top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | November 22, 2023


Dear Sister Isabel,


Isa akong bilanggo. Hindi alam ng asawa’t anak ko na narito ako sa bilibid. Ang akala nila ay patay na ako. Ang nangyari tuloy, makalipas ang limang taon na wala akong contact sa misis ko, nag-asawa siyang muli. Masakit sa aking kalooban, pero tinanggap ko na rin.


3 years na ang nakakalipas mula nang magkaroon siya uli ng bago, nabigyan ako ng parole.


Makakalaya na ako sa susunod na buwan. Gulung-gulo ang isip ko kung paano ako makakabalik uli sa pamilya ko para makapiling sila.


Ano ang dapat kong gawin? Balita ko ay masaya naman sila sa piling ng kanilang bagong tumatayong ama. Sana ay mapayuhan n’yo ako sa kung ano ang dapat kong gawin.


Umaasa,

Bert ng Mindoro


Sa iyo, Bert,


Isang mapagpalang araw sa iyo. Sana gabayan ka ng Diyos sa muli mong paglaya. Medyo komplikado ang problema mo, pero dapat mo itong tanggapin. Hindi mo masisisi ang asawa mo kung may iba na siya. Ang mahalaga maayos ang buhay nilang mag-iina at masaya sila sa ipinalit ng asawa mo. Sadyang ganyan ang tadhana, ‘di natin alam ang nakatakda. Gayunman, makabubuting makipagkita ka sa asawa’t anak mo.


Kung anuman ang kalabasan, tanggapin mo nang maluwag sa iyong kalooban. Kung pabor sa iyo, mas mainam. Kung hindi naman, pag-usapan n’yong mabuti ang dapat mong gawin upang maging maayos ang lahat. Naniniwala akong mauunawaan din nila ang mga pangyayari. Magiging maayos din ang lahat. Wala namang bagay na ‘di nasosolusyunan kung haharapin ito nang maayos at bukas ang puso’t isipan. Diyos lamang ang nakakaalam, basta’t dumulong ka lang sa kanya. Manalangin at magdasal ka sa Dakilang Kataas-taasan bago mo puntahan ang pamilya mong napawalay sa iyo.


Sumaiyo nawa ang gabay ng banal na espiritu upang muli kang lumigaya.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | November 20, 2023


Dear Sister Isabel,


Nahihiwagaan ako sa buhay ko at ‘di ko alam kung matutuwa ba ako o hindi. Mula ako sa angkan ng may gift from up above gaya ng gift of healing, intuition, vision and vibration. May third eye rin ako. Nakikita ko ang mga bagay na hindi nakikita ng pangkaraniwang tao. Maski lahat ng sabihin ko ay nagkakatotoo. Pero, hindi ako masaya sa mga power na tinataglay ko.


Dalawang beses na ako na-biyuda. Kapag nahihirapan ako sa buhay may asawa, agad na pumapanaw ang ang mga mahal ko. Kaya napagdesisyunan kong huwag na lang mag-asawa. Minsan napapaisip ako, “mamamatay tao ba ako?” Nagi-guilty ako sa pagkamatay ng dalawa kong asawa. Sa totoo lang, may gift of healing din ako. Kahit na naghihingalo, kaya kong habaan ang kanilang buhay. Awa ng Diyos marami na akong napagaling dahil sa aking healing prayer every 3:00 a.m.


Ayoko na sana itong gamitin. Gusto ko na lang maging normal na indibidwal na mayroong simpleng buhay at walang responsibilidad na dapat gawin. Sinubukan ko itong tigilan, pero nagkasakit ako. Mayroon din akong narinig na malakas na boses at ang sabi ay “Sulong, humayo ka. Gampanan mo ang tungkuling inatas namin sa iyo.


Sulong, humayo ka!” Nagtago ako sa cr para ‘di ko na marinig ang malakas na tinig na ‘yun. Subalit, paglabas ko ng cr, muli ko na namang narinig ang malakas na boses na paulit-ulit na sinasabi ang kanyang mensahe.


Napakahiwaga ng buhay ko, may alam ba kayo para mawala o mabawasan na itong spiritual power ko? Gusto ko nang mamuhay ng normal. Sana ay matulungan n’yo ko.


Nagpapasalamat,

Vicente ng Capiz


Sa iyo, Vicente,


Mapalad ka at pinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang mga kapangyarihang wala sa ibang tao.


