top of page
Search

ni Lolet Abania | February 14, 2022


ree

Matapos ang hagupit ng Bagyong Odette, muling binuksan sa mga turista ang Siargao Island, ang tinaguriang world-class surfing destination ng bansa.


Sa isang teleradyo interview ngayong Lunes kay Mayor Prosferina Coro ng bayan ng Del Carmen, Surigao del Norte, ang paliparan sa Siargao ay nagbukas na makalipas ang ilang buwan na sarado ito dahil sa matinding pinsala na idinulot ng bagyo.


“Bukas na po ang tourism natin,” sabi ni Coro na aniya, ilang resorts na rin ang nagbalik na sa kanilang operasyon.


“Maayos-ayos na po kami ngayon,” dagdag niya habang patuloy ang recovery efforts na kanilang isinasagawa sa lugar.


Ayon naman kay Cielo Villaluna, spokesperson ng Philippine Airlines, ang kanilang mga flights sa Siargao ay magre-resume sa Pebrero 22, gamit ang kanilang 86-seater De Havilland Dash 8-400 NG aircraft.


“We look forward to resuming flights to Siargao. PR2971/2972 Manila-Siargao-Manila will operate every Tuesday, Thursday and Sunday,” ani Villaluna.


Simula pa lang ng taon, dahan-dahan na ring nagbubukas ang mga maliliit na negosyo sa Siargao habang ang mga residente ay muli na ring itinatayo ang kanilang mga tirahan.


Ayon kay Coro, bukod sa kabuhayan ng mga residente at ang pangangailangan na i-relocate ang ilan na malayo sa tinatawag na “no-build zones,” partikular na sa mga coastal areas, malaking hamon sa kasalukuyan aniya sa isla ang stable o matatag na telecommunications signal.


“Sa airport lang maganda ang signal," saad ni Coro, kung saan ang airport sa Siargao ay matatagpuan sa Del Carmen.


Sinabi pa ng alkalde na umaasa rin ang lokal na pamahalaan sa national government para sa relocation site ng mga residente sa coastal areas.

 
 

ni Lolet Abania | January 10, 2022


ree

Siyam na katao ang namatay dahil sa dehydration dulot ng diarrhea sa Dinagat Islands at kalapit na resort island ng Siargao, habang daan-daan ang naitalang kaso nito sa lugar, pahayag ng Department of Health-Caraga.


Ayon kay DOH-Caraga spokesperson Ernesto Pareja, nakapag-record ang ahensiya ng kabuuang 895 cases ng naturang sakit simula nang tumama sa lugar ang Bagyong Odette, kung saan marami sa kanila ang nawalan ng tirahan, habang ang gobyerno at mga aid agencies ay agad namang nagpagawa ng emergency water treatment facilities.


“It’s hard to say it’s under control. The water supply remains irregular. Their food needs have not been addressed,” ani Pareja.


Nagbabala naman ang International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies (IFRC) hinggil sa tinatawag na “mounting health crisis” sa mga lugar na hinagupit ng bagyo.


“It is extremely concerning that people have been getting very sick and even dying in areas smashed by this typhoon,” sabi ni IFRC head ng Philippine delegation na si Alberto Bocanegra sa isang statement nitong Huwebes.


“The typhoon left millions without access to clean drinking water, hospitals and health facilities,” saad pa ni Bocanegra.


Samantala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMO), nasa kabuuang 403 katao ang nasawi dahil sa bagyo, habang mahigit sa 1,200 ang nasugatan at 78 ang nawawala, gayundin tinatayang nasa 339,993 ang nananatili sa evacuation centers.


Hinimok naman ni Pareja ang mga donors at aid agencies na patuloy na tumulong sa mga naapektuhan ng bagyo.


“To all our partners, we hope they will not stop the flow of aid. The situation remains unstable,” wika pa ni Pareja.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | December 27, 2021


ree

Nakasulat sa lupa at mga kalsada ang paghingi ngayon ng tulong ng mga taga-Siargao island para sa pagkain at tubig na kanilang kailangan.


Ito ay matapos maantala ang mga tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa lugar dahil sumadsad ang barge na may dalang mga relief goods.


Wala na ring mapagkunan ng kabuhayan ang mga residente kaya sa ngayon ay magbibigay ng cash for work program bilang alternatibong hanapbuhay mula sa national government.


Hindi rin makapangisda dahil nasira ang mga bangka at sa pagkasira rin ng mga resort, nawala na rin ang mga turista.


Ayon kay Surigao Del Norte Governor Francisco Matugas Jr., nakatanggap na ng unang ayuda ang lahat ng mga taga-Siargao at nahatiran na rin ng tulong kahit ang malalayong barangay.


Kahapon sana ay sisimulan ang pamamahagi ng second batch ng mga ayuda pero naantala ito sa pagsadsad ng barge na may lulan ng mga trak ng relief goods sa may barangay cabasak.


Ayon pa kay Matugas, matatagalan pa bago makarekober ang isla at hindi pa rin masukat ang laki ng pinsala ng bagyong Odette sa kanilang lugar.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page