top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | July 26, 2023




Aminado si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nakukulangan siya sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.


“Kulang pa. There was so much to go through,” ang maiksing pahayag ng Pangulo nang tanungin matapos ang kanyang SONA.


Ayon kay Marcos, sa kabila na naiulat niya sa taumbayan ang buong isang taong nagawa niya sa kanyang panunungkulan ay marami pa sana siyang gustong sabihin.


Binanggit din ng Pangulo na hahayaan na niya ang mga miyembro ng kanyang Gabinete na magpaliwanag sa mga detalye ng kanyang SONA.


Bagama't binanggit din niya ang mga makabuluhang tagumpay sa ekonomiya, sistemang pangkalusugan, edukasyon at imprastraktura ng bansa, inihayag ni Marcos na inaabangan niya ang pagpasa ng mga prayoridad na batas upang maiangat ang buhay ng mga mamamayang Pilipino.


Tiniyak din ng Punong Ehekutibo na ipagpapatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga, ngunit may bagong pamamaraan dahil tututok ito sa community-based na paggamot, rehabilitasyon, edukasyon at reintegrasyon upang masugpo ang drug dependent sa mga apektadong mamamayan.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 25, 2023




Hindi nakadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawang SONA ni Pangulong Marcos.


"'Di yata. Galing po siya sa China, medyo pagod. Nasa Davao po siya. Kakarating lang niya nu'ng Sabado," wika ni Sen. Bong Go sa ambush interview bago ang opening ng 2nd regular session ng 19th Congress sa Senado.


Sa kabila nito, tiniyak ni Go na manonood pa rin si Duterte ng SONA ni Pangulong Marcos.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 25, 2023




Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maayos at bumubuti ang estado ng bansa at dumating na ang bagong Pilipinas.


Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na ang kanyang kumpiyansa ay lalo pang pinalakas ng pagpapakita ng world-class Filipino workforce ng pagmamahal sa kanilang sariling bayan.


“Ang bawat Pilipino ay nagkakaisa sa pagbangon sa hamon na ginawa natin sa kanila na maging bahagi ng kinabukasan ng bansa. Handa silang maghandog ng tulong, dahil mahal nila ang kanilang kapwa-Pilipino, at mahal nila ang Pilipinas,” pahayag ni Marcos.


“Galing ito sa aking puso, alam ko na ang estado ng bansa ay maayos, at bumubuti. Dumating na po ang Bagong Pilipinas.”


Ang ikalawang SONA ng Pangulo ay nagsaliksik umano sa mga nagawa ng administrasyon sa iba't ibang larangan tulad ng ekonomiya, pagpapaunlad ng imprastraktura, agrikultura, kapayapaan at kaayusan, turismo, enerhiya, pagsisikap sa kapayapaan ng Mindanao at marami pang iba.


Sinabi rin ng Pangulo na nakatulong ang programa ng Department of Agriculture para mapababa ang presyo ng agricultural products at mga pangunahing bilihin.


“Sa mga nakalipas na buwan, nakita natin ang pagbaba ng presyo ng bilihin sa iba’t ibang sektor. Napatunayan nating kayang ibaba ang presyo ng mga bigas, karne, isda, gulay, at asukal. Malaking tulong ang Kadiwa store na ating muling binuhay at inilunsad,” ayon sa Pangulo.


Binanggit din ng Punong Ehekutibo ang mga planong gustong isagawa ng kanyang pamahalaan sa hinaharap upang mapanatili ang pag-unlad ng bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page