top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | June 9, 2025



File Photo: Sen. WIn Gatchalian, VP Sara Duterte at Francis Tolentino - FB.


Tiniyak nina Senador Sherwin Gatchalian at Francis Tolentino sa publiko na tuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hunyo 11.


“Wala namang choice ang Senado. Hindi ito desisyon ng mga senador. Ito ay constitutional responsibility ng mga senador,” wika ni Gatchalian sa Super Radyo dzBB.


“Walang uncertainty kasi dapat namin sundan ang Constitution. Klaro sa Konstitusyon na kailangang i-convene ang impeachment court once na na-transmit na sa Senado ang Articles of Impeachment,” punto ni Gatchalian.


Ganito rin ang naging pananaw ni Tolentino.


“Dapat mag-convene kasi tatanggapin namin ang Articles of Impeachment formally. 'Yung pagko-convene is part of the trial itself; 'yun 'yung simula when you take an oath,” wika ni Tolentino sa hiwalay na panayam ng dzBB.


Sinabi ni Tolentino na posibleng matapos ang impeachment trial sa loob ng 19 na araw, hanggang Hunyo 30.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | May 2, 2025



File Photo: VP Sara Duterte - PDP Laban FB

 

Naniniwala ang isang human rights lawyer na ang pag-endorso ni Vice President Sara Duterte sa mga senatorial candidate ay naglalayong iligtas ang kanyang sarili na mahatulan na guilty sa impeachment trial. 


Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Atty. Antonio 'Audie' Bucoy, miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at ng Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity and Nationalism (MABINI), na ang biglaang pagsuporta ni Duterte sa mga tumatakbong senador ay nagpapakita ng kanyang pangamba na ma-convict ng Senate impeachment court. 


Ang pag-endorso ni Duterte kina Sen. Imee Marcos at Las Piñas City Rep. Camille Villar ay tinawag ni Bucoy na malinaw na tangkang impluwensyahan ang magiging desisyon ng Senado. 


Idinagdag pa niyang ang reklamong impeachment na inihain ng Kamara ay hindi isang political stunt kundi isang seryosong kaso na may kalakip na mga dokumento. 


Ipinunto niyang ang pitong Articles of Impeachment na inihain ng Kamara ay maaaring ibuod sa tatlong pangunahing kategorya: destabilization at pagbabanta sa buhay nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez; pagtataksil sa tiwala ng publiko; at malawakang korupsiyon.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | Apr. 29, 2025



File Photo: Inday Sara Duterte sa The Hague, Netherlands - FB


Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte na naniniwalang kabilang siya sa mga indibidwal na posibleng maaresto ng International Criminal Court (ICC).


Sa isang panayam sa mamamahayag, sinabi ni Duterte na sumagi sa kanyang isipan ang posibilidad na maaresto siya nang bisitahin niya ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nahaharap sa mga kasong crimes against humanity sa ICC sa The Hague, Netherlands.


Ayon kay Duterte, pinahintulutan siya noong una na bisitahin ang kanyang ama araw-araw, ngunit kalaunan ay hinigpitan ang kanyang pagbisita at lahat ng kanilang nga pag-uusap ay napaulat na ini-record ng ICC. 


Binanggit din ng Bise Presidente na ang iba pang mga indibidwal na maaaring nasa listahan na maaaring arestuhin ay kinabibilangan nina Senators Bato dela Rosa at Bong Go, gayundin ang mga retiradong heneral na sina Oscar Albayalde at Vicente Danao.


“Naa ko sa listahan, daghan kaayo mi nga naa sa listahan sa ICC,” kung saan sa salitang Ingles, “I’m on the list; there are many of us on the ICC list,” pahayag ni Duterte. 


Aminado si VP Sara na habang kinukumpirma ang presensya ng kanyang pangalan sa listahan, aniya ang kanyang pangalan ay sumunod sa pangalan nina Dela Rosa at Go, at ang mga heneral. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page