Dapat mo itong ipagpasalamat sa Diyos. Sundin ang kanyang kalooban. Natitiyak kong sasaiyo rin ang kanyang patnubay habang ginagamit ka Niya rito sa lupa. ‘Di ka ba nasisiyahan? Marami kang napapagaling sa pamamagitan ng iyong gift of healing?


Maraming buhay kang nadudugtungang sa pamamagitan ng prayer mo? Huwag mong isipin ikaw ang dahilan kung bakit binawi agad ng Diyos ang buhay ng dalawa mong asawa, baka hanggang du’n na lang talaga ang buhay nila. Makabubuting ituloy mo na lang ang mga gift ng holy spirit na pinagkatiwala sa iyo ng langit. Hindi ka pababayaan ng Diyos. Tuluy-tuloy ang pagpapala at magandang buhay hanggang sa wakas ng panahon. Lagi mong isipin “God loves you and He has wonderful plan for you.” Sana ay maunawaan mo ang payo ko. Tuluy-tuloy mong gamitin sa kapwa ang kapangyarihang minana mo pa mula sa iyong mga ninuno. Huwag mo lang itong gamitin sa masama.


Ikaw ang naatasan ng Diyos na gumanap nito. Walang hanggang pagpapala ang sasaiyo basta't sumunod ka lamang sa kalooban Niya.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | November 15, 2023


Dear Sister Isabel,


Isa akong tindera ng gulay sa palengke. Hiniwalayan ako ng mister ko dahil sa kanyang kerida. Kaya ngayon, mag-isa ko na lang itinataguyod ang dalawa naming anak. Nagkabaun-baon na ako sa utang, at hindi ko na kaya itong bayaran. Pati ang kapatid ko galit na sa akin dahil hindi ko na naibalik ‘yung malaking halagang inutang ko sa kanya.


Natuto akong tumaya ng jueteng, nu’ng una tumatama pa ako kaya nabawas-bawasan ang utang ko. Pero nitong huli, hindi na ulit ako nanalo. Balik sa dating gawin, utang dito, utang du’n at lahat ng iyon ay patubuan. Hirap na hirap na ako sa buhay ko. Kung minsan, balak ko nang patulan itong manliligaw kong mayaman kaya lang ay pamilyado na. Alam kong mali ang gagawin ko, pero sa hirap ng buhay na dinaranas ko, tatanggapin ko na sa buhay ko ang lalaking ito na may matinding paghanga sa akin. Tiyak na malulutas na problema ko sa pera. Magiging buhay doñia na ko kung tatanggapin ko ang pag-ibig niya. Tama ba ang iniisip ko? Gusto ko lang talagang makaahon sa hirap. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,

Lilibeth ng Bulacan


Sa iyo, Lilibeth,


Ang buhay ay sadyang ganyan. Kani-kanyang pagsubok lang na halos hindi na kayang pasanin.


‘Ika nga ng matandang kasabihan, “tiis-tiis lang, walang permanente sa mundo, lilipas din ang lahat” mahahango ka rin sa kalagayang dinaranas mo sa kasalukuyan.


Diskarte lang ang dapat mong ipatupad. Kung mahina ang iyong kinikita sa tinda mong gulay eh ‘di ibahin mo ang negosyo mo. Subukan mo ring magtinda ng fishball, kikiam, tokneneng at ihaw-ihaw. Sa palagay ko, mas kikita ka r’yan kesa sa gulay na itinitinda mo ngayon. Huwag ka na ring makipagsapalaran sa jueteng. Sugal ‘yan at hindi ka yayaman d’yan.


Tungkol naman sa manliligaw mong mayaman, huwag ka rin masyadong magtiwala sa kanya.


Baka ‘pag nakuha na niya pagkababae mo, mag-disappear na lang din siya bigla. Isa pa ang sabi mo ay may asawa siya, gulo lang ang idudulot niya sa buhay mo. Subukan mo na lang lumapit sa mga ahensya na nagbibigay ng maliit na puhunan o kaya pumunta ka sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sana matuto ka ring magkaroon ng panahon sa Diyos, magsimba ka tuwing Linggo, magdasal bago matulog, at humingi ka ng tulong sa Diyos. Malaking bagay sa buhay ng isang tao ang pagiging madasalin at palasimba.


Hindi pababayaan ng Diyos ang sinumang lumalapit sa kanya. Marahil ay wala ka ng panahon sa Diyos at hindi mo man lang magawang magsimba tuwing Linggo. Tama ba ko? Ugaliin mong maging madasalin at palasimba upang ang Diyos na mismo ang kumilos para unti-unti ka ng makaahon sa kahirapan.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page