- BULGAR
- Sep 6, 2023
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |September 6, 2023
Dear Sister Isabel,
Nawa’y lagi kayong payapa at panatag upang mas marami pa kayong mapayuhan sa mga problemang kanilang kinakaharap.
Nandito ko sa Hongkong nagtatrabaho bilang Overseas Filipino Worker (OFW). Ang problema ko ay tungkol sa ka-workmate ko. Insecure na insecure siya sa akin nang makita niyang type ako ng boss namin. Siya kasi ang dating paborito pero mula nang dumating ako, sa akin na natuon ang atensyon niya.
Tatlo kaming Pinay na nagtatrabaho rito, nagulat ako dahil hindi na nila ko kinikibo na para bang may nagawa akong kasalanan. Nagtaka ako dahil close naman kami at magaan ang loob namin sa isa't isa. Kinausap ko siya ng masinsinan at tinanong ko kung bakit bigla siyang nagbago ng pakikitungo sa akin. Siniraan pala ako ng isa namin kasama at nag-imbento ng masasakit na salita.
Muntik ko na mapatulan ‘yung babaeng naninira sa akin, mabuti na lang ay kinausap ko kung bakit siya nagbago ng pakikitungo sa akin, nang nalaman ko ang dahilan.
Muntik ko nang sabunutan ‘yung babaeng nanira sa akin. Buti na lang napigilan ko ang sarili ko.
Ano kaya ang dapat kong gawin? Kung kakausapin ko siya baka lalo lang magwala at siguradong hindi niya aaminin ang totoo.
Nawa’y mapayuhan n’yo ako Sister Isabel sa dapat kong gawin para matigil na ang paninira niya sa akin. Aabangan ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Heidi ng Hongkong
Sa iyo, Heidi,
Nakakatuwa naman na umabot na hanggang Hongkong ang Bulgar at isa ka sa maraming nagbabasa nito.
Ang maipapayo ko sa iyo, huwag mo na lang patulan ang kasamahan mo na nanira sa iyo. Lalo mo pang pagbutihin ang trabaho mo para lalo ka pang alagaan ng boss mo.
Hayaan mong mamatay siya sa inggit. Titigil din ‘yan kapag nakita niya na walang epekto sa iyo ang paninira niya, at lalo ka pang hahangaan ng boss n’yo dahil sa husay at galing mo sa pagtatrabaho.
Sa tuwing magkasama kayo r’yan, kumanta ka na lang nang kumanta habang nagwo-work kayo o kaya naman, magsipag ka pa. Ang mga taong naninira ay ‘di nagtatagumpay, at hindi
pinagpapala ng Diyos. Ipagdasal mo na lang na mamulat siya sa katotohanan na ang paninira sa kapwa ay hindi pinapatnubayan, at hindi kailanman magtatagumpay.
Umaasa akong magbabago din ang ugali niya, at nawa’y magising siya sa katotohanan na pinagpapala ang mabubuting tao, at ang masasama ay pinaparusahan habambuhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




