- BULGAR
- Jun 12, 2023
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 12, 2023
Dear Sister Isabel,
Nais ko humingi ng payo patungkol sa aking anak na itinago ng kanyang sariling ama.
Nasa abroad ako no’ng kinuha siya.
Makalipas ang 24-years, nalaman ko kung nasaan siya. Hinahanap niya rin pala ako, at sa awa ng Diyos, nagkita rin kami. Masaya kami no’ng araw na iyon at nasundan pa ito 3 beses na pagkikita.
Pinakilala ko siya sa kanyang mga kapatid at bigla na lamang siyang bumalik sa kanyang ama at step mom na siyang nagpalaki sa kanya, at sa abroad nanirahan, naging maayos naman ang kanilang kalagayan do’n.
Ang problema ko ay halos tatlong taon na kami ‘di nagkikita at ‘di na rin siya tumutugon sa mga chat at video call ko. Nag-message ako nitong nakaraan, at sumagot naman siya ngunit para ba itong nanlalamig. Nawalan na siya ng interest na makipagkita sa akin at maka-bonding ang kanyang mga kapatid.
Ano ang dapat kong gawin? Nawa’y mapayuhan niyo ako upang kahit paano ay gumaan ang kalooban ko.
Nagpapasalamat,
Lorna ng Cavite
Sa iyo, Lorna,
Marahil ay ayaw niyang masaktan ang kalooban ng kinilala niyang ina na siyang nag-aruga sa kanya mula ng siya’y bata. Marahil ay masaya na siya sa nakalakihan niyang pamilya at wala na sa loob niya na makipag-ugnayan sa iyo bilang biological mother niya. Tiis-tiis lang. Siya rin ang gagawa ng paraan upang magkita kayong muli. Idulog mo ito sa Diyos. Magugulat ka na lang nand’yan na ang iyong anak sa iyong harapan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




