top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 12, 2023


Dear Sister Isabel,


Hello, shout out sa inyo r'yan.


21-years-old palang ako, ngunit masasabi ko nang masalimuot ang aking buhay. Hindi ko alam kung sino ang tunay kong magulang, dahil kinupkop lang naman ako ng isang gay o bakla.


Ayon sa kanya, napulot umano niya ako sa isang damuhan. Hindi niya raw alam kung sino ang nag-iwan sa akin du'n sa lugar kung saan niya ako napulot.


Mabait naman itong kumupkop sa akin kaya lang ay parang napansin ko nitong huli, nagiging iba na ang pagtingin niya sa akin.


Iba na ang kanyang yakap, hindi na ito yakap ng isang ama na siyang turing ko sa kanya simula't sapul.


Madalas niya ring hawakan ang maselang parte ng katawan ko. At minsan ay pumapasok siya sa kuwarto ko, para halik-halikan at himas-himasin ang maselang parte ng aking katawan. Pinagtangkaan niya rin akong halayin. Nabigla ako pero hindi ko nagawang lumaban o pumalag dahil ang turing ko sa kanya ay magulang ko na nagpalaki, nagpaaral, at nag aruga sa akin.


Gusto ko nang lumayas dito sa amin, dahil hindi ko na talaga nagugustuhan ang mga nangyayari sa amin ng itinuturing kong ama.


Ano kaya ang gagawin ko, Sister Isabel? Naguguluhan na ako, 'di ko na alam ang dapat kong gawin. Sana ay mapayuhan n'yo ako sa kung ano ang dapat kong gawin.


Nagpapasalamat,

George ng Pampanga


Sa iyo, George,


Kakaiba at medyo mahirap ang sitwasyong napasukan mo sa piling ng umampon sa iyo.


Makabubuting umalis ka na sa bahay na iyan bago pa lumala ang namamagitan sa inyo ng umampon sa iyo.


Kung may kaibigan kang mapagkakatiwalaan, do'n ka muna tumuloy. Subukan mo ring magsimba, hingin mo ang tulong ng Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal. Idulog mo sa Diyos ang problema mo. God hear, God listen, and God care. Mangumpisal ka sa simbahan, panigurado ay tutulungan ka nila at pansamantalang kukupkupin sa simbahan na iyong lalapitan.


Alam niya rin kung saan ka puwedeng ipakupkop para makaiwas ka ro'n sa umampon sa iyo na nagtangka ng 'di maganda sa iyo. Ipanatag mo ang iyong kalooban. Sundin mo kung anuman ang ipapayo sa iyo ng pari. Umaasa akong mapapanatag ka na at unti-unting mong matanggap sa iyong isipan ang mga nangyaring 'di maganda. Lahat ay may problemang pinagdaraanan. Hindi ka nag-iisa. Patay lang ang walang problema. Ang mahalaga nakahanap ka ng lunas at buong tapang mong hinarap ang pagsubok na dumating sa iyong buhay.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 10, 2023


Dear Sister Isabel,


Kumusta kayo r'yan sa Bulgar? Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan. Ang problema kong isasangguni sa inyo ay tungkol sa anak ko.


Mayroon na siyang asawa't anak, at nakatira sila rito sa amin. Wala pa silang sariling bahay dahil maliit lang ang sinusuweldo nilang mag-asawa, pareho silang namamasukan bilang ordinaryong manggagawa.


Ako ang nag-aalaga sa anak nila. Naawa ako dahil wala silang ipapangsuweldo kung sakaling kukuha sila ng yayang mag-aalaga para sa kanilang anak.


Ang masaklap lang ay matanda na ko, 72-years-old na ako at marami na ring nararamdaman sa katawan pero 'di lang halata, dahil magaling akong magdala. Kahit may iniinda na ako sa aking katawan ay nakangiti pa rin ako. Pero sa totoo lang hindi ko na kayang mag-alaga.


Paano ko kaya sasabihin sa anak at manugang ko na huwag na nila akong asahan maging yaya ng apo ko?


Baka kasi magtampo, sumama ang loob at tuluyang magkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan.


Ano kaya ang mabuti kong gawin? Paano ko kaya sasabihin ito sa magandang pananalita ang problemang gusto kong ipahayag sa kanila? Sana ay matulungan n'yo ko. Hihintayin ko ang sagot n'yo.

