top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | February 23, 2023


Nominado ang dalawang future champions na sina Chrome Bell at Petron sa 2023 PHILRACOM "3-Year-Old Maiden Stakes Race na ilalarga sa Marso 12 sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.


Inaasahang magandang laban ang masisilayan ng mga karerista dahil may 14 na kabayo kasama na sina Chrome Bell at Petron ang posibleng magtagisan ng billis sa distansiyang 1,400 meter race.


Gagabayan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA), Jockey-of-the-Year awardee Jonathan Basco Hernandez si Chrome Bell habang si class A rider Jeffrill Tagulao Zarate ang rerenda kay Petron.


May nakalaan na garantisadong P1.2-M premyo na ikakalat sa unang kabayong tatawid sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Ang ibang naghayag ng pagsali ay sina Barrowed Heaven, Destin Guest, Easy Way, I Under Oath, Kanyon For Freedom, Pay D Lady, Runway Ten, Save My Savings, The Alpha Male, Uncle Vhines, Whamos at WolfGang.


Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P720,000, mapupunta sa second placer ang P240,000 habang tig-P120,000, P60,000, P36,000 at P24,000 ang sa third hanggang sixth ayon sa pagkakahilera. Hahamigin naman ng breeder ng winning horse ang P60,000 habang may ibubulsa na tig- P36,000 at P24,000 ang second at third placers.


Ayon sa komento ng mga karerista, kahit sino malaki ang tsansang manalo dahil ang iba ay nakatago pa ang pruweba.


Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kahapon ng Miyerkules.

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | February 22, 2023


Inaabangan ng mga karerista ang pagtatapat nina Batang Cabrera at Robin Hood sa magaganap na 2023 PHILRACOM Commisioner's Cup Division II na ilalarga sa Pebrero 25 sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.


Rerendahan ni John Paul Guce si Batang Cabrera habang si Ryan Garcia ang sasakay kay Robin Hood para makipagtagisan ng bilis sa pitong mahuhusay na nominadong kabayo sa distansiyang 1,600 meter race.


May nakalaan na guaranteed prize na P750,000 na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta. Ang ibang nagsaad ng pagsali ay sina Best Regards, Blackburn, Cupid Song, Fortissimo, Ninong Shining Vic at Sophisticated.


Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P450,000, mapupunta sa pangalawa ang P150,000 habang tig- P75,000, P37,500, P22,500 at P15,000 ang third hanggang sixth placers ayon sa pagkakahilera.


Ayon sa komento ng mga karerista, labanan ng magagaling na kabayo ang nasabing stakes race kaya paniguradong magandang laban ang kanilang mapapanood. "Tingin ko mahihirapan sina Robin Hood at Batang Cabrera kasi mahuhusay din ang mga kasali kaya mas maganda pag-aralan mabuti ang mga performances ng mga kasali," saad ni Albert Guerrero, veteran karerista.


Ibubulsa naman ng P37,500 ang breeder ng winning horse habang tig-P22,500 at P15,000 sa second at third sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli de Leon.


Samantala, atat na rin makita ng mga karerista ang line up para sa Division I na kung saan ay paniguradong mas malaki ang premyo.


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | February 21, 2023



Isinalto ni Patong Patong ang mga liyamadista matapos manalo sa Condition Race Merged noong Linggo sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.


Nirendahan ni jockey Jomer Estorque, ipinuwesto nito si Patong Patong sa pang-apat sa largahan habang naglulutsahan sa unahan sina Main Event at naliyamadong si Attractive Force.


Papalapit ng far turn ay umungos ng bahagya si Main Event kaya ang kakampi ni Attractive Force na si Charm Campaign ang humabol, subalit nagparamdam na rin ng tikas si Patong Patong.


Pagsungaw ng huling kurbada ay nagkapanabayan na sa unahan sina Charm Campaign, ang rumemateng si Runawayfromrosenot at Patong Patong na dumaan sa tabing balya.


Bakbakang umaatikabo ang nasilayan ng mga karerista at nasaksihan nila ang galing ni Patong Patong sa rektahan nang agawin nito ang unahan sa huling 150 metro ng labanan.


Nagwagi si Patong Patong ng may tatlong kabayong agwat sa pumangalawang Runawayfromrosenot.


Inilista ni Patong Patong ang impresibong tiyempong 1:23.8 sa 1:40 meter race spat upang hamigin ng winning horse owner na si FF Datu ang P10,000 added prize.


Ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Nagwagi naman sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa pangalawang karera ay si Sweet Spot na ginabayan ni Conrad Henson.


Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya nasiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page