top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 2, 2024


Dear Sister Isabel,


Sumangguni ako sa inyo dahil hindi ko na alam ang maipapayo ko sa aking anak.


Nasa mabuti naman na siyang kalagayan ngayon pero reklamo pa rin nang reklamo.


Dati nangungupahan lang sila sa probinsya, pero ngayon ay nasa magandang subdivision na sa Cavite. Libre lang kanilang tinutuluyan dahil pinatira siya roon ng sister niya na siyang nakabili ng bahay at nagtatrabaho sa abroad.


Paglabas ng gate, naroon na agad ang school na pinapasukan ng dalawang anak niya.


‘Yung panganay na anak niya ay malapit lang din doon ang school na pinapasukan. Sa halip na magpasalamat ay marami pa rin siyang reklamo. Kahit naman noong nandito siya sa probinsya ay ganundin. Marami siyang problema partikular na sa panggastos araw-araw, hindi raw sapat ang ipinapadala ng asawa niya na nagtatrabaho ngayon sa abroad. Kulang na kulang umano kaya ngayon nagbabalak siyang iwan ang bahay na tinitirahan niya ngayon sa Cavite at gusto na naman niyang bumalik dito sa probinsya at mangupahan muli.


Mas magastos daw doon sa exclusive subdivision na tinitirahan niya. Sa tuwing pinapayuhan ko siya, palagi niya akong binabara, ‘di pa ko natatapos sa sinasabi ko ay kumokontra na agad siya.


Sa totoo lang, hindi siya marunong dumiskarte sa buhay. May mga opportunities naman na puwede niyang gawing sideline, ayaw niya lang sunggaban. Kung anu-ano pa ang ikinakatwiran. Ano kaya ang dapat kong gawin sa anak kong ito?


Nagpapasalamat,

Nanay Marina 


Sa iyo, Nanay Marina,


Mayroon talagang anak na ganyan, nagsasalita pa lang ang nanay, kinokontra na agad, at hindi muna hayaang matapos. Kung ganyan ang pag-uugali niya, hayaan mo na silang mag-asawa ang mag-usap. Dumistansya ka na sa kanya, tutal nasa tamang edad na ‘yang anak mo. Kung papayuhan mo siya ay balewala rin dahil binabara rin niya ang mga sinasabi mo.


Ipagdasal mo na lang na mamulat ang isip niya sa diskarteng dapat gawin para magkasya ang perang pinapadala ng kanyang asawa. Maliwanagan nawa na ang kanyang isip para ‘di rin siya magipit ngayon. Ang intindihin mo ngayon ay ang sarili mo.


Alagaan mo ang sarili mo para ‘di ka rin ma-stress at magkasakit. Sa edad mo ngayon, nararamdaman ko may iniinda ka na rin sakit sa katawan. Health is wealth.


Ingatan mo ang iyong katawan. Huwag mong problemahin ang buhay, ang pinakamaganda mong gawin ngayon ay tawagan ang Diyos, sa kanya mo isangguni lahat ng pinag-aalala mo kasama na ang problema mo sa iyong anak.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 28, 2024



Dear Sister Isabel,


Muntik na akong matukso ni Satanas. Nagse-serve ako sa simbahan bilang church leader, pero pansin ko karamihan sa mga naglilingkod ay sila pang mga tsismosa at mapagmataas, maski ang kanilang mga kapitbahay ay hindi nila makasundo at kung minsan ay pinagbabantaan pa nila ang mga ito.


Kaya sa tuwing natatapos ‘yung duty ko sa simbahan, umuuwi agad ako sa bahay at doon ako nagdarasal ng tahimik at payapa. ‘Yan ang routine ko araw-araw, pero kahit na ganyan ang sistema ko, nagkasala pa rin ako.