Nagpapasalamat,

Nanay Thelma ng Malabon


Sa iyo, Nanay Thelma,


Maraming salamat sa pagsangguni mo tungkol sa problemang iyong kinakaharap. Sa palagay ko ay makabubuting sabihin mo sa anak mo na hindi mo na kakayaning mag-alaga pa, dahil may nararamdaman ka na sa katawan mo. Pagtapat mo sa kanilang mag-asawa na gustuhin mo mang-alagaan ang apo mo ay hindi na puwede.


Sa palagay ko ay mauunawaan ka rin nila at gagawa sila ng paraan para may mag-alaga sa anak nila. Ang intindihin mo ay ang sarili mo. Wika mo nga, may mga nararamdaman ka na sa katawan mo. Magpatingin ka sa doctor at sundin mo ang kaukulang payo sa iyo.


Sa palagay ko naman ay magagawan ng paraan ng anak mo na huwag na ikaw ang maging yaya ng kanilang anak. Maaari nilang hingan ng tulong ang side ng asawa niya na sila namang mag-alaga sa anak nila.


Sila na ang bahalang gumawa ng paraan kung sino ang magiging yaya ng apo mo.


Ipagdasal mo na lang na malutas ng maayos ang pinoproblema mo. Huwag kang masyadong magdamdam kung medyo magbago ang pagtingin nila sa iyo. Talagang ganyan ang buhay. Unawain mo na lang, umaasa akong maging maayos ang lahat. Lakip nito ang dalangin ko na maging malawak ang isipan ng anak mo sa kinakaharap ninyong sitwasyon sa kasalukuyan.


Lahat ng problema ay may kalutasan kaya huwag kang masyadong mag-alala.


Mailalagay sa ayos ang lahat sa awa at tulong ng Diyos. Ugaliin mong tumawag sa kanya sa lahat ng sandali.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 5, 2023


Dear Sister Isabel,


Bakit kaya ganito ang buhay ko? Kung ano ang hinihiling ko, kabaligtaran ang dumarating.


“Seek ye first the kingdom of God and all this things shall be added unto you” ayon sa Biblia.


Pero bakit sa akin kabaligtaran ang nangyayari, palasimba at madasalin naman ako. Bakit sa halip na added unto you ay subtracted unto you ang nangyayari sa akin.


Dating maginhawa ang buhay ko pero unti-unti naubos ang kayamanan ko kaya nasabi ko subtracted unto you ang nangyari hindi added unto you. Minsan nasabi ko sa aking sarili “sinumpa kaya ako?” Sister Isabel, totoo ba ang sumpa?

Nagpapasalamat,

Loreta ng Davao

Sa iyo, Loreta,


Sobrang lungkot ko nang mabasa ko ang problema mo. Lahat ng tao ay dumaranas ng pagsubok sa buhay. Subalit kapag ito ay iyong napagwagian, may gantimpalang nakalaan. Masarap damhin ang kaligayahan kung galing ka sa kalungkutan.


Mas mabigat na problema, mas mainam kasi ‘pag nalampasan mo iyan, ang pagpapala at kaligayahan ang tiyak na kasunod n’yan. Kung may lungkot mayroon ding ligaya.


Walang permanente sa mundo. Kaya huwag kang malungkot sa dinaranas mong mga pagsubok at lalong huwag kang mawalan ng pananalig sa Diyos. Sinusubukan ka lang niya kung karapat-dapat ka ba sa malaking pagpapalang naghihintay sa iyo. Darating at darating iyan.


Ang taong walang mabigat na problema, mababaw lang ang kaligayahang nakalaan sa kanila pero ‘yung may mga mabigat na pinagdaraanan tulad mo, napakalaking gantimpala ang nakalaan sa iyo. Pagpatuloy mo lang pagiging madasalin at palasimba.


Huwag kang susuko sa gitna ng iyong problema.


Nar’yan ang Diyos, tutulungan ka niya. Hindi totoo ang sumpa. Ang buhay ay nakasalalay sa iyo mismo. Kung ano ang itinanim mo, siya ring aanihin mo. Magtanim kang mabuti.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page