top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 4, 2021



ree

Nabakunahan na ng Sinovac kontra COVID-19 si Manila Mayor Isko Moreno sa Osmeña High School sa Tondo, Maynila ngayong araw, Abril 4.


Ayon sa ulat, si Vice- Mayor Dr. Honey Lacuña ang nagturok sa alkalde na nasa A3 priority list, kabilang ang edad 18 hanggang 59 na may comorbidities.


Matatandaang inaprubahan na ng lokal na pamahalaan ang pagpapaturok ng mga alkalde kontra COVID-19 sa mga high-risks na lungsod at munisipalidad.


Umabot na sa 3,179 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Maynila, habang 4,012 ang active cases, 38,258 ang gumaling at 909 ang namatay, batay sa huling tala. Samantala, inilalaan naman ng pamahalaang lungsod ang bakunang AstraZeneca para sa mga prayoridad na senior citizen.


“The best vaccines are those vaccines available nowadays. The most efficient vaccine is the one in your arms," giit pa ni Moreno.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 30, 2021



ree

Dumating na sa Davao City International Airport ang karagdagang 7,200 doses ng Sinovac COVID-19 vaccines, ayon sa Department of Health XI ngayong umaga, Marso 30.


Batay sa ulat, umabot na sa mahigit 60,000 doses ng Sinovac at AstraZeneca ang kabuuang bilang na kanilang natanggap, kung saan tinatayang 28,350 frontliners na ang nabakunahan ng unang dose sa 166 vaccination sites sa iba't ibang bahagi ng Davao region.


Giit pa ni Mayor Sara Duterte-Carpio, "Of course dili na siya okay. Giingnan na nato atong vaccine cluster to strictly follow the priority list, especially kanang 1A ug 1B kay mao na siya ang mu-cover sa mga frontliners."


Aniya, sinabihan nila ang vaccine cluster head na istriktong sundin ang mga nasa priority list, partikular na ang 1A at 1B na prayoridad mabakunahan. Sa ngayon ay maaari na ring pumunta ang ibang residente sa distrito at barangay health centers para sa pre-registration ng mga nais magpabakuna.

 
 

ni Lolet Abania | March 29, 2021



ree

Dumating na ang isang milyong doses ng COVID-19 vaccine ng Sinovac na gawa ng China ngayong Lunes ng hapon, kung saan unang supply ito ng bakuna na binayaran ng pamahalaan na nai-deliver sa bansa.


Bandang alas-5:00 ng hapon dumating ang isang milyong doses sa Villamor Air Base sa Pasay City na first batch para sa kabuuang 25 milyong doses ng CoronaVac na kinukuha ng gobyerno.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang isang milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccine ay nagkakahalaga ng P700 milyon.


Base sa evaluation ng Food and Drug Administration (FDA), ang Sinovac ay may efficacy rate na 65.3% hanggang 91.2% sa mga malulusog na indibidwal na nasa edad 18 hanggang 59.


Gayunman, ang efficacy rate ng Sinovac ay umabot lamang sa 50.4% para sa healthcare workers na may exposure sa COVID-19, kaya hindi ito inirerekomenda ng FDA sa kanila.


Subalit para sa National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), sumasang-ayon silang maaaring i-administer ang Sinovac sa mga health workers dahil anila, 100% epektibo ito upang mapigilan ang severe COVID-19 symptoms.


Inaprubahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit sa isang milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccines na binili ng pamahalaan para mabakunahan ang mga health workers sa mga lugar na mataas ang bilang ng COVID-19 cases gaya ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City at Davao City.


Bago nai-deliver ang isang milyong doses ng CoronaVac ngayong Lunes, nakatanggap na ang bansa ng isang milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccine na donasyon ng gobyerno ng China habang 525,600 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine mula naman sa global aid ng COVAX facility.


Tinatayang mahigit sa 600,000 health workers na ang naturukan ng COVID-19 vaccines sa bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page