top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | April 5, 2023



Ipinakita ni Jaguar ang kanyang angas ng manalo sa 2023 6th Cool Summer Farm Derby na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Linggo.


Nakipaglutsahan sa unahan si Jaguar kay Sartorial Elegance at pagkatapos ay kay Sky Story naman nakipagdikdikan ang winning horse.


Matinding labanan ang nasilayan ng mga karerista sa bakbakan nina Jaguar at Sky Story sa far turn pero papalapit ng huling kurbada ay lumalayo na ang anak nina Dance City at Delta Gold.


Pagdating ng rektahan ay nasa limang kabayo na ang lamang ng Jaguar sa mga kalaban.


Tinawid ng Jaguar ang meta ng may walong kabayong agawat sa pumangalawang Sartorial Elegance.


Inirehistro ng Jaguar ang tiyempong 1:40 minuto sa 1,600 meter race sapat upang angkinin ng winning horse owner na si Representative Juan Miguel "Mikey" Arroyo ang P720,000 premyo.


"Congratulations to the winners of the day's big events led by Henry Cojuangco Cup winner Shastaloo, Jaguar and Easy Does It. Also thank you to the racing fans who make racing the sport it is today," saad ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) chairman Reli De Leon.


Nasilo ng second placer na si Sartorial Elegance ang P270,000 habang P150,000 ang nakopo ni Sky Story sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Pumang-apat si Gintong Hari na sumungkit ng P60,000.


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | April 4, 2023



Kuminang si Shastaloo noong Linggo ng hapon matapos manalo sa 2023 PHILRACOM Henry Cojuangco Cup na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.


Maayos at maganda ang pagkakadala ni jockey John Paul Guce kay Shastaloo nang ipuwesto nito sa pang-apat sa largahan ayon sa komento ng mga karerista sa social media.


Tangan ni Treasure Hunting ang unahan sa kaagahan ng karera pero kinakapitan ito ni Civics Class.


Matindi ang naging bakbakan nina Treasure Hunting at Civics Class sa unahan subalit pagsapit ng far turn ay nalapitan na sila nina Time For Glory at anak nina Algorithms at Walter Pak na si Shastaloo na dumaan sa tabing balya.


Papalapit ng huling kurbada ay kumukuha na ng unahan si Shastaloo habang si Righteous Ruby ay nasa segundo puwesto.


Hindi kinaya nina Righteous Ruby ang tikas ng Shastaloo sa rektahan.


Nagwagi ang Shastaloo ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Righteous Ruby. Inirehistro ng Shastaloo ang tiyempong 1:49.6 minuto sa 1,800 meter race sapat upang ibulsa ang P900,000 habang nasa P337,000 ang naiuwi ng second placer ang Righteous Ruby.


Ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILARACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | April 03, 2023



Sinisiw ni Raintree Starlet ang mga katunggali matapos pakainin ng alikabok ang mga nakalaban sa Conditon Race (10) Merged na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, noong Sabado ng hapon.


Pinaharurot ni jockey John Paul Guce si Raintree Staarlet sa largahan upang hawakan agad ang unahan.


Subalit hindi naging madali para kay Raintree Starlet ang paghawak sa unahan dahil nakakapit sa kanya ang makulit na Downsideprotection na sinakyan ni Conrad Henson.


Nakalamang ng kalahating kabayo si Raintree Starlet kay Downsideprotection pero pagsapit ng far turn ay uniti-unti na nitong pinapagpag ang kalaban.


Papalapit ng huling kurbada ay iniwan na ni Raintree Starlet ang Downsideprotection at pagsapit ng rektahan ay hawak na ng winning horse ang dalawang kabayong bentahe.


Tinawid ni Raintree Starlet ang meta ng may apat na kabayong agwat sa pumangalawang Runawayfromrosenot.


Inirehistro ni Raintree Starlet ang tiyempong 1:36.8 sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang winning connections na P10,000 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli de Leon.


Terserong dumating sa finish line si Charm Campaign habang pumang-apat si Downsideprotection.


Samantala, may 10 karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kahapon ng Linggo kaya masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page