top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | October 08, 2023


May kinalaman ang pag-uusapan natin ngayon sa mga nabatid nating reklamo mula sa ating Muslim brothers and sisters tungkol sa serbisyong nakukuha nila sa National Council on Muslim Filipinos (NCMF) kaugnay ng kanilang pagdalo sa Hajj.


Hiling natin sa mga kinauukulan, dapat itong maimbestigahan sa lalong madaling panahon para maresolba ang mga problema at maging maayos ang mga susunod na pamamakay sa Hajj.


Sa pamamagitan ng inihain nating Senate Resolution 768, nanawagan tayo ng kaukulang pagdinig sa Senado patungkol sa iba’t ibang reklamong nakarating sa ating tanggapan hinggil sa 2023 Hajj.


Maaari naman nating maisingit ang isyung ito sa pagtalakay ng ating komite, ang Senate Finance Committee sa 2024 proposed budget ng DILG na nangangasiwa sa NCMF.


Ayon kasi sa mga natanggap nating reklamo, hindi raw maayos ang pag-aasikaso ng NCMF sa Muslim pilgrims na idinadaan sa pamamagitan ng Bureau of Pilgrimage and Endowment (BPE).


Sa pahayag ni Sulu Vice Governor Abdusakur Tan II na kumakatawan sa Muslim Filipino pilgrims, hindi raw katanggap-tanggap ang pagtrato sa kanila ng BPE sa kanilang pagdalo sa 2023 Hajj sa Mecca. Kabilang daw d’yan ang kakulangan ng transportasyon na nagiging dahilan upang magsiksikan ang pilgrims sa isang bus.


Napakadelikado ng ganu’ng sitwasyon dahil posibleng makaranas ng matinding init ang mga tao na nagdadala ng panganib sa kanilang kalusugan. Maging sa kanilang tents, napakahina rin daw ng cooling systems, gayong napakainit ng panahon. Pagdating daw sa pagkain, paulit-ulit na nga lang daw ang isinisilbi sa kanila, wala pang nutrisyon. Ang malungkot dito, may mga araw daw na wala talagang pagkain na isinisilbi.


Dagdag pa ng grupo ni Gov. Abdusakur, sa kabila ng hirap na dinaranas ng Filipino pilgrims, napakasarap naman daw ng buhay ng BPE officer-in-charge na naka-billet pa sa isang five-star hotel sa Mecca, habang ang NCMF top officials naman, anila, ay halos walang pakialam sa kanilang sitwasyon. Ni hindi raw sila halos kinukumusta o sinisilip ng mga ito para tanungin man lang kung ano ang kanilang mga pangangailangan o hinaing.


Nabatid din natin na hindi lang pala ngayon nangyari ito – matagal na palang may mga ganitong isyu na hindi man lang nareresolba.


Alam n’yo, dahil napakahalaga ng Hajj para sa ating mga kapatid na Muslim, matagal nilang pinaghahandaan ‘yan. Itinuturing kasi nilang matibay na pundasyon ng Islam ang Hajj kaya ganu’n na lang ang kagustuhan nilang makadalo rito. Sagrado ito, at lahat ng Muslim na nasa tamang gulang ay kinakailangang makadalo rito kahit isang beses lang sa tanang buhay nila. Kaya’t nakalulungkot na nalulukuban ng problema ang kanilang pamamakay.


Nagtatawag tayo ng pagdinig para sa usaping ito upang masolusyonan at para sa mga susunod na taon ay hindi na maranasan ng ating Muslim brothers and sisters ang mga ganitong uri ng pagtrato.


Ipapaalala lang natin sa NCMF, ayon sa Sec. 8(q) ng Republic Act 9997 o ang National Commission on Muslim Filipinos Act of 2009, inaatasan ang NCMF sa pamamagitan ng BPE na mangasiwa sa taunang Hajj ng Muslim Filipinos na nagmumula sa Pilipinas. Kayo ang inaatasang mangalaga sa Filipino pilgrims kaya’t nakadidismaya na nagpapabaya pala kayo sa kanila.


Umaasa tayo na sa mga susunod na araw ay maliwanagan tayo hinggil dito.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | September 30, 2023


Minsan, hindi rin natin mapigilan ang maging emosyonal, lalo’t muling naipaalala sa atin nitong mga nakaraang araw ang mga iniwang marka sa lipunan ng ating namayapang ama, si dating Senate President Ed Angara. Edong kung tawagin ng mga kaibigan, Tiyo Eddie kung tawagin ng mga minamahal niyang pamangkin at ng malalapit pang kakilala.

Nitong Setyembre 24, kung nabubuhay sana siya, 89 taong gulang na siya. Matanda na, pero naniniwala ako na walang kupas ang angkin niyang talino at talim ng pag-iisip. Para sa mga kaibigan at kakilala niya sa loob at labas ng pulitika, basta mabanggit mo ang pangalang Edgardo Angara – isa lang ang madalas na deskripsyon, “Naku… napakagaling n’yan. Napakatalino”.

