top of page
Search

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 13, 2022



Dumanas ng mapait na pagkatalo ang Pilipinas sa host at defending champion Vietnam, 2-1, sa pagbabalik ng 31st Southeast Asian Games Women's Football Tournament, Miyerkules nang gabi sa Cam Pha Stadium ng Quang Ninh, Vietnam. Sa gitna ng hindi magandang resulta, pasok pa rin ang Filipinas sa semifinals na gaganapin sa Mayo 18.


Hindi inisip ng mga Pinay na naglalaro sila sa harap ng tinatayang 15,000 Vietnamese at umarangkada agad upang malambat ang unang goal, salamat kay kapitana Tahnai Annis sa ika-15 minuto. Eksakto ang palobong pasa ni Malea Cesar patungo kay Annis na inulo papasok ang bola.


Naging saglit lang ang pagdiriwang ng Filipinas at pinantay ni Nguyen Thi Tuyet Dung ang laban sa ika-38 minuto galing sa pasa ni Tran Thi Thuy Trang. Hindi pa tapos si Tran at lumikha siya ng sarili niyang goal sa ika-50 upang itulak sa lamang ang Vietnam at inalagaan nila ito sa nalalabing 40 minuto.


Pansamantalang nanatili sa liderato ng Grupo A ang Filipinas. Tabla sila sa Vietnam na parehong may tatlong puntos subalit lamang ang mga Pinay sa bisa ng kanilang +4 na goal difference kumpara sa +1 ng Vietnam.


Kahit anong mangyaring resulta sa nalalabing laban sa Grupo A sa pagitan ng Cambodia at Vietnam sa Sabado (Mayo 14) ay pasok na ang Filipinas sa semifinals. Ang tanong na lang ay kung magtatapos sila ng una o pangalawa upang matukoy kung sino ang haharapin nila sa dalawang tutuloy buhat sa Grupo B na kinabibilangan ng 2019 silver medalist Thailand, bronze medalist Myanmar, Laos at Singapore.


 
 

ni GA - @Sports | May 12, 2022



Matapos ang matagal na paghihintay, muling makakabalik ang Mapua Cardinals sa Finals na huling naramdaman noong 1991 matapos pabagsakin ang San Beda Red Lions sa iskor na 70-67, kahapon sa do-or-die match up ng Final Four sa 97th NCAA men’s basketball tournament sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.


Kumana ng matibay na double-double performance si Arvin Gamboa sa 13pts. Nag-ambag din ng puntos para sa Cardinals sina Brian Lacap sa 13pts at Paolo Hernandez na bumuhos ng 7 sa 11 puntos, habang kumamada rin si Team Captain Warren Bonifacio ng 8pts.


Dahil sa nakuhang panalo, naitulak ng Mapua ang masasabing “Battle of Intramuros” kontra sa defending champion na Letran Knights na nagawang makapasok sa Finals sa ikalawang sunod na pagkakataon nang pataubin ang Perpetual Help Altas noong nagdaang Linggo nang hapon sa 77-75.


Samantala, hindi na tutuloy si NLEX Road Warriors guard Kevin Alas sa 31st Southeast Asian Games ng Gilas Pilipinas national basketball team matapos itong umatras upang alagaan at bantayan ang may sakit na asawang si Selina Dagdag-Alas na mayroong rare cancer na Gestational Trophoblastic Neoplasia.


Papalitan siya ni Jaybee Tungcab bilang final line up sa Hanoi, Vietnam.


Mga laro sa Linggo (Mayo 15) (FilOil Flying V Centre) Game 1 – best-of-three championship series 3:00 n.h. – Letran Knights vs. Mapua Cardinals.


 
 

ni MC / GA - @Sports | May 12, 2022



Napagwagian ng Team Philippines ang kauna-unahang gold medal sa 31st Southeast Asian Games bago pa man ang pormal na pagbubukas ng biennial event ngayong Huwebes sa Hanoi, Vietnam.


Nasungkit ni Mary Francine Padios ang ginto kahapon nang umaga nang magwagi sa women's seni (artistic) tunggal (single) event ng pencak silat. Naungusan ni Padios si Indonesia's Puspa Arum Sari sa final, 9,960 to 9,945.


Bumalibag naman ng tig-dalawang silver at bronze ang Kurash Philippine team sa unang araw ng kumpetisyon sa Hoai Duc Gymnasium mula kina Helen Aclopen Talongen sa women’s 48kgs at Charmea Quelino sa women’s 52kgs class, at Renzo Cazenas sa men’s 81kgs at George Baclagan sa men’s 90kgs division.


Nagdagdag ng bronze medal ang grupo nina Jefferson Rhey Loon Abilay, James El Mayagma, at Rick Rod Ortega Luarez sa men’s team event matapos na malaglag sa semis noong Martes.


Sumegunda para sa silver medal ang pares nina 2020+1 Tokyo Olympian Cris Nievares at Christian Joseph Jasmin sa men’s lightweight double sculls sa rowing sa oras na 7:05.585 para sa silver medal na ginanap sa Thuy Nguyen Hai Phong Aquatics Center.


Nakakuha naman ng bronze medal ang samahan nina Joanie Delgaco, Amelyn Pagulayan, Josephine Qua, at Kristine Paraon sa women’s quadruple sculls sa oras na 7:28.879.


Samantala, nakapagbulsa rin ng silver ang Philippine men's beach handball team at naungusan ang bronze medal finish noong 2019. Noong Lunes, unang tumiyak ang bansa ng silver medal sa bisa ng panalong 26-21, 22-27, 7-6 laban sa Thailand Tuần Châu.


Hawak ng Pilipinas ang 3-1 record mula sa unang apat na laban sa beach handball, binuksan ang kanilang kampanya sa 2-0 win laban sa Thailand —

ang silver medalist noong 2019 SEA Games.


Natalo sila sa dating gold medalist na Vietnam sa bisa ng 0-2 sweep pero nakarekober sa 2-0 win kontra Singapore noong Linggo.


Ang 10-member team ay binubuo nina Jamael Pangandaman, Josef Maximillan Valdez, Mark Vincent Dubouzet, Andrew Michael Harris, Rey Joshua Tabuzo, Manuel Lasangue, Jr., Dhane Miguelle Varela, Van Jacob Baccay, John Michael Pasco at Daryoush Zandi.


Ginagabayan sila nina coach Aurora Adriano, Luzviminda Pacubas at Tomas Luis Telan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page