top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | May 10, 2023


Dear Sister Isabel,


Ang isasangguni ko sa inyo ay ang best friend ko. Sa Facebook ko lang siya nakakausap, pero grabe ang closeness namin dahil lahat ng problema at sikreto niya ay alam ko, ngunit kamakailan ay nagkaproblema siya sa love life.


Dati ay tuluy-tuloy ang pag-uusap nila ng dyowa niya, sweet sila sa isa't isa, pero bigla raw itong nagbago, ‘di na umano ito sweet at madalang na ring makipag-usap. Long distance relationship ang sitwasyon nila. Ang masaklap ay marami na siyang nagagastos sa dyowa niya dahil pinapadalhan niya ito ng malaking pera para sa pag-aaral.


Ang sabi ko sa kanya, tanggapin na niya ang katotohanang hindi siya talaga mahal ng dyowa niya at ginamit lang siya para sa pansariling hangarin, kumbaga, binola lang siya at nagkunwaring in love sa kanya pero hindi naman.


Ang sabi ko ay kalimutan na niya ang dyowa niya. Bagama’t masakit, sa umpisa lang naman ‘yun, at ipagkakaloob din ni Lord ang makakasama niya habambuhay, kung saan liligaya at pagpapalain siya.


Tama ba ang payo ko sa bestfriend ko?


Nagpapasalamat,

Desserie ng Taguig Global City


Sa iyo, Desserie,


Hangang-hanga ako sa husay mong magpayo sa iyong bestfriend. Tamang-tama ang payo mo sa kanya dahil ganyan din ang maipapayo ko sa kanya.


Sa kabilang dako, nawa’y huwag masyadong magpauto o magpabola ang mga babae sa mga lalaking mahusay magkunwari at umarte na mahal nila ang babae pero ‘di naman talaga, at nais lang manlamang.


Moderno na tayo ngayon, high-tech na lahat, ngunit marami pa ring babae na bulag pagdating sa pag-ibig. ‘Ika nga nila, love is blind, kaya karamihan ay nagiging biktima ng mapagbirong pag-ibig. Luha at kasawiang palad ang kanilang nakakamit.


Lakip nito ang dalangin ko na makamove-on na ang best friend mo. Nawa’y matagpuan niya ang lalaking itinakda ng tadhana para sa kanya.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | May 8, 2023



Dear Sister Isabel,


Nais kong isangguni sa inyo ang problema ko.


Nakatira kaming magkakapatid sa isang compound. Bagama’t ‘di kami nag-aaway, puro kamalasan naman ang inaabot namin. Ako ang pinakamatindi sa lahat dahil magkasunod na namatay ang mga anak ko, ang isa ay dahil sa sakit na lupus, habang ang isa naman ay nabaril. Gayundin, hiniwalayan ako ng asawa ko. Halos mabaliw ako sa sunud-sunod na kamalasang inaabot ko, buti na lang, may mga kaibigan ako na nagsilbing tagapayo at umalalay sa akin para maka-survive.


Bakit ganito ang buhay ko, may kinalaman ba ito sa mga bisyo ng mga kapatid ko? Sa bakuran naming, nagpapasugal ang kuya ko at ang isa ko namang kapatid ay nagpapa-mahjong, at araw-araw, may session sa amin. Samantala, nagpapataya naman ng jueteng ‘yung isa ko pang kapatid.


Ito ba ang dahilan kung bakit puro kamalasan ang inaabot namin? Nawa’y mapayuhan niyo ako upang makayanan ko pa.


Nagpapasalamat,

Dolores ng Pasig


Sa iyo, Dolores,


Maliwanag pa sa sikat ng araw na kaya kayo minamalas sa compound na ‘yan ay dahil sa masasamang gawain sa bakuran niyo. Pasugalan, jueteng, mahjong, puro masamang bisyo ang mga ‘yan, at walang mabuting maidudulot sa inyo kundi kamalasan. Sana ay magising ang mga kapatid mo sa ‘di magandang dinudulot nito sa inyo.


Ikaw naman ay maging halimbawa sa kanila, magsimba ka tuwing Linggo mas makabubuti kung sasali ka sa isang prayer group na bumibisita sa tahanan upang mag-ukol ng panalangin sa mga nakatira sa bahay na binibisita nila. Kapag nakita ng mga kapatid mo, mabilis ang pagbabago ng buhay mo at tiyak na unti-unti silang magbabago at sasama na ring magsimba sa iyo, lalo na kung makikita nila ang grasyang napasasaiyo, at pati ang awra mo ay liliwanag at magmumukha kang bata. ‘Yan ang nagiging bunga ng pagiging palasimba at hindi nawawalan ng gawaing kalugod-lugod sa Diyos. Ang mahirap niyan, baka noon ay wala kang panahon sa Diyos kaya nagkamalas-malas ang buhay mo.


Gayunman, hindi pa huli ang lahat, subukan mong gawin ang payo ko. Natitiyak kong mawawala ang kamalasang dinaranas mo ngayon, at ito ay mapapalitan ng suwerte at pagpapala.


Nawa’y gumaan ang pakiramdam mo sa sandaling mabasa mo ang payo ko.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | May 3, 2023



Dear Sister Isabel,


Hindi ko alam kung paano uumpisahan ang problema ko dahil magulong-magulo ang isip ko.


Akala ko kasi ay inurong na ng katulong ko ang reklamo niya sa akin na physical injury, pero puro salita lang pala. Hindi siya gumawa ng pormal na salaysay na hindi na niya itutuloy ang kaso laban sa akin, pero itinuloy niya. Kaya heto ako ngayon, laging dumarating sa hearing ‘pag sinabihan kami ng fiscal na humahawak sa kaso.


Ang hindi ko maintindihan, siya ang hindi dumarating sa takdang oras at kung anu-ano ang dahilan na kesyo natrapik daw siya at parang delaying tactic na lang ang ginagawa niya.

Hindi ko rin maunawaan kung bakit ‘di pa tapusin ng fiscal ang kaso, gayung maliwanag na parang pinatatagal niya lang. Nag-uumpisa na akong magduda na baka nasuhulan niya ang fiscal, pero huwag naman sana.


Ano ang dapat kong gawin upang mapanatag na ang isip ko? Alam ko na sa pamamagitan ng payo niyo, gagaan ang kalooban ko, kaya hihintayin ko ang sagot n’yo.


Nagpapasalamat,

Ben ng Olongapo


Sa iyo, Ben,


Sa lahat ng problema sa mundo, dalawa lang ang pinakamatindi — ang maospital ka dahil sa malalang sakit at ang mademanda ka sa hukuman dahil sa isang kaso na hindi naman gaanong mabigat, pero ubos ang pera at oras mo.


Sa dalawang nabanggit, parehong magtatapon ka lang ng pera hanggang masagad ka.


Tanging taimtim na dasal ang lunas sa problema mo. Huwag kang magsawang tumawag sa Diyos Ama sa langit na tapusin na ang problema mo. Natitiyak ko na kung bukal sa loob mo ang pagdarasal, diringgin ka ng Diyos dahil walang imposible sa Kanya. Magugulat ka na lang, tapos na ang kaso mo at hindi na aakyat sa korte. Tatapusin na ng fiscal na siyang nagsilbing mediator niyo ng katulong mo.


Manalig ka, manampalataya ka nang walang halong pag-aalinlangan, at ang problema mo ay hindi na magtatagal. Papabor sa iyo ang tadhana dahil nararamdaman ko, malakas ang aking kutob na matatapos na sa lalong madaling panahon ang kaso mo dahil iuurong din ng katulong mo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page