top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 13, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Precy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nahulog ako sa hagdan, pero wala namang hagdan ang bahay namin sa totoong buhay. Sa panaginip ko, nagmamadali akong umakyat dahil may kukunin ako sa bahay namin, pero dahil sa pagmamadali, nahulog ako. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Precy


Sa iyo, Precy,


Hindi lang sa mga bahay, building at matataas na bagay iniuugnay ang hagdan dahil ito ay inihahalintulad din sa pangarap ng isang tao na nagsasabing ang pangarap ay mataas kaya kailangan ang hagdan.


Ang totoo nga, walang pangarap na hindi aakyatin o hindi gagamitan ng hagdan. Gayundin, may baitang ang hagdan kaya walang pangarap na short-cut, at kapag umakyat sa mga baitang, dapat ay maingat.


Ayon sa iyong panaginip, okey sa iyo ang pangarap mo dahil kinumpirma nito na ang iyong pangarap ay mapasasaiyo. ‘Yun nga lang, sabi rin ng iyong panaginip, huwag kang magmadali dahil sa pagmamadali, maaari kang mabigo o maantala ang pagkuha mo sa iyong pangarap.


Alam mo, may mga taong nagsasabi na may pangarap sila, pero kapag hindi sila nakapanaginip ng hagdan, ang kanilang pangarap ay wala lang. Kumbaga, ito ay mapabibilang sa mga wishful thinking ng mga tao na ang ibig sabihin, wish lang at hindi tunay na pangarap.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 12, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Zenny na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Bakit ko napanaginipan na nagpagupit ako ng buhok, eh, maiksi naman ‘yung buhok ko sa totoong buhay?


Naghihintay,

Zenny


Sa iyo, Zenny,


Ginugupitan din ang maiksi ang buhok kapag may mga lumagpas na sa orihinal na haba. Ito ay para ma-maintain ang ganda ng short hair.


Gayunman, ang kahulugan ng iyong panaginip na nagpagupit ka ng buhok ay nagsasabing mahaharap ka sa pakikipagsapalaran kung saan ikaw ay magiging sobrang abala at ang sipag at lakas mo ay matutuon sa iisang layunin.


Kaya ang iyong panaginip ay nagpapayo na ihanda mo ang iyong sarili sa buhay na palaging busy, pero masaya ka at dumarami ang iyong kaban-yaman.


Mas maganda nang nakahanda kapag dumating ang nasabing pagkakataon dahil kung hindi, parang nabigla at hindi ka makapaniniwala.


Kapag nakapaghanda ka, mapabibilis ang mga pangyayari at mararanasan mo na ang buhay ng mga taong tuluy-tuloy na umaasenso.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 5, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Vannah ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Palagi akong nananaginip na may relasyon ‘yung kapatid at asawa ko. Sa panaginip, iniwanan na ako ng asawa ko, tapos hindi ko matanggap ‘yung nangyari hanggang sa sinundo ako ng ex ko, pero bigla niya akong iniwanan habang naghahanap kami ng daan. Tapos walang daanan hanggang sa umalis na lang siya.


Ano ang kahulugan nito? Maraming salamat!


Naghihintay,

Vannah


Sa iyo Vannah,


Kapag ang nanaginip ay may pagkukulang sa kanyang asawa o karelasyon, siya ay mananaginip na iniwanan o ipinagpalit siya.


Dahil dito, suriin mo ang iyong sarili. Subukan mong hanapin kung may mga pagkukulang ka sa mister mo.


Ang mga pagkukulang sa buhay may-asawa ay puwedeng ang mga sumusunod:

  • Sarili mo lang ang pinahahalagahan mo.

  • Nakalimutan na ang mag-asawa ay pantay lang. Kumbaga, ang mister o misis ay hindi dapat umaasta na mas magaling siya sa kanyang asawa.

  • Nakalilimutan mo ang obligasyon mo sa iyong asawa.

  • Ikaw lang ang masaya at siya ay hindi.

  • May bago kang damit, tapos siya ay wala.

  • Gusto mo ay ikaw palagi ang masusunod.

  • Nakalimutan mo ang mga pangangailangan ng iyong asawa.


Marami pang iba, pero ikaw na ang maghanap ng mga pagkukulang at pagkakamali mo. Huwag kang matakot dahil hindi naman totoo na may relasyon ang iyong asawa at kapatid. Kaya mo lang ito napanaginipan ay dahil may mga pagkukulang ka bilang misis.


Kapag naayos mo na ang iyong mga pagkakamali, mauunawaan mo na rin na ang kapatid mo sa panaginip at ikaw ay iisa, kumbaga, ikaw ang karelasyon ng mister mo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page