top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | October 26, 2023



ree

Nagkaisa ang samahan ng mga manggagawa sa paghiling sa gobyerno na gawing ₱750 ang arawang sahod.


Ayon sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin, hindi nakakabuhay at sapat ang kinikita ng isang ordinaryong Pilipino, bagkus ay nakamamatay ito.


Ito ay matapos ang sunud-sunod na pagtaas ng bilihin, na halos nabalewala na ang ₱40 na idinagdag sa sahod.


"Naghihirap pa rin ang mga manggagawa. Ang hinihingi naming mga manggagawa, suweldong makabubuhay. Pero ang binibigay, suweldong nakamamatay. Cost of living, not cost of dying," ani BMP President Attorney Luke Espiritu.


Hinimok din ng samahan na ibasura na ang Republic Act No. 6727 na mas nagpapahirap lang sa buhay ng mga manggagawa.




 
 

ni Madel Moratillo @News | August 15, 2023



ree

Tiniyak ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na naghahanap na ng long-term solution ang gobyerno sa panawagang dagdag- sahod sa mga guro.


Ayon kay VP Sara, mula noong 2020 ay nakakatanggap na ng dagdag-sahod ang mga guro sa ilalim ng Salary Standardization Law of 2019, pero mismong si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. aniya ang nag-atas sa kanya na pag-aralan kung paano magagawang hindi lang yearly ang dagdag-sahod kundi maging long-term at kung paano maitataas ang sahod maging ng mga non-teaching personnel ng Department of Education. Hinihintay aniya nila ang resulta ng nasabing pag-aaral.


Ang Alliance of Concerned Teachers, nanawagan ng P50,000 entry level na suweldo para sa mga guro at P33,000 naman para sa Salary Grade 1 employee. Dismayado rin ang ACT sa zero allocation sa 2024 budget para sa salary increases para sa mga empleyado ng gobyerno.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 15, 2023



ree

Pinag-aaralan na umano ng pamahalaan ang muling pagtataas ng suweldo ng mga kawani ng gobyerno.


Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, naglaan na sila ng P48 milyong budget ng governance commission for GOCCs.


Layunin umano nito na kumuha ng serbisyo ng mga eksperto o espesyalista na magsasagawa ng komprehensibong pag-aaral sa compensation at position classification system para sa sektor ng gobyerno.


Paliwanag pa ng kalihim, binigyan sila ng go signal ni Pangulong Bongbong Marcos para pag-aralan na ang lahat ng kompensasyon sa mga sibilyan na empleyado ng gobyerno na mas higit pa kumpara sa nagtatrabaho sa pribadong sektor.


Ito ay para mahikayat ang publiko na pumasok sa gobyerno at inaasahan na magsisilbi rin itong motivation sa mga kasalukuyang kawani ng pamahalaan na manatili sa bansa at maging masipag at maayos sa kanilang trabaho.


Mayroon din umanong katulad na pag-aaral silang isinagawa sa iba't ibang ranggo ng civil service servants para malaman kung kailangan na mai-adjust ang kanilang suweldo.


Malaki umano ang maitutulong ng anumang pagtaas sa suweldo ng mga kawani ng gobyerno para makatulong sa pang araw araw nilang pamumuhay.


Naunang naipatupad nitong Enero ang huling yugto ng umento sa suweldo ng mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng salary standardization law of 2019.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page