top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 8, 2023


Dear Sister Isabel,


Wala na yatang katapusan ang problema ko. Solo parent ako, may isa akong anak na 5-taong gulang at sobrang kulit. Bukod du’n ay nananakit din paminsan-minsan. Hindi tuloy nakapagpigil ‘yung yaya niya at noong saktan niya ito, sinaktan din siya ng kanyang yaya at binatukan niya ang anak ko. Sa galit ko nasampal ko nang malakas ang yaya namin.


Nagdemanda siya at humihingi ng malaking halaga para iurong ang kasong isinampa niya laban sa akin. Hindi ako nagbigay ng pera sa halip, nag-file ako ng counter demand na child abuse.


Nanalo ako sa kasong sinampa niya dahil wala siyang testigo na sinaktan ko siya.


Hindi rin siya nakapag-medical at nahalata ng mediator namin na gusto niya lang akong pagkakitaan.


Pinagbayad siya ng malaking halaga para sa danyos perwisyo. Wala siyang maibayad kaya nakiusap na lang siya na ‘wag ko nang ituloy ang kasong sinampa ko sa kanya dahil malaki ang tsansang matalo na naman siya. Hindi ako pumayag kahit naaawa ako sa kanya. Tinuloy ko pa rin ang kaso.


Tama ba ang ginawa ko? Kahit humingi na ng tawad ‘yung katulong ko at wala ring pera maibigay sa akin du’n sa unang kaso namin? Hihintayin ko ang payo n’yo.

Nagpapasalamat,

Dorris ng East Avenue, Quezon City.

Sa iyo, Dorris,


Ang maawain at mahabaging puso ay pinagpapala at buhus-buhos na biyaya ang dumarating. Ang maipapayo ko sa iyo ay patawarin mo na ang katulong mo.


Sa umpisa parang mahirap gawin, pero kung isasaalang-alang mo na malapit na ang Pasko, give love on Christmas. Iminumungkahi kong patawarin mo na siya. Ang makagawa ka ng kabutihan sa iyong kapwa ngayong Pasko ay kalugud-lugod sa Diyos.


Huwag mo nang ituloy ang sinampa mong kaso sa katulong mo. Patawarin mo na siya.


Natitiyak ko, malulugod sa iyo ang Diyos ‘pag ginawa mo ‘yun. Sasaiyo rin ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Dakilang Lumikha.


Gagaan din ang loob mo at napakasarap ng magiging pakiramdam mo sa sandaling napatawad mo na siya. Hanggang dito na lang. Maligayang Pasko sa inyong lahat.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 4, 2023


Dear Sister Isabel,


Isa akong bilanggo. Hindi alam ng asawa’t anak ko na narito ako sa bilibid. Ang akala nila ay patay na ako. Ang nangyari tuloy, makalipas ang limang taon na wala akong contact sa misis ko, nag-asawa siyang muli. Masakit sa aking kalooban, pero tinanggap ko na rin.


3 years na ang nakakalipas mula nang magkaroon siya uli ng bago, nabigyan ako ng parole.


Makakalaya na ako sa susunod na buwan. Gulung-gulo ang isip ko kung paano ako makakabalik uli sa pamilya ko para makapiling sila.


Ano ang dapat kong gawin? Balita ko ay masaya naman sila sa piling ng kanilang bagong tumatayong ama. Sana ay mapayuhan n’yo ako sa kung ano ang dapat kong gawin.


Umaasa,

Bert ng Mindoro


Sa iyo, Bert,


Isang mapagpalang araw sa iyo. Sana gabayan ka ng Diyos sa muli mong paglaya. Medyo komplikado ang problema mo, pero dapat mo itong tanggapin. Hindi mo masisisi ang asawa mo kung may iba na siya. Ang mahalaga maayos ang buhay nilang mag-iina at masaya sila sa ipinalit ng asawa mo. Sadyang ganyan ang tadhana, ‘di natin alam ang nakatakda. Gayunman, makabubuting makipagkita ka sa asawa’t anak mo.


Kung anuman ang kalabasan, tanggapin mo nang maluwag sa iyong kalooban. Kung pabor sa iyo, mas mainam. Kung hindi naman, pag-usapan n’yong mabuti ang dapat mong gawin upang maging maayos ang lahat. Naniniwala akong mauunawaan din nila ang mga pangyayari. Magiging maayos din ang lahat. Wala namang bagay na ‘di nasosolusyunan kung haharapin ito nang maayos at bukas ang puso’t isipan. Diyos lamang ang nakakaalam, basta’t dumulong ka lang sa kanya. Manalangin at magdasal ka sa Dakilang Kataas-taasan bago mo puntahan ang pamilya mong napawalay sa iyo.


