top of page
Search

ni Lolet Abania | July 14, 2021


Pinalawig ng pamahalaan ang pagbabawal sa mga inbound flights na mula sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates at Oman hanggang July 31, 2021 sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Ito ang inianunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque isang araw bago mag-expire ang initial ban ng nasabing mga bansa ngayong July 15.


Samantala, sinabi naman ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagpapatupad ng ban sa mga travelers mula sa Indonesia.


“Nag-aantay lang po tayo ng kasagutan mula sa OP but the IATF has already recommended that Indonesia be included in the list of countries that we initially imposed a travel ban [on],” ani Duque sa isang pre-SONA forum.


Subalit, ayon kay Roque, wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kung magpapatupad din ng katulad na ban sa Indonesia na nakakaranas sa ngayon ng pagtaas ng mga kaso ng mas transmissible na Delta variant ng COVID-19.


“We already have a recommendation but let us wait for the decision of the President,” ani Roque sa briefing ngayong Miyerkules. Nitong Martes, nakapagtala ang Indonesia ng record-high na 47,899 bagong COVID-19 infections at plano nilang mag-order ng oxygen supplies para sa kanilang mga pasyente.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 27, 2021



Nagpatupad ng bagong restriksiyon ang Thailand matapos tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Bangkok.


Ayon kay Prime Minister Prayuth Chan-ocha noong Biyernes, sa bagong restriksiyon, magpopokus ang pamahalaan sa mga business establishments kung saan mabilis kumakalat ang COVID-19.


Sa loob ng 30 araw, simula sa Lunes ay ipagbabawal ang dine-in sa mga restaurants sa Bangkok at limang karatig na mga probinsiya.


Isasara rin ang mga shopping malls pagsapit ng 9 nang gabi at lilimitahan sa 20 katao ang mga social gatherings.


Samantala, suspendido rin ang operasyon ng mga construction sites dahil ayon sa pamahalaan, sa mga construction camps nakapagtatala ng mataas na bilang ng kaso ng COVID-19.


 
 

ni Lolet Abania | March 28, 2021




Papayagang mag-operate ang mga public utility vehicles (PUVs) ng 50% kapasidad lamang habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila at karatig lalawigan na magsisimula bukas, Lunes.


Ito ang inanunsiyo ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Steve Pastor para sa mga PUVs, kabilang dito ang mga public utility bus, UV Express Service, public utility jeepneys, shuttle service, tricycle, taxis at transport network vehicle services (TNVS).


Ayon pa kay Pastor, ang mga PUVs ay dapat na sumunod sa one-seat apart na ipatutupad sa mga pasahero. "Hindi puwedeng lumagpas sa capacity ng sasakyan kahit may plastic barriers," ani Pastor. Babala naman ni Pastor, sakaling ang mga PUV drivers ay hindi sumunod sa one-seat apart na panuntunan o lalagpas sa itinakdang kapasidad, may kaukulang parusa para sa overloading.


Sinabi rin ni Pastor na papayagan din ang mga private motorcycles na makabiyahe subalit iyon lamang nasa listahan ng authorized personnel ang maaaring lumabas ng kanilang bahay.


"We will still allow back rides for private motorcycles [as long as the riders are] APORs," ani Pastor. Gayunman, ayon kay Pastor, kailangang ihanda ng mga PUV drivers ang kanilang quick response codes upang maipakita sa mga enforcers na meron silang special permit para mag-operate.


Binanggit din ni Pastor na magbibigay sila ng free rides para sa mga medical workers, kung saan mayroong 20 routes na ipatutupad habang nasa ilalim ng ECQ. Matatandaang ang libreng shuttle service na nagsimula noong March, 2020 ay nagserbisyo sa mahigit na 2 milyong healthcare frontliners.


Gayunman, ayon sa DOTr official, ang mga habal-habal drivers ay huhulihin kapag nag-operate sila ngayong ECQ.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page