Limang taon na ang nakararaan mula nang pumanaw siya noong Mayo 2018. Limang taon na pero hanggang ngayon, miss na miss pa rin siya ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang mga apo.

Limang taon na ang nakararaan, pero hanggang ngayon, markado pa rin ng kanyang pangalan ang mga batas na kanyang nilikha – ang lahat ng kanyang napagtagumpayang proyekto at programa na ngayon ay malaking kapakinabangan sa mas nakararaming Pilipino.

Isa sa mga programang nagpakinang sa legasiya ng aking ama ang University of the Philippines President Edgardo J. Angara (UPPEJA) Fellowship Awards. Ilang taon din itong hindi gumalaw lalo pa’t pumanaw nga siya, subalit masaya tayo dahil ngayong taon, muli itong binuhay ng Unibersidad ng Pilipinas.

Ang UPPEJA ay itinatag noong Setyembre 29, 2008 ng UP Board of Regents at ipinangalan kay dating Senator Edgardo Angara. Para sa kaalaman ng lahat, si Ed Angara ay naging pangulo ng UP sa loob ng anim na taon – mula 1981 hanggang 1987, kasabay ang panunungkulan bilang Chancellor ng UP Diliman mula 1982 hanggang 1983.

Ano ang UPPEJA Fellowship?

UPPEJA is a grant for pioneering policy research. Nilalayon nito na maisulong ang isang mataas na antas ng pananaliksik at diskusyon tungkol sa iba’t ibang usaping may kinalaman sa national development, science and technology, economic development, environment and climate change, good governance and communications.

Ito ay isang katangi-tanging parangal na ipinagkakaloob sa mga scholars na nakilala sa buong bansa dahil sa kanilang mga dekalidad na pananaliksik.

Noong 2011, ang initial batch of fellows na pinarangalan ay kinabibilangan ng kilalang great thinkers sa bansa tulad ng mga UP professors na sina Raul Fabella, Raul Pangalangan (na naging ICC judge), Ramon Pedro Paterno at Gerardo Sicat.

Ang sumunod na batch naman ng UPPEJA Fellowship awardees ay sina Herman Joseph Kraft (2013), Clarissa David (2015), Stella Luz Quimbo (2015), Caesar A. Saloma (2015), Lucia P. Tangi (2015), at ang yumaong propesor ng UP na si Dr. Aileen San Pablo Baviera (2015)—kilala rin sa kani-kanilang taglay na kahusayan.

Nito ngang nakaraang Setyembre 26, inihayag ang pangalan ng 23 UPPEJA fellows na inatasang magsagawa ng mga pag-aaral sa 10 priority areas on education reform base sa pagtukoy ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2. At kabilang sa mga ‘yan sina National Scientist Carmencita Padilla; Commission on Population and Development Executive Director Dr. Lisa Grace Bersales; Dr. Michael Alba, na dating pangulo ng Far Eastern University (FEU); Dr. Luis Rey Velasco, dating chancellor ng UP Los Baños; Dr. Elizabeth King; Dr. Rosario Manasan; Dr. Dina Ocampo; Kenneth Isaiah Abante, Riza Supreme Comia; Dr. Cleve Arguelles; Joel Mendoza; Dr. Krista Danielle Yu; Dr. Michael Cabalfin; Dr. Assunta Cuyegkeng; Dr. Geoffrey Ducanes; Dr. Ma. Regina Hechanova-Alampay; Dr. Enrique Niño Leviste; Dr. Ma. Glenda Lopez Wui; Carolyn Medel-Añonuevo; Dr. Maria Mercedes Rodrigo; Dr. Luis Sison; Dr. John Paul Vergara; at si Dr. Felicia Yeban.

Bago pumanaw ang aking ama na nagsilbing chairman ng EDCOM 1, ipinahayag niya ang kagustuhang tutukan ng fellowship ang estado ng edukasyon sa bansa. Alam naman natin kung ano ang nangyayari ngayon sa Philippine education at ito ang nais resolbahin ng ating namayapang ama.

Hulyo taong 2022, naisabatas ang Republic Act 11899 o ang batas na lumikha sa EDCOM 2 kung saan ang pangunahing layunin ay magkaroon ng komprehensibong pag-aaral sa estado ng ating education sector at resolbahin ang mga kinakaharap na malalaking problema nito.

