top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 15, 2023


Dear Sister Isabel,


Isang buwan na lang ang itatagal ng buhay ko, at hanggang ngayon ay ‘di ito alam ng pamilya ko. Wala akong lakas na loob sabihin sa kanila ang sitwasyon ko. Mag-isa lang ako rito sa condo ko sa Ortigas. Manager ako ng isang malaking kumpanya.


Pansamantala akong humingi ng leave dahil natuklasan kong may cancer ako sa aking internal organ.


Ayon sa doktor, 1 buwan na lang umano ang itatagal ko. Sinasarili ko lang ang lahat hangga’t kaya ko. Pero nitong mga nagdaang araw, gusto ko nang malaman ng pamilya ko ang katotohanan. Hindi ko na kayang ilihim sa kanila ang problema ko.


Sister Isabel, paano ko kaya sasabihin sa kanila ang kalagayan ko? Tulungan n’yo ako upang maihayag ko sa kanila ang suliraning dinadala ko ngayon. Malaki ang pananalig ko na kayo ang makakatulong sa akin.


Nagpapasalamat,

Bernard ng Pampanga

Sa iyo, Bernard,


Makakabuting lakasan mo ang iyong loob. Sabihin mo sa pamilya mo ang iyong kalagayan. Tiyak na mauunawaan at gagawin nila ang lahat para maisalba ka sa nalalabing taning ng iyong buhay.


Huwag mong sarilinin ang lahat, manalangin ka rin ng taimtim sa Diyos na habaan pa ang iyong buhay. Walang imposible sa Diyos. Malay mo, pagbalik mo isang himala ang mangyari. Wala na ang cancer cell sa internal organ mo.


Umuwi ka na sa inyo at ipagtapat mo na sa iyong pamilya ang katotohanan.


Makakatulong din sila upang ipagdasal ka. Kapag mas marami ang nagdarasal, mas pinakikinggan ng Diyos.


Huwag kang malungkot, hindi ka nag-iisa sa kalagayan mo. Pero, dahil sa pananalig sa Diyos, survivor na sila ngayon at inukol nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa simbahan. Habang may buhay, may pag-asa. Umaasa akong hindi pa katapusan ng mundo para sa iyo. Hahaba pa ang buhay mo at magiging isa sa nagpapatotoo tungkol sa kadakilaan ng Diyos basta’t manalig ka ng tapat na walang halong pag-aalinlangan.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 09, 2023


Dear Sister Isabel,


Natural na sa akin ang pagiging playboy. Hindi ako nakukuntento sa isa, ang bilang ng mga babaeng gusto ko ay dalawa o tatlo.


Nagagawa ko ito kahit na pamilyadong tao na ‘ko. Kaya lang, hindi ko na kayang itago sa asawa ko ang katotohanan na bukod sa kanya ay may isa pa akong asawa na kasalukuyang buntis na.


Kasal kami ng una kong misis, at mayroon kaming dalawa anak. Nagbabanta ‘yung ikalawa kong asawa na guguluhin umano niya ang pamilya ko kapag patuloy ko pa ring tinago ang aming relasyon.


Gusto niyang ipaalam ko na ito sa asawa ko nang sa gayun may karapatan na siyang du’n muna ko pansamantala sa piling niya lalo na ‘pag malapit na siyang manganak.


Ang gusto niyang mangyari ay 3 araw ako sa kanya at ‘yung natitirang araw ay sa tunay kong asawa. Mahirap gawin ‘yun at malamang hindi pumayag ang tunay kong asawa.


Ano’ng gagawin ko? Sana ay matulungan n’yo ko kung ano’ng tamang diskarte sa problema ko. Hihintayin ko ang sagot n’yo.


Nagpapasalamat,

Roberto ng Tarlac


Sa iyo, Roberto,

Tunay ngang mahirap ang napasukan mong sitwasyon. Pero, natitiyak kong maitatama mo ang lahat. Walang lihim na hindi nabubunyag, kausapin mo ng masinsinan ang tunay mong asawa.


Gawin mo ito kapag nakita mong nasa mood siya at mukhang payapa. Naniniwala akong uunawain ka ng asawa mo. Gawin mo ito sa mahinahong pananalita na may halong pagpapakumbaba. Nar’yan na ‘yan. Hindi mo na matatakasan ‘yan, mangako ka sa asawa mo na ‘di magbabago ang pagmamahal mo sa kanila ng mga anak mo.


Mangako ka rin na hindi mo sila pababayaan pagdating sa financial, at patuloy ka pa ring magbibigay ng panggastos sa lahat ng pangangailangan nila sa buhay. Tuparin mo ang iyong pangako at manatiling mahinahon sa lahat ng sandali. Sa aking palagay ay tatanggapin ng asawa mo ang paliwanag mo tungkol sa gustong mangyari ng pangalawang asawa mo. Lahat ng problema ay may solusyon basta’t idadaan sa mahinahong pamamaraan. Lakip nito ang dalangin ko na maging maayos ang lahat sa susunod na mga araw, patnubayan ka nawa ng Maykapal.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 09, 2023


Dear Sister Isabel,


Dalawa kaming magkapatid at ako ang panganay. Babae ako pero habang tumatagal ay napapansin kong nag-iiba ang pakiramdam ko lalo na ‘pag may kasama akong kapwa ko rin babae.


Nagiging pusong lalaki ako, at nagkakaroon ako ng pagnanasa kapag may maganda at sexy akong nakakasama. Minsan, ‘di ko na mapigilan ang sarili ko at nahihipuan ko na sila. Hindi ito alam ng magulang at kapatid ko. Pero, hanggang kailan ko ito itatago?


Balak ko nang humiwalay sa pamilya ko para ‘di nila ako mabisto. Tama ba ang gagawin ko?


Tanggap ko na sa sarili ko na ako ay isang tomboy. ‘Yun nga lang, ayokong malaman ito ng pamilya ko dahil natatakot ako na baka kung ano ang sabihin nila tungkol sa akin.


Ano ang maipapayo n’yo sa akin Sister Isabel?


Nagpapasalamat,

Betsai ng Dagupan


Sa iyo, Betsai,


Tanggap na ng lipunan ang status mo. Sa madaling salita, malalaman din ng parents mo ang kalagayan mo kahit na bumukod ka pa. Ihanda mo na ang iyong sarili kung sakaling matuklasan nila ito.


Sa palagay ko ay mauunawaan ka nila, kaya ipanatag mo na ang iyong isipan. Kung saan ka masaya, ru’n ka. Mahirap namang harapin ang buhay na may itinatagong lihim.


Siguraduhin mo ring hindi ka nagkakamali sa totoong pagkatao mo. Siguraduhin mo kung ano talaga ang kasarian mo. Babae nga ba o lalaki? Makakabuti rin siguro sumangguni ka sa eksperto tungkol sa iyong kasarian, upang higit kang maliwanagan sa iyong pagkatao. Anu't anuman, buhay mo pa rin ‘yan. Kung saan ka masaya, payapa, panatag ang isipan, ‘yun ang iyong tahakin.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page