top of page
Search

ni Mylene Alfonso | February 17, 2023




Ilang katanungan ang nabuo kay Senador Risa Hontiveros kaugnay sa pagaangkat ng 440,000 metriko tonelada ng asukal kung saan una niyang hinanap ang pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa Sugar Order No. 6.


“The absence of the signature of the President on Sugar Order No. 6 is probably the least of my questions. Andami kong katanungan. Una, where did they get the volume of 440,000MT when three major federations of sugar producers pushed for only 330,000MT?” tanong ni Hontiveros.



Naiisip ng senadora na maaaring maging daan ito para madehado ang iba pang eligible importers at may mapaboran lamang.


Nais din malinawan ni Hontiveros ang diskresyon ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa pinal na pag-apruba sa dami ng asukal na ilalaan sa importers.

“Second, why is the Department of Agriculture given the discretion of final approval of the volumes to be allocated to importers, when in previous SOs they were pro-rated based on a mechanical computation?


Puwede bang sabihin ng DA na sa tatlong trader lang, at etsapwera na ang iba kahit sila ay nag-apply at eligible importers naman?


Hindi ba ito favoritism at virtual monopoly?” tanong pa ng senadora. Nais din ni Hontiveros na malinawan at maipaliwanag kung sapat na maituturing na lehitimo ang importasyon kahit wala pa ang Sugar Order.


Diin niya na sa kanyang pagkakaalam ang imported sugar na ipinasok sa bansa nang walang sugar order ay maituturing na ‘technical smuggling’ at dapat ay isapubliko kung sino ang nagpasok nito sa Pilipinas at kung sino ang nag-apruba.


 
 

ni Zel Fernandez | May 8, 2022



Kaugnay sa naging imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, isang dating Pharmally Pharmaceutical Corporation (PPC) warehouse staff ang naglahad ng sworn statement kaugnay sa ginawang panunuhol at pagbabanta umano sa kanya ng Office of Senator Rissa Hontiveros sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Jaye Bekema.


Salaysay ng testigong si Mark Clarence Manalo, nagpasya umano siyang magbigay ng sworn statement dahil hanggang ngayon ay patuloy daw siyang nakatatanggap ng pananakot mula sa kampo ng senador.


Paglalahad ni Manalo, mayroon umano siyang nakikitang mga sasakyan at motorsiklong umaaligid sa kanilang bahay, kasabay ng report ng kanyang mga kapitbahay na may mga lalaking naghahanap sa kanyang kapatid na si Veejay.


Matatandaang testigo ni Hontiveros ang kanyang kapatid sa Senate hearing kaugnay sa anomalya sa pagbili ng pandemic materials ng PPC, ngunit kalaunan ay binawi ang kanyang testimonya at nagsabing pinilit at sinuhulan lamang umano siya ng kampo ng senador.


Dagdag pa ni Manalo, bagaman noong nakaraang taon pa aniya natapos ang pagdinig ng PPC sa Senado, natatakot pa rin umano siya para sa kaligtasan nilang magkapatid, lalo at nakabinbin pa umano sa Office of the Ombudsman ang inihain nitong kasong conspiring to commit sedition, subornation of perjury, offering false evidence, at ang paglabag sa code of conduct laban kina Hontiveros at mga staff nito.


Kaugnay nito, nauna nang inamin ni Manalo na ang kapatid nitong si Veejay ang una raw nilapitan ni Atty. Bekema at ang driver ni Hontiveros na si Ryan Lazo, kung saan nakita umano niya ang P20,000 bribe money na iniabot sa kanyang kapatid. Kasunod nito ay nagpaalam na raw si Veejay na aalis at pansamantala aniyang tutuloy sa isang safehouse.


Noon na raw ikinagulat ni Manalo ang sumunod na pangyayari matapos makitang nasa telebisyon ang kanyang kapatid at nag-aakusa sa PPC.


Ani Manalo, bilang warehouse staff din ng PPC ay alam umano niyang pawang walang katotohanan ang isiniwalat ni Veejay sa pagdinig ng Senado, kaya minabuti umano nitong sumadya sa Citizens Crime Watch (CCW) upang itanggi ang naging testimonya ng kanyang kapatid.


Ayon kay Manalo, noong Oktubre ay umamin ang kanyang kapatid sa kanilang pamilya na tinanggap nito ang ‘bribe money’ mula umano sa kampo ng senador para sa anak nitong 4 na taong gulang na noon ay may sakit.


Kalaunan, maging si Manalo ay tinangka na rin umanong suhulan ngunit kanyang tinanggihan, kasunod nito ang paghahain niya ng kaso sa Ombudsman laban sa kampo ni Hontiveros noong Nobyembre, 2021.


Pag-amin ni Manalo, mula nang magsimula ang taong 2022 ay marami pa rin aniyang ‘scare tactics’ na ginagawa ang kampo ni Hontiveros laban sa kanilang pamilya matapos ang mariin nilang pagtanggi sa pakiusap ni Atty. Bekema na i-withdraw ang inihaing kaso, na nagdiriin sa kampo ni Hontiveros sa anomalyang kinasasangkutan nito sa Pharmally.


Ang pagbibigay-salaysay umanong ito ni Manalo ay upang maipaalam sa publiko ang mga pangyayari, kaakibat ng proteksiyon sakali mang may mangyari sa kanya.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 24, 2021




Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Employees Compensation Commission (ECC) upang gawing ‘occupational disease’ ang COVID-19 para mabigyan ng insurance at iba pang benepisyo ang mga empleyadong pumapasok sa trabaho, batay sa pahayag niya ngayong Miyerkules, Marso 24.


Aniya, “Workplaces and mass transportation are the new hotspots of virus transmission. Dapat nang aksiyunan ng gobyerno ang panawagan na gawing occupational disease ang COVID-19 to ensure that the workers who will contract the disease while at work or in transit will be compensated under the national policy for employment injury benefits.”


Dagdag pa niya, “Pinabalik ang manggagawa sa trabaho pero kulang na kulang ang pag-aalagang ibinibigay ng gobyerno. Huwag natin silang tratuhing parang imortal.


Hindi curfew o checkpoints ang kailangan kundi garantisadong proteksiyon sakaling mahagip o tamaan sila ng virus.” Iginiit din niya na posibleng nakukuha ng mga empleyado ang virus sa tuwing bumibiyahe sila sakay ng pampublikong transportasyon kaya dapat lamang ikonsidera ang ginagawa nilang sakripisyo upang mabigyan ng karagdagang benepisyo.


“Hindi pa huli ang lahat para ituwid ang pagkakamali. Huwag lang puro lip service ang excellent performance. Kung magpapatuloy ito, itinutulak lang ang mga manggagawa sa bingit ng walang-katapusang pangamba, sakripisyo at pagkagutom,” sabi pa niya.


Matatandaang inihain ni Sen. Hontiveros ang Senate Bill 1441 o Balik Trabahong Ligtas Act nu’ng nakaraang taon na layuning masaklaw ng PhilHealth ang mga benepisyo ng bawat empleyadong pumapasok sa trabaho sa gitna ng pandemya, kabilang ang mga contractual, contract of service, probationary at job order.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page