- BULGAR
- Dec 16, 2025
ni Gerard Arce @Sports | December 16, 2025

Photo: Tuloy ang laban!’ Proud na ibinahagi ni Pinay Tennis Player Alex Eala ang kanilang bronze finish sa Tennis team event ng ika-33 Southeast Asian Games (SEA Games) ngayong Linggo, Disyembre 14. “So proud of our team for showing up and giving their all. All sights set on individuals! Tuloy ang laban,” ayon sa caption ni Eala. Alex Eala / IG
Hindi napahiya sa kanyang panibagong salang sa Southeast Asian Games si Pinay tennis sensation Alexandra “Alex” Eala na nakasisiguro ng bronze medal matapos na lampasuhin si Malaysian Tennisist Shihimi Leong sa straight set 63-61 sa quarterfinal match kahapon sa women’s singles ng 2025 edisyon ng biennial meet sa National Tennis Development Center, Nonthaburi, Thailand.
Agad nagpasikat ang World No.53 laban sa mas batang karibal na kasalukuyang malayo ang rankings sa No. 969 upang makapasok sa semis round at siguradong mag-uuwi ng tansong medalya, kung saan matatandaang nagbulsa ito ng tatlong parehong medalya noong SEA Games debut sa 2021 Vietnam meet sa singles, mixed doubles at team event.
Naipamalas ng 5-foot-9 Pinay ang kanyang mahusay na mga lapag sa first set na nagpahirap kay Leong na sabayan ang atake ni Eala at manatiling nakadepensa lamang, habang nabitbit ni Eala ang momentum patungong second set at madaling tinapos ang laro. “I’m very happy with the first round, it presented good challenges and I’m happy with how, wala, masaya ako sa crowd, madaming nanood. Maraming salamat sa suporta,” pahayag ni Eala.
Nakatakdang makatapat ng dating World No.50 si home-crowd bet at World 354 Thasaporn Naklo sa semifinals na umaasang makakapasok sa unang pagkakataon sa championship round, kung saan maaaring makaharap ni Eala si Janice Tjen ng Indonesia.
Umabanse rin si Eala katambal si Niño Alcantara sa mixed doubles semifinals. Mayroon ng tansong medalya si Eala sa Team event kasama sina Stefi Marithe Aludo, Alexa Joy Milliam, Tennielle Madis at Shaira Hope Rivera.