Sumaiyo nawa ang gabay ng banal na espiritu upang muli kang lumigaya.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | November 27, 2023


Dear Sister Isabel,


Ulilang lubos na ako, pero may maganda naman akong trabaho ngayon. Masaya naman ako dahil sa pagiging palasimba ko. Masaya ako t’wing natatapos ko na ang aking duty sa simbahan. Ganyan ang buhay ko araw-araw. Nakasanayan ko na hindi gaanong lumabas ng bahay maliban na lamang kung magsisimba.


Hindi ako sanay makihalubilo sa aking mga kapitbahay. Naguguluhan ako kapag maraming tao sa aking paligid kaya kapag nasa bahay ako, mas nag-eenjoy ako kahit mag-isa lang ako.


Nagsusulat din ako ng mga tula, kuwento at sanaysay. Kuntento na ako sa ganitong buhay. Ang problema ko ay nagkaroon ako ng kaugnayan sa aming pari. Nagkaroon kami ng something, lihim kaming nagtatagpo sa labas. Masaya kami pareho kapag magkasama kami. Alam naming kasalanan ito, pero wala kaming magagawa.


Hanggang sa natuklasan kong buntis ako. Opo, Sister Isabel, nabuntis ako ng paring karelasyon ko. Hindi ko na alam kung itutuloy ko pa ba ang pagbubuntis ko para makaiwas sa iskandalo o papayag ako sa mungkahi ng pari kong boyfriend na magpakalayu-layo na lang sa lugar namin. Dadalawin niya na lang umano ako paminsan-minsan.


Ano ang dapat kong gawin? Susundin ko ba ang payo ng pari kong nobyo o mas maiging itigil na lang namin ang aming relasyon? Gulung-gulo na ang isip ko. Sana mapayuhan n’yo ko sa dapat kong gawin. Iniisip ko na kasing ipa-abort ito. 2 months palang naman ito. Hindi pa siya baby. Ano ang aking gagawin, Sister Isabel? Tulungan n’yo ako.


Nagpapasalamat,

Sharon ng Nueva Ecija


Sa iyo, Sharon,


Ayan na nga ba ang sinasabi ng marami, hindi lahat ng pari ay matino. Mayroon ding mahilig sa babae at nakikipagrelasyon ng lihim. Kung sabagay, tao lang sila. Normal sa isang lalaki ang makipagkaibigan sa mga babae at matukso sa tawag ng laman.


Ang maipapayo ko sa iyo, putulin mo na ang relasyon mo sa paring nakabuntis sa iyo.


Lumayo ka na sa lugar na iyan at du’n mo isilang ang sanggol sa sinapupunan mo.


Huwag na huwag mo ‘yan ipapa-abort. Malaking kasalanan sa Diyos ang iniisip mo.


Nand’yan na ‘yan, kaya pangatawanan mo na. Tanggapin mo na lang na ikaw ay biktima ng mapagbirong tadhana. Humingi ka ng tawad sa Diyos dahil sa pagpatol mo sa isang pari na walang karapatang mag-asawa dahil sa propesyong kanyang pinasok na ang sinumpaang mamahalin at paglilingkuran habambuhay ay si Hesukristong ating Panginoon lamang. Inuulit ko, huwag mong ipalaglag ang bata sa iyong sinapupunan.


Malay mo, maging pari rin ‘yan. Ikaw ang napili ng Diyos na maging ina. Mahiwaga ang buhay na tanging Diyos lamang ang nakakaalam. Harapin mo ng buong tapang ang nangyari sa iyo.


Tutulungan ka ng Diyos. ‘Yan ang isipin mo. Hindi ka niya pababayaan, at sana ‘di na maulit ang pagpatol mo sa pari. Naniniwala akong may nakalaan pa sa iyo na magiging kabiyak ng puso mo na kung saan, liligaya at magkakaroon ka ng sariling pamilya.


Makakatagpo ka na ng lalaking walang sabit na inilaan sa iyo ng tadhana, at matatanggap ka niya bilang ikaw kahit may anak ka na.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page