top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | May 6, 2023


Puntirya ng magkakamping sina Boat Buying at Winner Parade na sumungkit ng panalo sa sasalihan nilang 2023 PHILRACOM "Hopeful Stakes Race" na ilalarga sa Mayo 13 sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.


Makakatagisan ng bilis ng Boat Buying at Winner Parade ang siyam na tigasing kalahok sa distansiyang 1,600 meter race kung saan ay nakalaan ang P1.5-M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.


Sasakyan ni class A rider Kelvin Abobo si Boat Buying at si John Alvin Guce ang gagabay kay Winner Parade habang ang ibang kasali ay ang Badboy MJ, Borrowed Heaven, Earli Boating, Grand Monarch, Mano Po, Rough Cut, Sweetie Giselle at Take A Chance.


Mag-uuwi ang mananalong kabayo ng P900,000, mapupunta sa segunda ang P300,000 at P150,000 sa pangatlo habang tig-P75,000, P45,000 at P30,000 ang fourth hanggang sixth placers ayon sa pagkakahilera.


Tatanggap din ng P75,000 ang breeder ng winning horse habang tig-P45,000 at P30,000 ang second at third sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Komento ng mga karerista ay posibleng masilayan ng husay ang kalahok na Grand Monarch na gagabayan ni Conrad Henson at Earli Boating na dadalhin ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA), Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema.


Papasanin ng Fillies na kabayo ang 52 kgs. habang 54 kgs. ang kakargahin ng Colts, inaasahang naghahanda na ang mga trainers at jockey kasama ang kanilang pambatong pangarera upang masikwat ang inaasam na panalo.


Samantala, tiyak na masisiyahan ang mga karerista sa pakarera ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ngayong araw ng Sabado at bukas ng Linggo dahil mga balanseng lineup ang kanilang pakakawalan.



 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | May 5, 2023


Paniguradong daraan sa butas ng karayom si Magic Show Time bago makuha ang panalo sa pagsalang nito sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas ngayong araw.


Base sa komento ng mga karerista sa facebook page ng karera, magagaling ang mga kasaling kabayo sa nasabing karera kaya paniguradong magandang laban ang kanilang mapapanood.


Pasisibatin sa unang race, posibleng maging hadlang sa asam ni Magic Show Time na panalo ay ang kalahok na si Moderne Stroke na rerendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez.


May distansyang 1,200 meter race, ang ibang makikipagtagisan ng bilis ay sina Impressive Victory, Galactus, Mapagkalinga, Real Fair, Unconditional Love at Jewel Of The Nile.


Sasakyan ni class A rider O'Neal Cortez, puntirya ng connections ni Magic Show Time ang P20,000 added prize para sa 3-year-old horse lamang.


May pitong karera ang inihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ngayong araw ng Biyernes, lahat ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Isa pang aabangan ng mga karerista ay ang labanan sa Condition Race (22) na pakakawalan sa pangalawang karera.


Walong dekalidad na kabayo ang kasali sa distansiyang 1,200 meter race, ito'y sina Grand Laughter, Lakan Takhan, Jersy Crown, Pilya, Gil's Magic, Lava Walker, Professor Jones at Sunny Side.


Si Grand Laughter ang posibleng magdomina ng bentahan sa takilya, gagabayan siya ng isa pang PSA - JoY awardee na si Patty Ramos Dilema.


Mga Pili ni Green Lantern:


Race 1 - Magic Show Time (4), Moderne Stroke (2)

Race 2 - Grand Laughter (1), Sunny Side (8)

Race 3 - Early Bird (14), Raxa Bago (2), Cash Is King (10)

Race 4 - Player Andri/Sentinel Node (3/3A), Sun Dance (11), Bada Bing (7)

Race 5 - Flintridge (4), Freddie Wong (6)

Race 6 - Princess Isabelle (2), Double Rock (5), Ring A Bell (3)

Race 7 - Magnum Force (10), Boni Avenue (11), Twinkle Toes (12)



 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | May 4, 2023


Kasama si La Trouppei sa mga naghayag ng pagsali sa 1st Leg ng Triple Crown Stakes Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas sa Mayo 14.


Inaasahang markado si La Trouppei ng mga karerista dahil sa ipinakitang husay nito nang manalo sa kanyang huling nilabanan.


Maliban kay La Trouppei nasa listahan din sa mga nominadong sasali ay sina Easy Does It, Gintong Hari, Going East, Istulen Ola, Jaguar at Tell Bell, may distansiya itong 1,600 meter race.


Paniguradong paghahandaan ng todo ang nasabing karera dahil nakalaan ang guaranteed prize na P3.5M na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Hahamigin ng mananalong kabayo ang P2.1M, mapupunta sa pangalawa ang P787,500 habang tig- P437,500 at P175,000 ang 3rd at 4th placers ayon sa pagkakasunod.


Tatanggap din ng P175,000 ang breeder ng mananalong kabayo habang tig-P105,000 at P70,000 ang second at third.


Napanood ng mga karerista ang galing ng La Trouppei nang manalo ito sa "Road to Triple Crown Stakes Race" kung saan isa sa tinalo niya ay ang Jaguar.


Pero ayon sa mga karerista, tiyak na mas mainit ang labanan sa 1st leg kaya posibleng makasilat na iba.


"Mag-iiba ang bakbakan sa 1st Leg, posibleng nagtaguan pa ng pruweba sa Road to Triple Crown pero ngayon tiyak bigayan na ng lakas 'yan," saad ni Frederick Ballesteros, veteran karerista.


Tiyak din na simula ngayong araw ay ine-ensayo na ng mga trainers at hinete ang kanilang panlaban na kabayo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page