Napakalaking araw para sa aking pamilya na muling nabuhay ang parangal na ito na ipinangalan sa aking yumaong ama. Kaya para sa lahat ng muling nagpakinang sa programang ito sa pangunguna ni UP President Angelo “Jijil” Jimenez, maraming, maraming salamat sa inyo.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | September 24, 2023


Dahil ipinagdiriwang natin ang National Teachers’ Month kada ika-5 ng Setyembre at World Teachers’ Day sa Oktubre 5, nais nating bigyang pagpupugay ang ating mga guro at sila ang ating tatalakayin ngayon.


Dagdag pa r’yan, ipinagdiriwang din natin ang Education Week sa kada ikalawang linggo ng Setyembre, base sa isinasaad ng Proclamation No. 409, series of 1953, at ang National Literacy Day kada ika-8 ng Setyembre taun-taon.


Hindi naman lingid sa kaalaman ng halos lahat sa atin na napakaraming problema sa sistema ng edukasyon ng Pilipinas. Unang-una sa lahat ang kalagayan ng mga estudyanteng Pinoy sa pandaigdigang estado ng edukasyon pagdating sa mga asignaturang Math at Science, maging sa reading comprehension. Napakababa ng antas ng ating mga mag-aaral kumpara sa kanilang mga ka-kontemporaryo sa ibayong dagat.


Lubog tayo sa learning crisis, sa totoo lang. At kung hindi ito mabibigyan ng kaukulang aksyon, posibleng magdulot ito ng malaking lamat sa kakayahan ng Filipino learners, makaapekto sa ating workforce, lalung-lalo na sa takbo ng ekonomiya. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit pinagsikapan talaga ng inyong mga lehislador na maisabatas ang Republic Act 11899 o ang Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2.


Ang inyong lingkod ay isa sa mga komisyoner ng EDCOM 2, at dahil dito, pinagbubuhusan natin ng oras ang masinsinang pagrepaso at assessment sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas. Layunin natin dito ay matumbok ang mga kinakailangang reporma para maibangon naman natin ang estado ng edukasyon sa bansa.


Sa loob ng tatlong taon, kabilang sa pagsisikapan ng EDCOM 2 ang makabuo ng mga polisiya at estratehiya, gayundin ang legislation building na ibabase sa mga napagtagumpayan ng kauna-unahang EDCOM. Makatutulong ito sa pagresolba sa mga problema ng Philippine education system.


Matatandaan na sa unang EDCOM noong 1990, ang aking namayapang ama na si former Senate President Ed Angara ang namuno. Siya ang naging daan para sa “trifocalization” ng ating education system, tulad ng pagtatalaga sa Department of Education na nakatutok sa basic education; ang Commission on Higher Education para sa higher education at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga kursong vocational and training.


Isa sa mga pangunahing focus ng EDCOM 2, ang ating mga guro na tinatawag nating puso ng education sector. Lahat na yata ng hirap sa kanilang propesyon, bitbit ng ating teacher. Lahat ‘yan tinitiis nila, mabigyan lang ng maayos na edukasyon ang kabataan -- ang ating mga anak.


Ilang taon na ngayon, mula nang tayo ay mapasok sa serbisyo, napakarami na ring batas ang ating isinulong at inihain na naglalayong mapagaan ang kalagayan ng ating mga guro. Pangunahing layunin din natin na mabigyan sila ng nararapat na tulong para mas magampanan nila ang kanilang tungkulin nang mas maayos.


Ngayon ngang 19th Congress, umaabot sa anim na panukalang batas ang inihain natin para sa kapakanan ng ating teachers. Kabilang d’yan ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na naglalayong itaas ang kanilang taunang teaching allowance sa P7,500 sa unang taon ng implementasyon nito (sakaling maisabatas) hanggang P10,000 sa mga susunod na taon.


Lumusot na ito sa Senado nitong Mayo 22 lamang at ang hinihintay na lang natin ay ang pagpasa rito ng Kamara. Sakaling lumusot na rin sa Kamara, hihintayin na lang natin ang pagpapatibay dito ng Pangulo.


At para mabigyan din natin ng magaan na buhay sa usapang pang-transportasyon sina teachers, inihain din natin ng ating Senate Bill 1169 o ang Teachers Home in School Act.


Hangad natin dito na magkaroon ng pansamantalang matitirhan ang mga guro sa loob mismo ng paaralang kanilang pinagtuturuan o kaya naman, sa lugar na malapit sa pinapasukan nilang eskwelahan. Hindi lang sila makakatipid sa pamasahe, mas makapagpapahinga pa sila at mas magiging masigla sa kanilang pagtuturo dahil nga bawas-pagod din kung hindi na nila kailangan pang bumiyahe pauwi.


Kabilang pa rin sa ating mga panukalang batas ang optional retirement age para sa teachers. Ibig sabihin, mula 60, ibababa ito sa 55 para naman kahit paano ay bata-bata pa silang makapagretiro at ma-enjoy naman ang buhay pagkatapos ng kanilang napakabigat na pagganap sa kanilang propesyon.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page