top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Enero 8, 2024


Dear Sister Isabel,


Umiibig ako ngayon sa pinsan ko. Sa katunayan, magkasintahan na kami ngayon.


Pero, lihim lang ito dahil iisang dugo lang ang nananalaytay sa amin. Mahal na mahal namin ang isa’t isa at ikamamatay ko kung hindi kami ang magkakatuluyan.


Balak na naming lumayo at magsama na ng tuluyan dahil kamatayan lamang ang makakapaghiwalay sa amin. Ngunit nitong mga nakaraang araw, nag-aalala ako na baka matuklasan na ng mga parents namin ang namamagitan sa amin. Tiyak na magagalit ang mga magulang namin kapag natuklasan nila ang aming relasyon. 


Ano kaya ang dapat kong gawin? Lagi akong balisa sa kasalukuyan, hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,

Jonathan ng Naga City


Sa iyo, Jonathan,


Hindi mo sinabi kung ilang taon ka na sa kasalukuyan. Sa palagay ko ay bata ka pa at walang kamuwang-muwang sa buhay may asawa at wala ring alam na kapag magpinsang buo ang nagkatuluyan, magiging abnormal o special child ang kanilang magiging anak. Hindi mo marahil alam ang mga nabanggit ko. Gayunman, ang maipapayo ko ay itigil mo na ang pakikipagrelasyon sa pinsan mo. Harapin ang katotohanan na hindi talaga kayo puwedeng magkatuluyan. Kalimutan mo na ang kahibangan mo, at lumagay ka sa ayos. Layuan mo na ang pinsang buo mo. Sa umpisa ay mahirap ngunit kung iisipin mo na magpinsan buo kayo at isang dugo lang ang nananalaytay sa inyo, natitiyak kong unti-unti mong makakayanan na layuan siya, putulin mo na ang inyong relasyon para sa ikabubuti n’yo. Nakatitiyak ko na kung hindi ka na magpapakita sa pinsan mo, unti-unti na rin niyang matatanggap na hindi kayo ang nakatakda para sa isa't isa. Hindi pa ‘yan ang inaakala n’yong totoong pag-ibig, infatuation lang yan. Iwasan mo na siya bago pa mahuli ang lahat.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 4, 2024


Dear Sister Isabel,


Akala ko kapag nag-asawa ko, magiging masaya at maayos na ang pamumuhay ko. Ngunit hindi pala, kalbaryo ang sinapit ko sa napangasawa ko na mama's girl.


Ayaw niyang humiwalay sa kanyang ina, at dahil mahal ko siya, napilitan akong du’n na rin tumira sa bahay nila kahit na labag sa kalooban ko. Hanggang sa nagkaanak kami ng tatlo. Hinimok ko ang asawa ko na bumukod na kami upang magkaroon na kami ng masayang pamilya, at para wala na ring nakikialam na in-laws. Sinabi ko sa kanya na nahihirapan na ako sa sitwasyon namin kahit na may sarili na kaming pamilya.


Bumili na ako ng house and lot for my family, para pumayag na ang asawa ko na magbukod kami, pero hindi ko pa rin siya makumbinsi. 


Ano ang puwede kong gawin para pumayag ang asawa ko sa gusto kong mangyari? Napapaisip tuloy ako minsan na mag-asawa na lang kaya ako ng iba?


‘Yung susunod sa mga gusto ko. Muntik-muntikanan na akong matukso at

kumuha ng pangalawang asawa. Hindi ko na matitiis na habambuhay nakatira sa biyenan, gayung kaya ko namang buhayin ng maayos at sagana ang pamilya ko. 


Ano ba ang maaari n’yong ipayo sa akin? Hirap na hirap na talaga ako sa sitwasyon ko ngayon sa piling ng mga biyenan ko. Umaasa ako sa pamamagitan ng inyong payo upang malutas ang problemang kinasadlakan ko sa kasalukuyan.

 

Nagpapasalamat,

Garry ng Nueva Ecija

 

Sa iyo, Garry,


Nararamdaman ko ang hirap ng kalooban na dinaranas mo sa piling ng iyong biyenan, gayung kaya mo namang itaguyod ang iyong pamilya at bigyan sila ng maayos na pamumuhay. 


Ang maipapayo ko sa iyo ay kausapin mo ang biyenan mong lalaki na himukin niya ang kanyang asawa na yaman din lang may mga anak na kayo ng asawa mo at kaya mo naman silang bigyan ng magandang buhay, hayaan na kayong bumukod at tumayo sa sarili n’yong mga paa. Palayain na umano niya ang asawa mo. Ipaliwanag mong mabuti na kapag nag-asawa na ang isang babae dapat na siyang sumama sa asawa niya, at humiwalay na sa magulang. Hindi na dalaga ang kanilang anak, may sarili na siyang pamilya. Kausapin niya rin ang asawa mo na dapat siyang sumunod sa iyo para sa ikabubuti ng inyong pagsasama.


Umaasa akong magiging maayos ang pakikipagusap mo sa biyenan mong lalaki. Lahat ay nadadaan sa masinsinang pag-uusap. Natitiyak kong malulutas na ang problema mo. Papayag na ang asawa mo na iwan ang mommy niya upang sumama sa iyo. 


Sumasaiyo,


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 3, 2024


Dear Sister Isabel,


Suwerte ako sa buhay dahil mayroon akong bahay sa Tagaytay na kung saan mayayaman lang ang nakaka-afford. Binili ‘yun ng anak ko na nagtatrabaho sa abroad para roon na ako tumira at para na rin tuwing magbabakasyon siya sa Pilipinas ay may disente siyang bahay. 


Ang problema ay isa akong church leader sa probinsya namin. May sarili akong religious group kaya umuuwi ako ru’n once a month upang pangasiwaan ang aming mga gawaing spiritual. Kung wala ako, tiyak na mabubuwag ang grupo namin at ayokong mangyari ‘yun. Dahil dyan, nagtampo ang anak ko sa abroad.


Gusto niyang bitawan ko na ang mga gawain ko sa simbahan, at du’n na lang mamalagi sa Tagaytay para ‘di rin mapabayaan ang bahay na pinundar niya. 


Hindi ko na alam ang gagawin ko. Parang hindi ko kayang bitawan ang grupo kong pinangangasiwaan sa simbahan. Ayokong mabuwag iyon. Isa pa, nanghihina at nagkakasakit ako kapag walang gawaing spiritual. Parang vitamins ko na ang paglilingkod sa Diyos. 


Ano ang maipapayo n’yo sa akin, susundin ko ba ang anak ko o ang tawag ng gawaing spiritual na siyang nagpapanatiling malusog sa tunay kong edad?


Nagpapasalamat,

Elizabeth ng Lucban, Quezon


Sa iyo, Elizabeth,


Kausapin mo nang maayos ang anak mo. Ipaliwanag mong mabuti ang kalagayan mo sa simbahang pinaglilingkuran mo. Tutal naman kamo once a month lang iyon o kahit sabihin pang inaabot ka ng two weeks sa probinsya para gampanan ang gawaing nakaatang sa iyong balikat. Sa palagay ko ay maiintindihan ka ng anak mo basta’t ipakita mo lang na maayos naman ang bahay na binili niya, at hindi mo naman pinapabayaan. 


Hanggang dito na lang, daanin mo sa diplomasya ang anak mo, hindi sa magulong pagpapaliwanag. Cool ka lang, taunin mo na nasa mood siya kapag kinausap mo na siya. Gagabayan ka ng Diyos sa iyong pakikipag-usap sa anak mo. Tiyak ko iyan sapagkat ikaw ay tagapaglingkod niya.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page