Kidney Institute at ang Children’s Medical Center o PCMC.


Ngayong isinabatas na ito ng Pangulo, libre o murang gamutan na ang lalapit sa tao at hindi na sila kailangan pang lumuwas sa lungsod at mamasahe ng napakaraming kasama sa kanilang pagpapagamot o pagpapa-check up.


Nang i-file natin ang ating sariling bersyon kaugnay sa batas na ito noong 2022, isa sa mga naging basehan natin ang isang ulat mula sa University of the Philippines National Health Institute.


Sabi kasi sa report, 6 sa kabuuang 10 Pinoy ang namamatay sa kanilang karamdaman nang hindi man lang nakapagpasuri o nakapagpatingin sa doktor. Ang pinakamatinding dahilan --- kawalan ng perang panggastos.


Sa totoo lang, ang mga kababayan nating mahihirap, mas gagastusan ang pagkain kaysa gamot o pagpapadoktor. Dito nangyayari ang paglala ng kanilang karamdaman na nauuwi sa pagkasawi dahil hindi nga sila nakapagpasuri sa mga dalubhasa. Isa pa, napaka-inconvenient din sa mga kababayan natin sa malalayong probinsya o nayon na bumiyahe pa pa-Maynila o papunta sa kani-kanilang kabisera para makapagpagamot.


Napakahaba ng biyahe at kailangang isama rin ng pasyente sa pamasahe ang mga aagapay sa kanya sa kanyang pagpapaospital. Karamihan ng mga pasyenteng ito, kidney patients o mga batang may sakit o mga kaso ng pediatric diseases.


Nakakalungkot na gustuhin man ng mga kababayan natin na makapagpagamot at gumaling sa matinding karamdaman, hadlang naman ang kahirapan. Sa pamasahe pa lang kasi, ubos na ang pera nilang naitatabi. Paano pa ang pagkain nila sa kanilang paghimpil sa lungsod?


Mas pinipili kasi nila ang government o public hospitals dahil wala naman din silang panggastos sa mga pribadong ospital. Kaya, napakalaking bagay itong batas na ito. Malaking kaginhawahan sa mga kababayan natin.


Sa ilalim ng batas na ito, inaatasan ang Department of Health na magtatag ng specialty centers sa mga government hospitals sa bawat rehiyon. Ang ibig sabihin, parang satellite centers ng PCMC, NKTI, Lung Center, at Heart Center.


Ang mga pasyente na ipa-prioritize sa specialty centers ay ‘yung mga talagang malubha na ang karamdaman at walang-wala sa buhay.


Ayon pa rin sa bagong batas, sa loob ng limang taon simula nang malagdaan ito ng Pangulo ay kailangang nakapagtatag na ang DOH ng at least tig-iisang specialty center sa mga rehiyon.


Napakatagal na nating adbokasiya ito – ang pagkakaroon ng specialty centers sa malalayong probinsya o sa mga kanayunan.


Taun-taon naman, bilang tayo ang chairman ng Committee on Finance sa Senado, sinisiguro natin na tumataas ang pondo ng ating specialty hospitals upang maibigay sa mga pasyente ang kaukulang healthcare. At ngayon ngang batas na ito, titiyakin ng ating komite na sa ilalim ng General Appropriations Act o taunang pambansang pondo ay mailalagak ang kinakailangang badyet para sa implementasyon ng bagong batas na ito.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | August 26, 2023


Sa nakaraang briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Senado, kaugnay ng P5.768 trilyong 2024 national budget, naibulong sa atin ng kasamahan at kaibigan natin na si Sen. Nancy Binay ang tungkol sa ginagamit na toilet paper ng kanyang opisina.


Natatawa niyang sinabi na ‘yung imported nilang tissue paper, konting basa lang, nagkakapunit-punit na at dumidikit sa kamay dahil sa sobrang kanipisan. At ang presyo, murang-mura sa 7 pesos.


