top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 4, 2022



Babala ng Department of Agriculture (DA), posible umanong makaranas ng food crisis sa bansa dulot ng iba't ibang mga kadahilanan.


Pagtukoy ni Agriculture Secretary William Dar, isang pangunahing dahilan umano ng daranasing taggutom sa bansa ay ang kaguluhan sa Ukraine na kasalukuyan aniyang nakaaantala sa global food supply chain.


Paliwanag ng kalihim, ito ang dahilan ng kabawasan sa agricultural productivity, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang panig ng mundo.


Pangamba ng kahilim kung patuloy pang hindi mapataas ang produksiyon ng pagkain hanggang sa susunod na dalawang taon ay mayroong posibilidad na mangyari ang kakulangan ng makakain sa bansa.


Kaugnay nito, nanawagan si Dar sa lahat ng mga stakeholders sa sektor ng agrikultura na pagtuunan ito ng pansin ng mga kawani ng ahensiya.


Gayundin, nagpahiwatig na ang kalihim ng apela sa susunod na administrasyon na dagdagan ang budget ng ahensiya bilang tugon sa mga problemang kahaharapin ng sektor ng agrikultura.


 
 

ni Lolet Abania | March 9, 2022



Umabot na sa 63 Filipinos na mula sa Ukraine ang nakauwi na sa bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Miyerkules.


“We are happy that 199 Filipinos are already out of harm’s way. A total of 63 have arrived from Ukraine, and 136 are awaiting repatriation,” sabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola sa Laging Handa briefing.


Una nang itinaas sa Alert Level 4 ng DFA nitong Lunes ang sitwasyon sa Ukraine sanhi ng tumitinding sigalot sa pagitan ng naturang bansa at Russia.


Agad ding ibinaba ng ahensiya, ang mandatory repatriation sa mga Pinoy na nasa Ukraine.


Gayunman, ayon kay Arriola, may mga Pinoy pa rin sa Ukraine ang tumatangging umuwi ng Pilipinas dahil hindi umano nila maiwan ang kanilang mga trabaho habang ang iba naman ay may mga pamilya na roon.


“Doon po talaga sa iba who refused to go back home, binigyan natin sila ng financial assistance mula sa Honorary Consulate natin sa Kyiv at ‘yung presence ng ating embahada sa Lviv. ‘Yung ating seafarers, nakikipag-ugnayan ang DFA with POEA (Philippine Overseas Employment Administration) and the local manning agencies, and we’re doing everything we can para ma-extract sila,” saad ni Arriola.


Aniya pa, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang agad na matulungan ang mga nagnanais na umuwing mga kababayan.


“Specially, kailangan din po nila ng stress debriefing dahil napansin po namin doon sa ibang umuwi, lalo na doon sa galing sa matindi ‘yung armed conflict, medyo meron pa rin silang war shock at medyo tulala pa ‘yung ang ating mga kababayan which is understandable,” ani Arriola.


Matatandaang ipinahayag ng DFA na may mahigit sa 300 Pinoy ang nagtatrabaho at naninirahan na sa Ukraine.


 
 

ni Lolet Abania | March 2, 2022



Dalawampu’t isang Filipino seafarers ang ligtas nang nakarating sa Republic of Moldova na nagmula sa Ukraine, batay sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Miyerkules.


Ayon sa DFA, naibiyahe ang all-Filipino crew ng MV S-Breeze, mula sa Chornomosk, Ukraine sa tulong ni Philippine Honorary Consul in Moldova na si Victor Gaina at sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Embassy in Budapest. Sa report, dumating ang mga Pinoy seafarers sa Moldova ng dalawang batch, noong Pebrero 27 at nitong Marso 1.


Ang mga seafarers ng bulk carrier MV S-Breeze ay naka-drydock para sa ginagawang repair ng barko sa Ilyichevsk Ship Yard sa Port of Odessa, Ukraine simula pa noong Enero 27.


Ayon sa DFA, ang mga crew ay nag-i-stay sa mga accommodations ng naturang barko subalit humiling ng repatriation ang mga ito dahil na rin sa lumalalang labanan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Sinabi pa ng ahensiya na tinatayang nasa 27 Pinoy na ang nailikas mula sa Ukraine patungong Moldova.


“Both the Philippine Embassy in Budapest and the PH Consulate in Chisinau assured that they will arrange the repatriation of the seafarers to Manila at the soonest possible time,” pahayag ng DFA.


Samantala, tinatayang 13 Pinoy mula sa Ukraine ang dumating sa bansa nitong Martes ng gabi. Sila ay bahagi ng 40 evacuees na umalis ng Kyiv patungong Lviv at tinanggap ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. sa Poland border.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page