top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 15, 2023


Dear Sister Isabel,


Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan gayundin ang mga kasamahan n’yo r’yan sa Bulgar. Lagi akong nagbabasa sa column n’yo. Nakakapulot ako ng mga aral sa pina-publish n’yo at kung paano sosolusyunan ang mga ito. ‘Di ko sukat akalain na may darating din palang problema sa akin na magpapagulo nang husto sa puso’t isipan ko. Naglilingkod ako sa simbahan, pagkatapos ng duty ko, umuuwi agad ako sa bahay para makaiwas sa pakikipagtsismisan sa mga kasamahan ko. 



Ang problema ko ay ang ex-boyfriend ko na nasa abroad. Umuwi na siya rito sa ‘Pinas, ayaw niya akong tantanan, at lagi siyang nakasubaybay sa akin. Umiiwas na ako dahil mayasawa siya. 


Nang bumalik ako rito sa ‘Pinas, dinededma ko lang siya na para bang hindi ko siya kilala. Kasalanan sa mata ng Diyos at sa mata ng tao kung patuloy akong makikipagrelasyon sa kanya. Gayunman, lagi pa rin siyang nakabuntot sa akin.


Sunod nang sunod kahit ‘di ko naman siya pinapansin. Hanggang isang araw, nabalitaan ko na namatay na ang asawa niya. Lalo siyang naging masigasig na ligawan ako at handa umano siyang pakasalan ako. Mayaman siya, may kotse at tiyak na masusunod ang layaw ko ‘pag pinatulan ko siya. Nag-iisa na lang siya sa buhay dahil ang mga anak niya ay may sari-sarili na ring pamilya. Kaya lang, pareho na kaming senior citizen . Ngayon pa ba ako mag-aasawang muli? 


Ano sa palagay n’yo, Sister Isabel? Tatanggapin ko ba siya sa buhay ko, kahit maputi na pareho ang aming buhok? Masakit na rin ang tuhod at malabo na ang paningin ko? Nawa’y gabayan n’yo ako sa pagpapasya.

 

Nagpapasalamat,

Vilma ng Batangas

 

Sa iyo, Vilma,


‘Ika nga sa kasabihan, “kalabaw lang ang tumatanda”. Ang puso ng tao ay nanatiling bata at naghahangad na may magmahal at mahalin din siya ng wagas. Age is just a number. Huwag mong pigilan ang damdamin mo dahil lamang senior citizen ka na.


Umibig ka upang ibigin ka rin. Enjoy your life. Minsan lamang tayo tumapak sa mundong ito, at hindi na tayo makababalik pa kung sakaling kunin na tayo ni Lord. 


Samantalahin mo ang pagkakataon habang may nagmamahal pa sa’yo. Ang pag-aasawa ay hindi lamang sex. Tanggapin mo na ang pag-ibig sa iyo ng dati mong dyowa sa abroad tutal biyudo na siya ngayon. Hindi na kasalanan sa Diyos na patulan mo siya.


Walang masama kung itutuloy n’yo ang naudlot n’yong pagmamahalan. Ngayon na ang tamang panahon para kayo ay lumigaya.

 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 12, 2023


Dear Sister Isabel,


Advance Merry Christmas sa inyo r’yan. 


Gusto kong sumangguni sa inyo, kasi alam kong kayo lang ang makakapagpalubag ng loob ko ngayon. Nawawala ang anak ko at hindi namin siya makita. Kung saan-saan na namin siya hinanap at nag-report na rin kami sa pulis, pero hindi pa rin namin siya makita. Kade-debut pa lang niya nu'ng nawala siya. Simula nang mawala siya, ‘di na ko nakakain at nakatulog. Malaki na rin ang pinayat ko. May alam ba kayong orasyon para magbalik ang isang taong nawawala? Kung meron, tulungan n’yo ako.


Nagpapasalamat,

Grace ng Masbate


Sa iyo, Grace,


Ikalma mo ang iyong kalooban. Ang pinakamaganda mong gawin ay magdasal ng taimtim na walang halong alinlangan upang dinggin ng Diyos ang panalangin mo na bumalik na ang nawawala mong anak. Humingi ka ng tulong sa Diyos. Walang imposible sa Diyos basta’t manalig ka lang sa kanyang kapangyarihan. Mag-novena ka kung kinakailangan. 9 days novena kung sino man ang patrong pinananaligan mo.


Sa tanong mo kung may alam akong orasyon o dasal para bumalik ang anak mo, dasalin mo ang Sumasampalataya at tumigil ka sa salitang “paririto” bigkasin mo ang iyong kahilingan sabay banggit ng buong pangalan ng iyong anak. Ang sunod mong bigkasin ay “bumalik ka na sa amin, pumarito ka na muli sa bahay natin. Hinihintay ka na namin.” Dasalin mo ito ng 49 days. Mabisa ang dasal na ‘yan. Marami nang lumayas o nawala ang nakabalik dahil sa dasal na ‘yan. Subukan mo, wala namang mawawala kung susubukan mo ito. Nawa makabalik na sa lalong madaling panahon ang anak mo.


Martes o Biyernes mo umpisahan ang dasal na walang patlang, hihina ang bisa ng dasal kapag napatlangan. Hanggang dito na lang. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Habang may buhay, may pag-asa. Isang araw magugulat ka na lang, nasa harapan mo na ang nawawala mong anak.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 10, 2023


Dear Sister Isabel,


Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan gayundin ang inyong pamilya at mga kasamahan d’yan sa Bulgar. 


Isa akong lesbian pero hindi halata dahil napakaganda ko umano. Walang nakakaalam ng lihim ko, kundi ako lang, maski ang mga magulang ko ay wala ring alam. 


Ang problema ay nahihirapan na akong itago ang tunay kong pagkatao. Gusto ko nang malaman ng lahat na ako ay isang tomboy. Ano ang tamang diskarte para hindi mabigla ang mga mahal ko sa buhay at iba pang taong nakapaligid sa akin?


Hihintayin ko ang payo n’yo.

 

Nagpapasalamat, 

Baste ng Batangas

 

Sa iyo, Baste,


Sa panahon ngayon, tanggap na ng lipunan ang kagaya mo. Sa palagay ko ay mauunawaan ka rin ng mga taong nakapaligid sa iyo lalo na ng parents mo. Lumantad ka na upang lumuwag na ang pakiramdam mo, at para gumaan na rin ang pamumuhay mo. Huwag kang mag-alala sa sasabihin ng ibang tao sa iyo. Ang mahalaga nagpakatotoo ka sa sarili mo, at lumagay ka sa tamang landas ng buhay. 

 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page