Sabi nga niya, malayung-malayo raw ang kalidad ng toilet paper natin kumpara sa mga imported tissue paper. Mas mahal man ang produkto natin, mas may tibay ka namang maaasahan. Mas makapal, at hindi basta-basta nagpupunit-punit. Totoo naman. ‘Yung imported tissue papers, akala mo nakamura ka, pero maya-maya ubos na dahil sobra nga kasing nipis. Pero ‘yung sa atin, dahil makapal, kahit tatlong folds lang ang kunin mo, tipid ka pa rin.


Naalala ni Sen. Nancy ‘yang tungkol sa tissue dahil gusto niyang malaman kung ano ba ang umiiral na polisiya ng gobyerno tungkol sa pagtangkilik natin sa mga produktong sariling atin. At maiuugnay din natin ang bagay na ‘yan sa isinusulong nating Tatak Pinoy or Proudly Filipino advocacy.


Katunayan, may proposed bill na tayo rito, na nakatutuwa namang binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA nitong nakaraang buwan. Isa ang Tatak Pinoy bill sa priority measures ng kanyang administrasyon.


Sa totoo lang, may punto naman si Sen. Nancy. Dapat talaga, tayo mismong mga Pilipino, tangkilikin natin ang sarili nating mga produkto. Karamihan naman talaga ng mga bansa, tumatangkilik sa sariling produkto nila, bakit hindi rin natin gawin? Dapat, manguna ang gobyerno o maging ehemplo sa ganitong sistema – sumuporta nang todo sa Pinoy products.


Simulan natin sa pagsunod sa iniaatas ng ating procurement laws. Sa umiiral na implementing rules and regulations ng RA 9184 o ang Government Procurement Reform Act, makikita rito ang isang probisyon na nag-aatas sa procuring entities na mas bigyang prayoridad ang mga materyal at supplies na gawang Pilipinas. At ibigay ang pagkakataon sa lowest domestic bidder, sa kondisyong hindi hihigit sa 15% ang bid nito sa foreign bid. At para maipaalala natin sa mga ahensya ng gobyerno ang probisyong ito, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng pagtangkilik at pagsuporta natin sa mga lokal na industriya sa ilalim ng taunang General Appropriations Act.


Madalas na itinuturong dahilan ng Government Procurement Policy Board at ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) kung bakit hindi napapabilang sa government bidding process ang mga local companies ay ang kawalan nila ng domestic bidders certificate na ibinibigay ng Department of Trade and Industry o DTI.


Habang nasa DBBC briefing tayo nitong nakaraang linggo, binanggit sa atin ng PS-DBM na kabilang sa mga requirement para sa prospective bidders ang ‘karanasan’. Ibig sabihin, kailangang napabilang na sila sa ganitong proseso nang mga nagdaang panahon at matagal na rin sila sa kalakalan na mapatutunayan ng procuring entity.


Dapat ay may tatlo hanggang limang taon na sila sa operasyon.


Ang sistemang ito ang malaking problema kung bakit marami sa mga supplier ang hindi makapasok sa bidding, lalo na ang small and medium entrepreneurs, at ang start-ups o ‘yung mga negosyong nagsisimula pa lang.


Bilang sagot, nagpanukala tayo na kung maaari ay gawing gradated o classified ang pagpapatupad ng nasabing requirement. Kailangang isaalang-alang din ang uri ng kanilang negosyo. Ang complex services tulad ng construction of power plants ay pasok sa longer track record, pero ang mga simpleng pagsu-supply ng common products tulad nga ng toilet paper, dapat iklasipika sila bilang smaller at newer suppliers.


Ang ating Tatak Pinoy bill ay naglalaman ng probisyon na pumapabor sa local industries. Isinasaad natin dito na mas unahin o gawing prayoridad ang local or domestic manufactured products, supplies and materials.


Hiling natin sa ating government procuring entities, tulungan ang maliliit at mga nagsisimulang negosyo sa bansa na makalahok sa supply contracts. Sa pamamagitan kasi nito, magkakaroon sila ng kaukulang karanasan sa sistema.


Sa mga ganitong pagkakataon, nararapat lang naman na manguna ang gobyerno sa pagbibigay ng oportunidad sa mga negosyanteng Pinoy. Sa totoo lang, nag-level up na ang mga consumers, nag-level up na ang local producers, hinihintay na lang ang aksyon ng gobyerno.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page