top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 29, 2023



Napag-iwanan sa largahan si Work Bell pero naging matatag ito para maka-remate sa rektahan at masikwat nito ang korona sa 2023 PHILRACOM "Classic Cup" Division II noong Sabado ng hapon sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.


Nanalong dehado ang Work Bell kaya naman nagsaya ang mga dehadistang karerista.


Parang sibat na pinaremate ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez si Work Bell sa rektahan kaya naungusan nito ang liyamadong si Magtotobetsky at Fortissimo.


Tinawid ni Work Bell ang meta ng may dalawang kabayong agwat sa pumangalawang Fortissimo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Inilista ni Work Bell ang tiyempong 1:53 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Elmer De Leon ang P450,000 premyo.


Nasikwat ni Fortissimo ang P150,00, napunta kay Magtotobetsky ang P75,000 habang tig-P37,500 ang naiuwi ng 4th placer na si Blackburn.


Nag-uwi ang breeder ng winning horse ng P37,500 habang tig-22,500 at P15,000 ang second at third.


Samantala, patuloy ang bakbakan sa pista ng Metro Turf simula ngayong araw ng Miyerkules, pahinga bukas, (Huwebes) at saka balik ang karera ng Biyernes hanggang Linggo kung saan ay may ilalargang stakes race.


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 28, 2023



Hindi pa rin nawawala ang tikas ni Boss Emong, pinatunayan nitong hari pa rin sa pista matapos angkinin ang korona sa 2023 PHILRACOM "Classic Cup" na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.


Napiling Horse-of-the-Year sa Philippine Sportswriters Association, (PSA) awards Night noong Marso 6 si Boss Emong.


Hinangaan ng mga karerista si Boss Emong matapos ang magandang performance nito sa karerahan.


Sinakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, ipinuwesto niito ang Boss Emong sa tersero sa largahan para panoorin ang nasa unahang Sky Shot at reigning presidential Gold Cup champion Big Lagoon.


Pagdating ng far turn ay ibinubuga ng race caller ang paglapit ng pambato ni Atty. Kennedy Morales na Boss Emong sa Sky Shot at Big Lagoon habang ang Gomezian naman ay rumeremate sa tabing balya.


Pagspit ng huling kurbada ay naagaw na ng Boss Emong ang unahan habang nasa pangalawa at tersero puwesto ang Gomezian at Big Lagoon.


Hindi na pinaporma ng Boss Emong ang mga nakatunggali at tinawid nito ang meta ng may apat na kabayo ang agwat sa pumangalawang Big Lagoon.


Nirehistro ng Boss Emong ang tiyempong 1:50.4 sa 1,800 meter race sapat upang ibulsa ang P1.5M premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Nakopo ng Big Lagoon ang P562,500 habang nasungkit ng third placer na Gomezian ang P312,500 at P125,000 ang kinubra Robin Hood.


Naibulsa rin ng breeder ng winning horse ang premyong P125,000 habang tig-P75,000 at P50,000 ang second at third.


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 27, 2023



Nagpasiklab si Moderne Cong matapos nitong manalo sa 2023 Philracom Classic Cup Division III na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, Sabado ng hapon.


Naghuramentado agad sa largahan si Mommy Caring nang humarurot ito sa unahan paglabas ng aparato pero hindi siya pinalayo ni Moderne Cong na sinakyan ni jockey Andreu Villegas.


Pagdating ng far turn ay nalapitan na ng Moderne Cong ang Mommy Caring at saka inagaw ang unahan upang hawakan ang limang kabayong bentahe sa rektahan.


Kalmado na si Villegas sa huling 150 metro ng karera kaya nagwagi si Moderne Cong ng may anim na kabayong agwat sa pumangalawang Magna Cum Laude pagtawid ng meta.


Itinala ni Moderne Cong ang tiyempong 1:52.8 sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Sandy Javier ang P300,000 premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRCOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Nasilo ni Magna Cum Laude ang P100,000,napunta sa third at fourth placers, Mommy Caring at All Too Easy ang P50,000 at P25,000 ayon sa pagkakasunod. Humamig din ang breeder ng winning horse ng P25,000 premyo at tig-P15,000 at P10,000 ng second at third,


Samantala, may 12 races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya nagsaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page