- BULGAR
- Oct 1, 2021
ni Lolet Abania | October 1, 2021

Pinag-iisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa United States upang personal na pasalamatan ang gobyerno ng Amerika para sa kanilang ibinigay na mga donasyon na COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
“Ang bait ng Amerika. Punta kaya ako ng Amerika, just to thank the American government and the people,” ani Duterte sa isang taped address na ipinalabas ngayong Biyernes.
“Ano ba itsura ng Amerika,” dagdag niya.
Hanggang nitong Setyembre 27, ang gobyerno ng US ay nakapag-facilitate na ng delivery ng mahigit sa 16 milyong COVID-19 vaccine doses sa Pilipinas via COVAX, kabilang ang mahigit sa 9 milyon doses na donasyon ng mga mamamayan ng Amerika.
Matatandaang noong Disyembre 2016, naipahayag ni Pangulong Duterte na ang kanyang aplikasyon para sa US visa ay na-denied.
Nang panahong iyon, ang Pangulo ay bibisita sana sa kanyang girlfriend doon na nasa kolehiyo. Gayunman, nitong Hulyo 2021, nagpasya ang Punong Ehekutibo na panatilihin ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at ng United States.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang donasyon na COVID-19 vaccines ng gobyerno ng US ay itinuturing na pagpapanatili ng VFA.
Ang VFA ay isang 1999 military pact sa pagitan ng Manila at Washington kung saan pinapayagan ang American forces, katuwang ang kanilang Filipino counterparts, na magsagawa ng joint military exercises, counter intelligence training, at makiisa sa humanitarian aid missions.
Subalit, ang VFA ay nagbabawal sa mga US troops na magsagawa ng combat operations.
Pormal namang inihain ng Manila ang termination ng VFA noong Pebrero 2020, subalit napagdesisyunan na i-postpone ang naturang terminasyon ng anim na buwan noong Hunyo 2020.
Gayundin, napagpasyahan uli ni Pangulong Duterte na isuspinde ang VFA termination ng anim pang buwan noong Nobyembre 2020.