‘Yung pangulo kasi namin dito sa sub-parish, kahit siya ang mali, ‘di siya tumatanggap ng suggestion. Siya raw ang masusunod dahil siya ang pangulo, nagsisisigaw siya sa loob mismo ng simbahan, laging mainit ang ulo, at hindi marunong umunawa. Mayroon bang ganun? Pangulo siya, pero ang kitid niya mag-isip. Hindi ko tuloy maiwasang ‘di siya sagut-sagutin dahil wala siyang pinapakinggan na suggestion.


Kaya ayokong nagtatagal sa simbahan, eh. Mabuti pa sa bahay, nararamdaman ko pa ang presence ng Holy Spirit, parang ayoko na tuloy magsimba. Nagkakasala lang kasi ako kapag nakikipagsalamuha ako sa mga taong simbahan na makikitid ang utak. Tama ba iniisip ko? Hindi na lang ako magsisimba para ‘di na rin ako magkasala. Hihintayin ko ang payo n’yo.

Nagpapasalamat,

Gloria ng Batangas

Sa iyo, Gloria,


Sa totoo lang nasa sa iyo ‘yan kung magsisimba ka ba araw-araw, tuwing Linggo o kapag fiesta na lang ng patron saints. Sundin mo kung ano ang nagpapagaan sa kalooban mo. As long as hindi ka gumagawa ng masama sa iyong kapwa at wala kang iniisip kundi gumawa ng mga bagay na ikalulugod ng Diyos.


Ang mahalaga, nananampalataya at nananalig ka na walang halong pag-aalinlangan sa Diyos Amang Kataas-taasan. Ugaliin mo pa rin ang pagdarasal, huwag mo rin kalimutan na magpasalamat sa lahat ng biyayang natatanggap mo.


Hanggang dito na lang, sumaiyo nawa ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Diyos.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 25, 2024



Dear Sister Isabel,


Hindi na ako nawalan ng problema, sa tuwing naso-solve ko ‘yung isa kong problema, may pumapalit naman. Hay buhay, ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa kasambahay ko. Pinapalayas ko na siya dahil nakukunsumi na ko sa pinaggagawa niya sa bahay, maski ang anak kong special child ay sinasaktan niya. Daig pa niya ang amo kung umasta. Pero, ayaw naman niyang umalis. Pina-barangay ko na siya pero binaligtad niya lang ako.


May nagsulsol sa kanya na idemanda rin umano ako dahil hindi ko raw hinuhulugan ang SSS at kung anu-ano pa ang pinagsasabi sa barangay na hindi naman totoo. Nagdemandahan kami, at ang lakas pa ng loob niya, eh isa lang naman siyang katulong na gusto ng kuwarta.


Napilitan siyang umalis sa bahay ko dahil sinampahan ko siya ng child abuse, pero nag-counter demand siya. May tumutulong sa kanya para manalo siya sa kaso at para makakuha ng malaking halaga sa akin. Obvious naman na gusto lang nila akong pagkaperahan.


Ano ba ang dapat kong gawin? Itutuloy ko ba ang demanda o patatawarin ko na lang siya?


Nagpapasalamat,

Loida ng Taguig Global City


Sa iyo, Loida,


‘Yan na ang uso ngayon, mas matapang pa ang katulong kesa sa amo.


Pinakamabuti mong gawin, bigyan mo siya ng leksyon. Ituloy mo ang demanda, tiyak na matatalo siya at mahahalata ng korte na gusto ka lang niyang pagkaperahan.


Kung sa gastos, mayroon namang libreng serbisyo ang mga attorney, pumunta ka sa Public Attorney's Office (PAO), humingi ka ng abogado na magtatanggol sa iyo. Dapat lang makulong ‘yang katulong mong iyan upang magtanda siya.


Hanggang dito na lang, huwag kang mag-alala. Ang mahalaga, matigil na ang mga katulong mo sa pananamantala sa iyo. ‘Yang katulong mo ay natitiyak ko na matatalo kapag nagharap na kayo sa hukuman at pati ‘yang mga kasabwat niya.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page